Wakas: Hangganan ng Palugit

33 2 0
                                    

WAKAS: HANGGANAN NG PALUGIT





"LONG TIME NO SEE! I miss you p're!" Mahigpit na niyakap ni Renald si Anthony nang makita niya ang kaibigan namin. Agad na sumunod sa kaniya si Addy at Felipe.

"Ang init!" reklamo ni Anthony bago bugawin ang tatlong lalaking nakayakap sa kaniya. Nang magkahiwa-hiwalay na sila sa pagkakayakap, pinunasan ni Anthony ang leeg at noo niya, kunwari ay pinagpawisan dahil sa yakapan nila.

"Grabe, nakakailang buwan ka pa lang sa Amerika, hindi ka na agad sanay sa init at pawis? Iba talaga kapag nakakaangat na sa buhay," komento ni Felipe bago akbayan si Anthony. "Pa'no ba 'yan? Dahil nakakaangat ka na ngayon at ikaw ang galing sa ibang bansa, for sure sagot mo na kaming lahat ngayong gabi?"

"Tama, tama. Hindi ka na nga nagpa-farewell party bago mo kami iwan, wala ka pang pa-party ngayong nandito ka na ulit?" pangsang-ayon ni Tyrese kay Felipe bago siya umupo.

"Ilabas mo na 'yang dollars mo, Anthony. Hindi ka namin pauuwiin nang hindi nauubos 'yang laman ng wallet mo," paggatong pa ni Marga bago niya ipatong sa hita niya ang handbag niya nang makaupo siya.

Kararating lang namin sa restaurant. Halos sabay-sabay lang din kaming dumating kaya sabay-sabay kaming pumasok sa loob. Dahil si Anthony ang matagal naming hindi nakita, siya agad ang pumukaw sa atensyon naming lahat. Parang wala namang nagbago sa kaniya bukod sa maliit na tattoo ng nota sa pupulsuhan niya.

Nasa parehong restaurant kami na kinainan namin noon nang sabihin ni Anthony sa amin na sa abroad siya mag-aaral ng kolehiyo. Dito rin kami nagpalipas ng oras nang ilibing si Maureen noon. Parang kailan lang nang huli kaming kumain dito. Ang bilis ng panahon.

"Oh siya." Hinawakan ni Anthony ang isang glass champagne bago ito iangat. Siya ang nasa sentro ng parihabang lamesa na okupado namin ngayon. Ito rin 'yong parehong table na ginamit namin nang una kaming kumain nang magkakasama rito. "Dahil sa atin ang gabing ito, sagot ko na kayong lahat!"

Naghiyawan naman kami dahil sa sinabi niya, lalo na si Renald na hinalikan pa sa pisngi si Anthony kaya napangiwi ang huli. Gayunpaman, nagtawanan kaming lahat dahil sa reaksyon niya.

"Oh—akala ko crush-crush lang ang namamagitan sa inyong dalawa. Hindi ako na-informed na tototohanin niyo pala," puna ni Anthony nang makita niya kaming dalawa ni Addy na magkatabi. Napunta tuloy sa aming dalawa ang mata nilang lahat. "So kumusta? Road to forever na ba 'yan? Marami akong kilalang foreigner, baka gusto niyo ireto ko kayo—"

Mabilis na tinakpan ni Felipe ang bibig ni Anthony.

"Kakauwi mo pa lang p're, baka gusto mong pabalikin ka na agad ni Addy sa Amerika?" pagbabanta ni Felipe kaya sabay-sabay ulit kaming natawa. Nagkatinginan na lang kami ni Addy bago niya hawakan ang kamay ko.

"Ayan na 'yong pagkain!" saad ni Isabella kaya napatingin kaming lahat sa mga waiter at waitress na nakapila habang naglalakad papunta sa table namin. Pawang may mga kaniya-kaniyang hawak na plato at baso. "Bukas na lang muna siguro ako magd-diet, ngayong gabi lang naman ako kakain nang marami," sabi ni Isabella habang pinapanood pagse-serve sa amin ng pagkain.

"Damihan mo lang ang kain mo, ikaw naman magbabayad ng sa 'yo," sabi ni Anthony kaya agad siyang inirapan ni Isabella. "Aba—marunong ka na gumanyan ngayon?"

"Hanggang ngayon wala ka pa ring manners," sagot ni Isabella.

"Hanggang ngayon wala ka pa ring boyfriend. Mukhang tatanda ka talagang dalaga," tugon namin ni Anthony sa kaniya kaya nagtawanan kami. Sinamaan tuloy ako ng tingin ni Isabella kaya napatikom ako ng bibig.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon