Sasagutin ko na ito nang unahan ako ni Isaiah, "Tapos na kami."


Umingos naman si Mama Anya. "O? Tapos na talaga kayo? Sura na? Ayaw niyo na talaga?"


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Natawa naman si Mama Anya.


Binitiwan ng ginang ang aso sa sahig. "O Balmond, dito ka muna sa loob. Palagi mo na lang inaaway sa labas sina Chou at Gusion."


Maliit na ngumiti ako sa ginang. "Kain na rin po kayo, Mama..."


Nag-init ang aking pisngi dahil nakatingin si Isaiah. Nakita ko ang pagtaas ng isang kilay niya dahil sa tawag ko sa mama niya.


Mama... I was still calling his mother 'mama'. Nakasanayan ko na kasi iyon. Napayuko ako sa hiya.


Umakyat na si Isaiah sa itaas para magbihis. O kung magpapahinga rin siya ay hindi ko masabi. Basta hindi na siya ulit bumaba.


Ako ay naiwan sa ibaba. Niyaya ako ni Mama Anya na kumain. Sabay kami nitong nananghalian. Si Vien naman ay nasa sala na tanaw namin.


Hindi pa nagtu-toothbrush ang bata dahil pagkakain ng tanghalian ay naghimagas agad ito ng chocolates. Punong-puno ang bibig nito habang nakabulagta sa sofa at nanonood ng TV. Hawak ang remote at palipat-lipat ito ng channel.


Habang kumakain kami ni Mama Anya ay kinukumusta ako nito. Nakiramay tungkol sa nangyari kay Mommy. At pinuna nito ang pamamayat ko.


"Pinababayaan mo ang sarili mo sa Australia. Bumawi ka rito sa Pilipinas. Kainin mo lahat ng gusto mong kainin."


"Salamat, Mama..." Nag-init ang gilid ng mga mata ko. Ang pagluluto niya ng escabeche ngayon ay dahil sa alam niya na pupunta ako. Alam niya ang paborito kong luto niya.


"Siya nga pala, hindi ko pa nasasabi kay Isaiah ang tungkol sa ginawa mo," mayamaya ay mahinang sabi ni Mama Anya.


Napaangat ang mukha ko kasabay ng paghigpit ng aking hawak sa kubyertos.


Bumuga ng hangin ang ginang. "Malamang na masama loob niyan. Aangasan ka niyan. Pero kung sana ay—"


"Ma!" putol ko sa pagsasalita niya. "Hayaan na po natin iyon."


Muling bumuga ng hangin si Mama Anya. "Basta kapag may ginawa 'yang kagaguhan sa 'yo, sabihin mo lang sa akin. Uumbagin ko agad."


Napangiti ako at hindi na kumibo. Nakangiti na rin si Mama Anya.


"Okay naman na kami rito, Vi. Pagkaalis mo noon, napaayos na rin namin ang van at naparentahan."


Malaking tulong daw na naparentahan na ulit ang van noon, dahil hindi na kinakailangan pa ni Mama Anya na lumabas para mag-ahente. Kailangan niya kasing manatili na lang sa bahay para alagaan si Vien.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now