"Dainty Arabelle! Kumusta ang pinakamaganda kong pasyente?" bungad ni kuya.

"Hello po, kuya." Hindi ko alam kung patutuluyin siya, nakaharang ako sa pintuan.

"Hi, kumusta?" Ginala niya ang paningin sa bahay. "Okay ba ang lahat?" Sinulyapan niya ang paanan ko.

"Opo, kuya," ngiti ko. "Komportable naman po ako."

"Oo, nilagay ang paa mo para maging komportable ka, syempre," ngumiti rin siya saka sinulyapan ang bungkos ng bulaklak. "Pinabibigay ng boyfriend mo." Saka niya ibinaba ang basket ng prutas. "Ito naman, regalo ko."

"Maraming salamat, kuya. Inabala ka pa ni Maxrill Won, pasensya na," nahihiyang sabi ko, sinadyang iparinig kay Maxrill. Narinig ko ang matunog na buntong-hininga nito sa linya.

"It's fine, malapit lang naman ang bahay ko," ani kuya na lumingon sa kaliwa saka muling ngumiti sa 'kin. "Where's your dad?"

"Doktor, napadalaw ka?" si tatay na ang sumagot, nagkumustahan sila ni Kuya Bentley.

"Ano, Maxrill Won? Aasikasuhin ko na muna si Kuya Bentley. Maraming salamat sa flowers, ha?"

"You're wel-" Nagsasalita siya nang aksidente kong maibaba ang linya.

"Hala..." Binalewala ko na lang 'yon at pinatuloy ang bisita. "Kuya, maupo ka muna. Ipaghahanda kita ng maiinom, water po o coffee?"

"Pareho na lang," sagot ni kuya. "Salamat."

"Ah, sige po. Kayo, 'tay?" baling ko rito.

"Tubig na lang ang sa 'kin." Sumulyap si tatay kay kuya, siguradong iniisip kung mapagsasabihan siya tungkol sa kape.

"Kumusta ang pakiramdam ninyo, 'tay?" ani Kuya Bentley habang abala ako sa kusina. "Everything good?"

"'Eto, awa ng Diyos, maayos naman. Si Dainty lang ang nag-aasikaso sa 'kin ngayon. Ang mga bata, nasa eskuwela."

"Si misis ho?"

Sinilip ko si tatay dahil sa tanong ni kuya, kamot niya ang ulo. "Nasa Cebu, pinapunta roon ng pamilya ng anak niya."

"Oh, dahil siguro kay Maxwell? Naaksidente siya." Kaswal lang 'yong sinabi ni kuya gayong alalaang-alala na ang lahat, napangiwi ako.

"Gano'n na nga."

Tumango-tango si kuya. "He's okay now."

Sandaling natahimik ang pagitan nila. Doon ko naman hinatid ang inumin nila. Naupo ako sa pang-isahang silya, kaharap ni kuya.

Sandali akong pinagmasdan ni kuya saka dinampot ang tasa niya ng kape. "Thanks!" Isinenyas niya sa akin 'yon bago lumagok. Tumango-tango siya sa 'kin. "Hmm, it's well-balanced, great taste. Siguradong gustong-gusto ni Maxrill ang coffee mo."

Natigilan ako. "Sa tingin ko po, kuya."

Ngumiwi si tatay. "Wala namang inatupag 'yon kung hindi kumain at uminom, nagugustuhan niya lahat ng nakabubusog."

Palihim kong nginusuhan si tatay nang matawa si Kuya Bentley.

"Oo, kaya marami siyang restaurants. Ikakasal na si Maxwell, kayo, kailan?" hindi ko inaasahan ang tanong ni kuya! Ako ang walang iniinom pero ako ang naubo dahilan para matawa uli siya.

"Nag-aaral pa ang anak ko," si tatay ang sumagot. "Isa pa, hindi pa sila handa sa gano'n, sa tingin ko. Pareho pa silang isip-bata."

Humalakhak si Kuya Bentley. "O baka naman kayo ang hindi handa, 'tay?" Napakaprangka niya.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα