Kabanata 5: Dilat ang Mata

Magsimula sa umpisa
                                    

Lumapit pa ako nang kaunti sa kung saan ko nakita ang mga nalaglag na kutsara at tinidor mula sa lamesa. Nakalagay ito sa isang lalagyan na mukhang natumba.

"Meow!" Sa pagsulpot ng pusa mula sa ilalim ng lamesa, naging malinaw sa akin kung sino at ano ang dahilan ng ingay na narinig ko. Mabilis na tumakbo palabas sa bintana na nasa lababo ang pusa. Doon ko lang napagtanto na marahil hindi nasarado ni mama ang bintana na 'to kaya nakapasok dito ang pusa.

Nilapag ko sa gilid ang walis tambo na hawak ko. Lumapit ako sa bintana at isinira ang salamin nito para hindi na muling makapasok pa ang pusa. Mabuti na lang at maliit lang ang bintana kaya tanging pusa lang at maliliit na hayop ang maaaring makapasok dito kahit pa iwang nakabukas.

Muntik na akong mapatalon sa gulat nang makita kong nakatayo sa likuran ko si mama. May hawak siyang unan sa kanang kamay niya habang nakatingin sa akin.

"Akala ko kung sino na," aniya bago buksan ang ref. Humikab pa siya habang kinukuha ang pitsel sa loob. "Bakit gising ka pa? Dis oras na ng gabi," puna niya bago magsalin ng tubig sa baso at dagli itong nilagok.

"Nakalimutan pong isarado ang bintana. May nakapasok na pusa kaya nagising ako sa ingay," sabi ko na may kasamang kaunting pagsisinungaling.

Tumango na lamang si mama bago kami sabay na naglakad paakyat.

Bago kami tuluyang makalayo sa kusina, saglit ko pang tingingnan ang bintana.






"ITO NA NGA! Malapit na kami riyan!" halos pasigaw kong tugon kay Tyrese na nasa kabilang linya. Lakad-takbo na ang ginagawa namin ni Isabella dahil nagmamadali kami para maabutan ang mga kaibigan namin sa bayan kung saan namin napag-usapang magkikita-kita para makinig at um-attend sa free admission concert ng lokal na banda.

"Bilisan niyo na, baka magsimula na silang tumugtog!" pag-uulit ni Tyrese bago niya ibaba ang tawag.

Agad kong isinilid sa bulsa ko ang cellphone ko. Sakto namang may napara na kaming tricycle ni Isabella kaya dagli kaming sumakay. Habang nasa tricycle, doon na nagayos ang kasama ko kaya amoy na amoy ko ang matapang na pabangong winisik niya sa katawan niya. Hindi na lang ako nagbigay ng kahit ano pang komento at inilabas ko na lang ang mukha ko sa tricycle.

"Bakit ba tayo nagmamadali? Eh hindi ba ang sabi nila alas syete pa naman magsisimula ang event? Mag-aalas sais pa lang oh," reklamo ni Isabella habang tinitingnan niya ang sariling repleksyon sa maliit na salaming bitbit niya.

"Alas syete pa nga ang simula, pero dahil libre ang admission at bukas para sa lahat ang event, maraming taong pupunta. Baka mapunta tayo sa dulo kung magpapaabot pa tayo sa mismong oras ng simula," sagot ko. "Tsaka sabi ni Tyrese, tayo na lang din daw ang hinihintay nila. Kung sakali man na hindi na tayo umabot, hindi nila sigurado kung makakapag-reserve sila ng pwesto sa atin do'n dahil baka siksikan."

"Buti na lang nag-jacket talaga ako. Kung siksikan pala ro'n mamaya, samu't saring balat ang kikiskis sa atin kung sakali," aniya.

Hindi na ako sumagot pa at nanatili kaming tahimik at nagmamadali sa pagbyahe.

Nang makababa kami sa kanto lulan ng tricycle, hindi agad kami nakasakay ng jeep dahil kung hindi puno ang mga dumadaan na jeep, palagi naman kaming nauunahan ng mga pasahero na kasabay naming naghihintay sa sakayan.

May halos sampung minuto rin kaming nakikipag-unahan sa alon ng mga tao bago kami magtagumpay sa pagsakay. Ayon nga lang ay siksikan ang nasakyan namin pero hindi na kami nagreklamo pa basta't makasakay lang dahil nagmamadali na rin kami.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon