The Final Chapter

Start from the beginning
                                    

"Salamat, Papa. Salamat po..."


Niyakap ko ulit si Vien at pinupog ng halik ang mukha ng bata. Yumakap din ito sa akin nang sobrang higpit. Nagsisisigaw ito nang humiwalay na ako.


"Baby, aalis muna si Mommy. Magbait ka rito, ha? Love ka ni Mommy, tandaan mo iyan. Ba-bye muna, baby ko." Ang sakit-sakit sa dibdib magpaalam, pero kailangan.


"Mommy ku! Ayoko umalis Mommy ku! Mommy ku!" palahaw nito na pumira-piraso sa puso ko. Nagwala ang bata sa airport habang umiiyak. Si Isaiah at si Papa Gideon ang umawat dito.


Tumalikod na ako sa kanilang lahat habang kaya ko pa. Pagpasok sa eroplado ay doon ako nag-breakdown. Sobrang sakit sa pangalawang pagkakataon na umalis. Iyong puso ko na basag na basag, naiwan ko ulit sa Pilipinas.



TITA DUDAY'S BODY HAD BEEN CREMATED. Kasama ang urn ni Mommy ay kinuha ko sila mula sa columbarium. Ang plano ko ay iuuwi sila sa Pilipinas, sa lupa na sinilangan nila. Doon ko sila ililibing kasama ni Kuya Vien. Para sama-sama na sila.


Nakatingin ako sa photo ni Tita Duday habang tigmak ang mga luha ko. Malaki ang pasasalamat ko sa babaeng ito, pero hindi ako lubusang masaya sa mga sakripisyo na ginawa nito.


"Tita Duday, napakabuti mong tao sa amin. Pero bakit nakalimutan mong maging mabuti sa sarili mo?"


Minsan ay napapaisip ako. Paano kung tiniis na lang kami noon ni Tita Duday? Paano kung hindi na lang ito nagpapadala sa amin sa Pilipinas? Oo, maghihirap kami. Wala kaming makakain, wala kaming magiging baon sa school, at hindi makakapasok sa private si Kuya Vien.


Pero sana nga ay ganoon na lang ang nangyari. Sana tiniis na lang kami ni Tita Duday. Dahil baka kapag talagang walang-wala na kami, baka dahil doon ay matutong magsikap sa sarili si Daddy.


Sana hindi ito naging tamad, palaasa, at mayabang. Sana kahit magalit ito, manisi, mangonsensiya, manakot na magpapakamatay, sana tiniis na lang ni Tita Duday.


Kung hindi man magsisikap si Daddy, oo gugutumin kami, pero baka naman dahil doon ay matauhan si Mommy. Baka kapag nakita ni Mommy na wala na kaming makain ni Kuya Vien, baka doon ito maglakas loob na magtrabaho.


Kung nakapagtrabaho si Mommy noon, malamang na magkakaroon siya ng mga kaibigan na magpapayo sa kanya. Lalaki rin ang mundo na ginagalawan niya. Mawawala ang takot sa puso niya. Baka magkaroon ng pagbabago sa buhay namin dahil doon.


At si Tita Duday? Kung hindi kami nito pinasan mula pa noon, baka may ipon ito ngayon. O kaya baka nakapag-asawa ito noon pa man. Baka may mga anak na ito ngayon. At baka hindi nasayang nang ganito ang buhay nito.


Kung simula pa lang, naging matigas ang mga puso namin, kung umiral ang 'tough love' kasya sa awa at 'family is love', siguro hindi naging ganito ang buhay naming lahat.


Ang kaso huli na. Nawala na ang mga nawala. Hindi na mababalikan ang mga nakaraan na. Pero ang kasalukuyan, mababago pa. At iyon ang babaguhin ko.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now