Hindi ko na nakuhang makasagot dahil napairit na sa tuwa si Vien. "Yey, Star City!" Ang saya-saya nito na kulang na lang ay mag-tumbling.


Hindi pa raw kasi nakakapunta ito sa Star City. Sa SkyRanch pa lang daw ito nadadala ni Isaiah noong nakaraang Pasko, kasama ang wowa nito. Sobrang enjoy ang bata pagdating ng Star City.


"Ninung, astig dito!" Para itong may sili sa puwet na hindi mapakali.


Hingal aso kami ni Eli kahahabol dito. Ang nangyari tuloy ay pare-pareho kaming pawisan. Napabili pa tuloy si Eli ng t-shirt para sa aming tatlo. Star City shirts na kulay pula. Iba-iba lang iyong sizes. Iyong family shirts.


Ang dami ring nakain ni Vien kaya ilang beses ko itong ibinalik-balik sa rest room. Sa lahat naman ng iyon walang reklamo si Eli. Sa halip ay aliw na aliw ang lalaki sa bata.


Sa carousel ay tatlo kaming sumakay. Mag-isa ako sa isang kabayo habang magkaangkas naman sa tabi ko sina Vien at Eli. Magkasundo na agad ang mga ito. Kanina nga lang ay nagse-selfie na si Vien sa iPhone ni Eli.


Speaking of phone, deadbat pala iyong akin. Hindi ako nakapag-charge bago umalis sa bahay kanina. Pero nakapagsabi naman ako sa mama ni Isaiah na pupunta kami ngayon nina Vien sa Star City. Nag-reply naman ito na okay lang at mag-enjoy raw kami.


Hindi na ako nag-charge sa charging station dahil mahaba ang pila. Akala ko rin ay makakauwi kami agad kaya lang ay ayaw pang umuwi ni Vien. Kung saan-saan pa kami hinila ng bata.


Ang mga nakakasalubong namin ay napapatingin sa aming tatlo. Siguro natutuwa kay Vien, o kaya naguguwapuhan kay Eli. Ewan ko. Ang cute kasi ng dalawa. Kung hindi mo kilala ay iisipin mo na mag-ama ang mga ito.


Sa biyahe pauwi ay bagsak si Vien. Pagod na pagod ito at naghihilik pa sa tabi ko. Hinahaplos ko ang buhok nito habang napupuno ng tuwa ang aking dibdib. Ngayon ko lang kasi naipasyal ito, ngayon ko lang din nakasama sa labas nang ganoon katagal.


"Are you happy, Vi?" tanong ni Eli na nasa driver's seat. Nakasilip siya sa akin sa rearview mirror.


Nag-thumbs up ako kay Eli bilang sagot. Ngumiti naman siya sa akin.


2:00 a.m. na kami nakarating sa PK2. Doon ako parang bumalik na sa reyalidad. Bumangon ang kaba sa aking dibdib nang matanaw si Isaiah sa labas ng gate ng compound.


Aligaga ang nakapamewang na lalaki habang paroo't parito sa paglalakad. Mukhang kanina pa siya. Nang mapatingin siya sa aming sinasakyan ay saka siya huminto. Kahit malayo pa ay kitang-kita ko na ang pagsasalubong ng mga kilay niya.


Kinusot ko ang aking nanlalabong mga mata. Tama nga ang nasisinag ko sa ekspresyon ni Isaiah, galit siya.


Paghinto ng kotse ay naunang bumaba si Eli. Pero bago pa makaikot si Eli para buksan kami ng pinto ng sasakyan ay nauna na si Isaiah. Siya ang humila pabukas ng pinto sa tabi ko.


"Anong oras na?" Bagaman mahinahon ang boses ay mabigat.


South Boys #3: Serial Charmerحيث تعيش القصص. اكتشف الآن