Paano kung hindi lang pala sinasabi sa akin ni Isaiah pero may girlfriend na pala siya sa school nila? At paano kung ang babaeng iyon ay ang magandang kaklase niya na si Aera Mae Chua?


 

KINAGABIHAN. Unang beses na hindi ko sinalubong si Isaiah sa pag-uwi niya. Dumating siya at mukhang pagod na naman. Naghahanap siya ng pagkain pero hindi ko siya pinansin.


Nagtataka ang mga tingin niya sa akin dahil hindi ko siya nilalapitan. Hindi  naman siya lumapit sa akin para tanungin ako o suyuin katulad ng palagi niyang ginagawa. Siguro nga ay pagod talaga siya at gutom dahil siya na lang ang nag-asikaso sa sarili niya.


Nauna na akong umakyat sa kuwarto namin. Nahiga na ako sa kama patalikod sa puwesto niya. Ilang minuto ang dumaan bago siya sumunod. Napuno ng pag-aasam ang aking dibdib nang maramdaman na nahiga na siya sa tabi ko.


Ang ganitong oras ay mag-uusap pa kami dapat. Tatanungin niya ako kung kumusta ang araw ko at ganoon din ako sa kanya. Pero walang ganoong nangyari. Katulad nang nakaraang mga gabi, hinalikan niya lang ako sa ulo at pagkatapos ay natulog na siya.


Sa kabila ng hindi ko pagpansin sa kanya ay nakuha niya pa rin na payapang matulog. Tahimik na umiyak na lang ako dahil sa sama ng loob.


Ngayon ko naisip, ang huling beses na hinalikan niya ako ay noon pang bago magpasukan. Hindi na pala iyon naulit pa. Halik na lang sa ulo, sa noo o minsan ay wala kahit ano.


Nagtatabi kami ni Isaiah sa kama pero balewala lang sa kanya. Daig pa iyong dati na hindi pa ako buntis. Noon ay mas nararamdaman ko pa ang pananabik niya. Ngayon ay talagang wala na.


Nagbago na siya. Hindi na siya katulad nang dati. Masakit ang dibdib ko nang makatulog. 


Dahil sa puyat sa pag-iisip ay anong oras na ako nagising kinabukasan. Pagdilat ko ay nagsusuot na ng polo si Isaiah. Nakaligo na siya at naghahanda na sa pagpasok.


Hindi naman niya ako napapansin na gising na. Busy siya sa pag-aayos ng sarili. Sumisipol-sipol pa siya habang nagsusuklay ng buhok. Pagkatapos ay nagpabango siya at tumingin ulit sa salamin.


Gusto ko sanang sabihin sa kanya na guwapo na siya kaya hindi niya na kailangang magpabalik-balik sa salamin. Pero nanatili lang ako sa kama habang tahimik na nakamasid sa kanya.


Papasok na naman siya sa school at maghapon na wala. Gabi na siya uuwi. Pagkauwi niya ay pagod siya at matutulog na. Paggising naman sa umaga ay papasok na naman ulit siya.


Nagsuklay pa ulit siya bago dinampot ang bag niya. Saka niya lang napansin na gising na ako. Akma siyang ngingiti sa akin nang mag-iwas ako ng paningin. Nahiga na ulit ako sa kama.


"Pasok na ako," paalam niya. Lumapit siya at hinalikan ako sa noo. "May almusal na sa ibaba. Bumili ako ng pandesal kanina. Kumain ka, ha?"


Hindi ako sumagot. Katulad kagabi ay hindi siya nag-usisa. Kung noon ay mabilis siyang makaramdam, ngayon ay parang wala siyang kaalam-alam. O baka kasi wala na talaga siyang pakialam?

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now