Lumabi ako. "Hindi po siya ungas at Maxrill Won po ang pangalan niya."

"Gano'n na rin 'yon." Ngumiwi si tatay saka sumeryoso. "Sinabi niya talaga sa 'yo ang tungkol do'n?"

"Opo," bagaman nawirduhan ako sa paniniguro ni tatay, binalewala ko. "Kinuwento po sa akin ni Maxrill Won na taga-roon sila ng pamilyang Moon."Ngumiti ako pero napabuntong-hininga rin nang alisin sa 'kin ni tatay ang paningin niya.

Nasagot naman na ang tanong ko, bakit parang hindi pa rin ako kontento? Parang meron akong gustong alamin. Hindi ko matukoy.

Napansin ko rin kasi na sabay na nilingon nina tatay at nanay si Kuya Bentley nang sandaling 'yon sa ospital. Kakaiba rin 'yong paraan ng pagtingin nila kay kuya; gulat, nagtataka, at naninindak. Hindi ko maintindihan.

"Ang apelyido po ni nanay...gano'n pa rin po ba hanggang ngayon?" pangungulit kong muli. "Heurt Park pa rin po ba ang pangalan niya kahit may asawa na siya?"

Buntong-hininga na naman agad ang sinagot ni tatay. Lumingon siya sa 'kin, nakakunot ang noo. "Oo. Hindi magbabago 'yon kahit pa mag-asawa siya, gano'n sila sa mga bansa nila."

Umawang ang labi ko. "Talaga po? Kahit dito sa Pilipinas kinasal?"

"Tsk. Teka nga? Hindi naman kinasal ang nanay mo."

"Kahit...sa inyo po?" natitigilan kong tanong.

"Hindi kami kinasal ng nanay mo." Nangunot ang noo ni tatay. "Isa pa, ganap na siyang Moon ngayon. Kung paanong nangyari 'yon, siya ang tanungin mo."

"Bakit hindi po kayo kinasal ni Nanay Heurt?"

"Dahil kasal ako sa tunay mong ina."

"Kung gano'n, magpapakasal po kayo ni Nanay Heurt kung pwede at may pagkakataon?" ngumiti ako.

"Hindi."

"Po? Bakit? Ano po ba talaga kayo ni Nanay Heurt, 'tay?"

Natigilan si tatay, nahinto sa pagpindot sa remote at napako ang paningin sa TV. "Wala." Iisang salita lang 'yon ngunit natikman ko ang pait.

Wala? Gusto kong kumpirmahin kahit pa malinaw ko nang narinig. Sa t'wing sasagot si tatay, lalong nadaragdagan ang tanong ko.

Ilang taon kaming magkakasama sa hirap at ginhawa. May mga hindi man pagkakaunawaan, hindi ko mabilang ang masasayang sandali namin bilang pamilya. Inalagaan kami ni nanay na parang tunay na mga anak, tinuruan, pinalaki nang tama, pinakain nang masasarap, at binihisan nang malilinis at maayos. Hindi kailanman napagod si nanay sa pag-aasikaso kay tatay, na kahit sino ay maniniwalang mag-asawa sila. Tapos para sa kaniya...wala lang sila ni nanay?

Hindi ko alam kung bakit parang ako 'yong nasaktan. "Wala lang po pala kayo ni nanay," huli na para bawiin ang lungkot ko. "Pero...kung kayo po ba ang masusunod, pakakasalan ninyo si nanay?"

Lalong natigilan si tatay. Lumingon siya sa 'kin at minsan pang tumitig. Umasa akong sasagutin niya na ako pero buntong-hininga na naman ang natanggap ko.

"Ano ba't napakarami mong tanong, Dainty?"

Ngumuso ako. "Curious po kasi ako, 'tay. Pakiramdam ko kasi...napakarami kong hindi alam kay nanay. Akala ko, alam ko nang lahat sa inyo ni nanay, hindi pala."

"Napakakulit mo talagang bata ka," inilingan ako ni tatay.

"Kasi naman...ngayon ko lang nalamang Heurt Park pala ang pangalan ni nanay. Tapos sabi ninyo, mananatili ang pangalan niya kahit pa mag-asawa siya pero isa na siyang Moon ngayon. Nakalilito po, 'tay."

LOVE WITHOUT BOUNDARIESWhere stories live. Discover now