"Sorry po, Aling Barbara. Biglaan po kasi noon ang mga pangyayari. Nagkasakit din po si Mommy kaya hindi niya na kayo naasikaso."


"Oo nga e, nabalitaan ko rin ang pagkakaroon ng breast cancer ni Veronica. Wala na pala siya, ano? Condolence, ha?"


Tumango ako. "Magkano po ba ang natitirang utang ni Mommy sa inyo?" Hindi kalakihan ang natatabi kong pera, pero ang utang ay utang.


Naglabas ng notebook mula sa dalang bag si Aling Barbara. "Dalawang lotion na tag two-fifty, isang lipstick na tag three hundred fifty, at sling bag na tag five hundred. Bale one thousand three hundred fifty."


Napalunok ako dahil malamang na may tubo na ang utang. Maliit pa naman ang natatabi kong pera, at hindi pa ako nakakahanap ng trabaho.


"'Wag kang mag-alala, maliit na lang ang itutubo ko," sabi ni Aling Barbara na nagpakalma sa paghinga ko. 


"Talaga po? Okay lang po ba iyon? Naabala po ang puhunan niyo sa utang ni Mommy. Okay lang naman po kahit tubuan niyo, basta 'wag lang ho sanang sobrang laki."


"Asus!" Ikinampay ng ginang ang kamay. "Three hundred fifty na lang ang tubo tutal deadbol naman na ang mommy mo. Isipin mo na lang na abuloy ko ang iba."


Napangiwi ako.


Hinagod ako ng tingin ni Aling Barbara. "Nahiyang ka sa abroad, ano? Lalo kang gumanda. Dalaga ka pa, di ba? May anak ako na binata pa rin. Ipapakilala kita."


"Naku—" Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil ang bilis nitong magsalita.


"Hanga ako sa 'yo, Vivi. Akalain mo iyon? Dalaga ka pa rin hanggang ngayon. Aba, alam mo iyong anak ng kapitbahay ko sa Navarro? Baka kilala mo, Carlyn ang pangalan. Ka-schoolmate mo iyon noong high school."


Carlyn?


"Ay, naku. Ayun, nag-abroad din iyon pagka-graduate ng high school. Alam mo bang buntis iyon? Kay agang bumukaka. Ang nakabuntis ay iyong lalaking naka-motor na pumupunta sa kanila."


Nanuyo ang lalamunan ko sa tinatakbo ng kuwento.


"Kow, kaya nag-abroad ay hindi kasi pinanagutan ng nakabuntis. Itsura ba naman kasi noong lalaki, guwapo nga pero halatang puro porma lang ang alam. May hikaw pa kamo sa tainga."


Napakamot na ako ng ulo dahil parang kilala ko na kung sino ang tinutukoy ni Aling Barbara.


Patuloy pa rin ang ginang sa pagsasalita, "Tandang-tanda ko pa ang itsura ng lalaki, nasaan na kaya iyon ngayon? At nasaan din kaya ang anak nila? Malaki na siguro ngayon, Baka mag-aanim na taon na."


Napalingon ako sa pinto nang may nagtulak pabukas ng screendoor. Isang maliit na batang lalaki na naka-partner na Paw Patrol blue shirt at shorts ang tuloy-tuloy na pumasok. Tayo-tayo pa ang naka-gel nitong buhok at amoy baby cologne.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now