s a y a w

7 1 5
                                    

Basta Isasayaw Kita

Ikaw lang ang sayaw na hinding-hindi ko tatanggihan.

Ikaw ang pinakapaborito kong ritmo ng buhay ko, at paulit-ulit kitang tutugtugin sa puso ko.

Para kay Hiroshi
Mula kay Ilaya

Hiroshi, tunog arigato ang pangalan mo pero arigago ang ugali mo. Hindi, biro lang. Ikaw ang pinaka-berdeng lalaking nakilala ko, hindi green minded, green flag.

Sabi mo, nung una mo akong nakita hindi ka makahinga. Akala ko dahil mabaho ang hininga ko, pero ang sabi mo ay dahil maganda ako. At alam mo ba Hiroshi? Alam ko na 'yun. Dati na at talagang maganda ako. Joke. Hindi naman ganito kakapal ang mukha ko. Sa katunayan, sobrang baba ng tingin ko sa sarili ko. Ang dami kong ayaw sa akin na itinuro mong mahalin ko.

Ayaw ko sa kulay ng balat ko. May kaitiman, morena, mukha akong prinitong tilapya na pasunog na. Pero ang sabi mo, ayos ang balat ko dahil hindi halata kapag nagdagat ako. Ayaw ko din sa height ko, hindi ako maliit pero hindi rin malaki, gusto ko pang tumangkad at kamalas-malasan ay hindi na pwede. Ang sabi mo ulit, sakto lang ang height ko, maganda, magkasingtangkad tayo at hindi na niya ako kailangang yukuin kapag kakausapin. Ayaw ko nga din pala sa hulma ng ulo ko, bilugan, hindi itlog pero parang itlog na parang siopao, ewan ko, ayaw ko talaga sa mukha ko. Ang sabi mo naman, ano ngayon? Anong gusto ko? Maging katulad ng iba? Maging kamukha ng iba? Makumpara sa iba dahil magkaparehas kami, at pilit na tutukuyin ng mga tao ang pagkakaiba namin at sa huli ay pipiliin nila 'yung mas lamang. Gusto ko ba 'yun kaysa sa magkaroon ng kakaibang katangian?

Sa totoo lang, gusto ko 'yun noon. Kampante ako eh, na kung may kaparehas ako, alam kong ako ang mas lamang dahil sisiguraduhin kong mas lamang ako kaysa sa ikinukumpara sa akin.

Pero ngayon, ang estupidang isipin. Bakit gusto ko 'yun? 'Yung maging katulad ng iba kaysa sa magpaka-ako? Nawala ko tuloy ang sarili ko at natagalan akong mahanap ito ulit.

Noong mga panahong bago at pagkatapos mawala ng pagkatao ko ay nandoon ka. Tumulong ka sa paghahanap nang walang reklamo kahit binalaan mo na ako noon na huwag na huwag kong ipagpapalit ang tunay na ako sa isang pekeng ako, magustuhan lang ng mga tao.

Tanda ko, detalyado lahat sa utak ko kung paano ko ulit nahanap ang tunay na ako. At alam mo ang twist? Sa'yo ko ito nahanap. Sa mga mata mo. Hindi nawala ang tunay na ako kundi nandito lang siya sa loob ko, hinihintay ako na tuklapin ang pekeng ako na binalot ko sa sarili.

At noong lumabas ang tunay na ako, hindi lang ang dating ako ang natagpuan ko, maging ang bago at mas better na ako ang sumalubong sa akin nang tingnan ko ang repleksyon sa mga mata mo.

Ang pinakapinagsisisihan kong bagay sa nakaraan ay iyong pinili ko ang magbulag-bulagan. Pinili ko ang hindi kapili-pili, binalewala ko ang dapat kong pagtuunan ng pansin. Gumawa ako ng maling desisyon gayong nasa harap ko na ang tamang destinasyon.

Natakot kasi ako. Sa sobrang bait mo, parang ayaw kitang saktan. Parang hindi kita kayang saktan. Sorry, inisip ko kasi agad, paano kung sinagot kita, naging tayo, nawala bigla, kailangan nating maghiwalay, kaya ko bang sabihin sa'yo o kaya ko bang marinig sa'yo ang salitang dapat sabihin kapag ayaw na? Ganito ako eh, laging pinangungunahan. Pasensya na ha?

Hindi ko mabilang kung ilang beses na kitang nasaktan...nasaktan sa tuwing magp-practice tayo ng sayaw. Lagi kong naaapakan 'yung paa mo, sapatos mo. Ang dumi tuloy, tapos kapag hindi sinasadyang mapalakas ay iika-ika kang maglalakad. 'Di bale, nililibre naman kita, pero sapat ba 'yon? Sana oo.

Hiroshi, bukod sa ako, nakikita ko sa mga mata mo ang gusto mo sa pagsasayaw, ang talentado at determinado mong sarili para maging magaling sa pagsasayaw. Gustong-gusto ko sa tuwing ngumingiti ka at nagp-practice, kapag hindi ko na kaya at uupo na lang ako sa bangko, ipapatong ang ulo ko sa palad, nakapalumbaba, tititigan kang parang nawawala sa pagsasayaw pero alam kong hindi dahil kabisadong-kabisado mo ang inaapakan.

Matigas ang katawan ko, hindi ako ginawa sa pagsasayaw, ang alam ko lang yata ay tumambling nang palpak, magcartwheel nang palpak, at sa pagpapalakpak lang hindi palpak.

Natatawa ka kapag sinasabi ko iyon sa'yo, at mas lalo naman akong nahuhulog kapag lumalabas ang dimple mo. Grabe, Hiroshi, mukha ka talagang arigato na half kamsahamnida dahil sa buhok mong may kulay. Mukha kang kpop, at ako mukhang durog na lollipop.

Matagal-tagal rin bago ako nagdesisyong umamin. Isang taon yata akong nagtiis--nagtago ng feelings. Alam kong nahanap mo na maging ang tunay na nararamdaman ko, pero alam kong iba pa rin sa pakiramdam 'yung ako na mismo ang umamin, kaya iyon ang ginawa ko.

Umamin ako sa'yo.

Pero hindi naging masaya ang pag-amin na iyon. Kasabay naman kasi nito ay ang pag-alis mo, pupunta ka sa ibang bansa para doon ipursige ang pagsasayaw. At hindi lang, doon ka rin mag-aaral.

Hindi ka na nakaattend ng graduation ball. Pero masaya pa rin ako, dahil noong umalis ka, nangako ka, na pagbalik mo ay magsasayaw tayo, basta isasayaw mo ako. Kahit mali ang steps, kahit maapakan ko man ang paa mo, kahit wala na tayo sa tono, at  kahit wala nang musika...basta isasayaw kita.

Kung alam ko lang na pagkatapos nang pangakuang iyon, pakuan pala ang magaganap, edi sana hindi na lang ako umasa.

Kung alam ko lang na hindi ka babalik, na hindi ka na babalik. Hindi na sana ako umasa. Hindi na sana ako naghanda ng musika para sa sayaw natin at hindi na sana ako naghanda ng magandang bestida na may pares na flat shoes para hindi masakit kapag naapakan kita.

Pero...naniniwala akong may susunod pa. Sigurado ako. At sa susunod na iyon, alam ko na kung paano sumayaw, alam ko na kung paano kita hindi maaapakan, alam ko na kung saan kita hahawakan, alam ko na kung saan tayo maghahawak ng kamay, alam ko na lahat.

At sa susunod na iyon, hindi na mapapako ang pinangako nating pagmamahalan. Magagamit natin ang mga inihanda ko, magsasayaw tayo, kung may katapusan man ang walanghanggan o wala, magsasayaw tayo, gumuho o magpatuloy man sa pagbabago ang mundo, basta magsasayaw tayo.

Pero kapag dumating ang araw na bumalik ka, isasayaw mo pa ba ako?

Basta Isasayaw KitaWhere stories live. Discover now