Kabanata 7: Huling Yakap at Pagkakataon

21 2 0
                                    

KABANATA 7: HULING YAKAP AT PAGKAKATAON






"TEKA LANG, kami muna ni Katrina magse-selfie!"

Binangga ni Isabella ang mga kaibigan namin na nagpapa-picture kasama ako at walang pakundangan na kumuha ng litrato naming dalawa kahit hindi pa ako nakakapaghanda. Mabilis niyang pinindot ang screen ng cellphone niya kaya siguradong hindi maayos ang itsura ko ro'n.

Saglit akong sumimangot pero nginitian lamang niya ako bago ako hatakin ng iba naming mga kaklase. Nawala na sa paningin ko ang lalaking kanina lang ay nakatanaw sa akin mula mismo sa kinatatayuan ko ngayon sa baba ng stage.

"Isa pa," sabi ni Marga sa akin bago muling kumuha ng litrato naming dalawa gamit ang front camera ng cellphone niya. Nagbilang siya hanggang tatlo bilang paghahanda bago niya pinindot ang screen ng cellphone niya. "Congratulations ulit! Sayang dahil hindi na tayo magkasama sa college dahil magkaiba na tayo ng papasukang school," aniya.

Nakangiti ko namang tinanggap ang dalawang kamay niya.

"Magkikita pa rin naman tayo palagi dahil malapit lang ang bahay natin sa isa't isa. Tsaka for sure may iba pang gala na mase-set ang barkada natin kaya madalas pa rin tayong magsasama," tangi kong tugon bilang assurance. Ngumiti naman siya bago kami magbigayan ng mahigpit at mainit na yakap.

"Didiretso ka na ba kila Denice?" tanong ni Marga nang maghiwalay kami mula sa pagyayakap.

"Baka umuwi muna ako saglit sa amin para magbihis," saad ko. Tumango na lamang siya bago magpaalam na sasabay na kay Jhoanna at Artemis papunta sa bahay nila Denice.

May halos dalawang oras pa naman bago magsimula ang graduation party na iho-host ni Denice. Hindi na rin p'wede mag-back out ngayon dahil naka-oo na ako sa mga kaibigan at kaklase ko noon pa—wala rin naman akong dahilan para takasan ang huling party namin na magkakasama.

"Tara na?" Sinukbit ni mama ang kamay niya sa braso ko gaya ng nakasanayan.

Lumingon ako sa likuran ko at tanging mga non-teaching personnel na lang ng paaralan ang halos natira sa auditorium para linisin ang venue. Mangilan-ngilan na lang ang mga guro at estudyante na nasa auditorium para magpakuha ng litrato at saglit na mag-usap.

May ikinukwento si mama sa akin pero tila natulala ako sa pwesto kung saan ko huling nakita ang estrangherong tsuper ng jeep. Nang mapansin ni mama na hindi ako nakikinig sa kaniya, si papa naman ang kinulit niya hanggang sa makalayo na kami nang tuluyan mula sa auditorium ng paaralan.






KALAGITNAAN NA ng gabi pero maliwanag pa ang daan patungo sa bahay ni Denice kung saan gaganapin ang graduation party ng buong senior high school department.

Hinatid ako ni papa sa venue kasama si Isabella. Pareho naming tinapos ang pagme-makeup sa loob ng kotse habang bumabyahe.

Sakto namang paghinto namin sa tapat ng bahay nila Denice ay natapos na rin kami sa pagaayos.

"Thank you po sa ride!" ani Isabella kay papa nang makababa kami pareho. Ngumiti naman ako kay papa bago bumeso at binilinan na mag-ingat siya pauwi.

"Enjoy!" sabi pa ni papa bago niya paandarin palayo ang sasakyan.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon