Binato naman siya ni Hans ng napulot niyang kamatis. "Gago! Natulog lang kami!"

Inosenteng tumingin naman si Lynard sa kanya. "Luh? Wala naman akong ibang ibig sabihin doon. May naiwan kasing pagkain diyan kanina kaya hindi ako naniniwalang hindi ka pa kumakain"

Dahil sa sinabi ni Lynard ay napasimangot si Hans at nagtawanan ang mga kaibigan niya. "Gago. Kidnapin ko kaya si Andeng at hindi ko ipakita sayo ng isang linggo?"

"Aba, edi ibibili ko ng ticket si Lizette at Trevor papuntang Maldives para makapagbakasyon silang dalawa" pang-aasar muli ni Lynard kaya lalong sumimangot si Hans. Tinanggal nito ang pagkakaakbay sa'kin at saka nilapitan ang kaibigan para sakalin.

"Best friend mo ako since high school, sa'kin ka nangongopya ng assignment minsan, pero mas ililibre mo pa ng bakasyon yung ibang tao kesa sa'kin?! Gusto mong magkalimutan na lang tayo?!" himutok niya sa kaibigan habang sinasakal ito. Ang iba naman nilang mga kaibigan ay natatawang napapailing na lang na parang mukhang sanay na sanay na sila sa bardagulan ng dalawa.

"Joke lang e! Syempre, sayo ako pare! Ikaw ang manok ko, noon, ngayon, at magpakailanman! Kahit saan mo pa gustong dalhin yung bebe mo, sagot ko promise!" itinaas pa ni Lynard ang kanyang kanang kamay na parang totoong-totoo ang pangako niya.

Ngumisi si Hans at saka tinapik-tapik ang balikat ni Ly. Inayos pa niya ang kwelyo nito. "Yan ang gusto ko sayo! Pakiss nga ako!"

Sumimangot naman si Lynard at todo iwas sa tangkang paghalik ni Hans sa kanya. "Gago! Tigil-tigilan mo ako! Para kay Dawnita lang ang lahat ng parte ng katawan ko! Pati ang kaluluwa at anino ko, kanyang-kanya lang din!"

"Tsk, titigil kayo diyan o pagbubuhulin ko kayong dalawa?" supladong tanong ni Jerick kaya mabilis pa sa alas kwatrong naghiwalay ang dalawang makulit.

Muling bumalik si Hans sa tabi ko at hinila ako para maupo sa isang bakanteng upuan. Pagkatapos ay dumekwat siya ng isang pusit mula sa iniihaw ni Miguel at saka inilagay sa paper plate. Nang makita niya ang kaldero ay nagsandok na rin siya ng kanin. Bumalik siya sa akin at saka inabot ang pagkain. Naupo na rin siya sa tabi ko at nakisalo sa pagkain.

Napangiwi ako nang malasahan ko ang pusit. May kakaiba sa lasa nito na hindi ko nagugustuhan. Nakakapagtaka dahil paborito ko naman ang kalamares at adobong pusit.

"Ayaw mo ng luto ni Miguel?" takang tanong sa'kin ni Hans kaya napatigil si Miguel sa pagpapaypay ng mga iniihaw niya. "Si Miguel kaya ang pinakamasarap magluto sa'min" dugtong pa niya kaya napakamot ako sa ulo ko.

Nakakahiya. Baka sabihin ang arte ko. "H-hindi naman --"

"Ano bang gusto mong kainin?" muling tanong ni Hans pero malumanay na ang boses niya. Napangiwi ako dahil hindi ko rin alam kung anong gusto ko. Wala akong ganang kumain ngayon. Pero nagugutom naman ako.

Napapalatak si Hans at saka tumayo. Umalis ito sa tabi ko at lumapit kay Jarred. Mula sa mga isdang tinitimplahan at nilalagyan ng pampalasa ni Jarred ay kumuha siya ng isang tilapia bago siya lumapit kay Miguel. Inilagay niya doon sa isang side ng ihawan ang tilapia at saka hiniram niya ang pamaypay kay Miguel. Siya ang nagluto ng tilapia kaya hindi ko maiwasang mapangiti. Kahit nakasimangot siya ay ang cute nyang tingnan. Mukha wala nga siyang sapi ngayon.

Matapos niyang lutuin ang tilapia ay inilagay niya ito sa paper plate at dahan-dahang binuksan ang foil na nakabalot. Iginawa na rin niya ako ng sariling sawsawan ko bago siya lumapit sa'kin at ibinigay ang luto niya.

"O, di'ba kumakain ka naman ng tilapia?" nakataas ang isang kilay na tanong niya kaya nagingiting tumango ako at tinanggap ang luto niya.

Maganang kinain ko ang pagkaing inabot niya dahil ang sarap ng pagkakaluto niya sa tilapia. Sa sarap ay naka 2nd round pa ako ng rice. Grabe, ngayon na lang ulit ako nakakain ng ganito.

More Than WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon