Hinawakan niya ang mga kamay ko na nakatakip sa aking mukha at inalis ang mga ito. Nasalo ng nag-uulap kong paningin sa luha ang malamig na mga tingin niya.


"At kailan mo balak umalis kung sakali?" tanong niya.


Napahikbi ako. "H-hindi ko pa alam. W-wala pa akong trabaho. Palaging akong inaantok at palaging nagugutom. Hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung paano ako kakain kung aalis na ako ngayon dito."


Tumango-tango siya.


"P-pero aalis naman ako," humihikbing pagpapatuloy ko. "S-siguro kapag nakapanganak na ako. Magpapalakas lang ako, 'tapos hahanap na ako ng trabaho. Kapag may trabaho na ako, aalis na agad ako rito..."


"Okay. At least, may plano ka na," malamig na sabi niya.


Nagpunas ako ng luha. Kung ganoon ay talagang gusto niya na akong paalisin. Tama nga ako, gusto niya na akong idispatsa! Talagang ayaw na niya!


Kahit luhaan ang aking mga mata ay nanalim ang mga ito. "Oo, may plano na ako. Pero kung mamadaliin mo pa rin ako, sinasabi ko sa 'yo, hindi ako aalis. Hindi ako aalis kahit ipagtabuyan mo ako."


Tumayo ako at siya naman ang naupo sa gilid ng kama habang nakatingala sa akin.


"Hindi mo ako basta-basta mapapaalis," kahit kandapiyok ay matapang na sabi ko. "Nabuntis mo ako. Baby mo itong nasa tiyan ko. Sa tingin mo ay papayag ang mama at papa mo kapag pinaalis mo ako?"


Humalukipkip siya at naghimas ng baba. "Tingin ko nga hindi."


"Tama ka riyan!" Iwinasiwas ko pa sa ere ang aking kamay. "Hindi talaga sila papayag. Baka ikaw pa ang palayasin nila. Gusto mo ba iyon?"


Umiling siya.


Nagpunas muli ako ng luhaang pisngi saka namewang. "Sa akin sila kakampi. Lalo na si Mama Anya. Lagot ka sa kanya. Kaya hindi mo talaga ako puwedeng agad na paalisin dito, naiintindihan mo?!"


Tumango-tango siya.


"Kaya saka na lang," pumiyok na naman ang boses ko. "S-saka mo na lang ako paalisin, Isaiah..."


Tumayo siya. Napayuko naman ako nang nasa harapan ko na siya. Hindi ko kayang salubungin ang mga titig niya na nakakapanghina. Ang sakit ng dibdib ko, ang sakit-sakit. Hindi ko akalaing darating ang araw na aayaw na siya, na magsasawa at mapapagod na siya. Parang hindi ko kaya.


Napahikbi ako. Ang isa, dalawa at tatlong hikbi ay dumami. Para akong batang inapi. Ang simpleng iyak ko ay naging hagulhol.


Dinampot ni Isaiah ang kaliwang pulso ko. Sa aking pagkabigla ay hinila niya ako, at ikinulong sa kanyang matitigas na mga braso. Niyakap niya ako na dahilan kaya lalong sumargo ang mga luha ko. Pumalahaw ako ng iyak sa dibdib niya.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now