Nandito na ako, Maynila!

3 0 0
                                    

Unang bungad ko pa lang sa Maynila, may nakasalubong na agad akong umiiyak na babae. Hindi ko alam kung ano ang iniiyakan niya, pero natitiyak kong isa siyang estudyante dahil mayroon siyang ID.

Napatanong tuloy ako sa sarili ko... Papaiyakin din kaya ako ng Maynila?

Nagpatuloy ako sa aking paglalakbay, at sa aking paghakbang at paglakad habang tirik ang araw, natutunan kong hindi pala madali ang mabuhay. Konting galaw mo lang, mula pamasahe hanggang sa pagkain, hindi pala sapat ang bente lang. Hindi gaya sa probinsiya na makakabili ka na ng inumin at tinapay sa halagang ito.

Kailangan mo rin pala ng lakas at tapang para mapagtagumpayan ang bawat hamon. Kailangan mong sanaying maging mag-isa, kumain sa labas ng mag-isa, at kayaning dumepende sa sarili mo mismo. Sarili mo lamang ang magiging takbuhan mo kapag nagkaroon ka ng problema, ang pasan mong bigat ay ikaw lang din ang makakapagpagaan, kaya dapat ay matatag at matibay ang iyong loob.

Sa halos isang buwan kong pamamalagi, napaiyak nga ako ng lugar na ito. Hindi lang isang beses, kundi napakaraming beses na.

Ilang beses ko ring hinangad at hiniling na bumilis ang paglipas ng araw, linggo, at buwan, para makauwi na ako sa aking probinsiya — sa probinsiya ng Tarlac.

Nasasabik na akong masilayan qng mga ngiti ng mga batang naging malaking parte ng buhay ko. Nasasabik na akong mahagkan ang mga taong mahal ko. At nasasabik na rin akong makausap ang mga kaibigan ko.

Pero hindi dapat ako sumuko. Kailangan ko pang magtiis. Ilang buwan pa akong mananatili rito. At alam kong ako'y babalik at babalik pa rin, sapagkat tila nandito ang kapalaran ko.

Nandito na ako Maynila. Sana lang ay maging mabuti ka sa akin. Tulungan mo akong maging masaya at payapa sa kabila ng mga negatibong tumatakbo sa isipan ko.

Nawa'y maging sapat ang aking baon na lakas ng loob para mapagtagumpayan kita.

Maraming salamat.

Nagmamahal,
Riza

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 03, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

MAYNILA Where stories live. Discover now