"Anong pumasok sa kukote mo, Isaiah?! Akala ko ba matalino ka?! Bakit hindi ka nag-iisip?! Ang babata niyo pa! Nag-aaral pa kayo pareho! Mga wala pa kayong trabaho! Anong ipapakain niyo sa anak niyo?!"


Halos maglabasan na ang litid sa leeg ni Tito Gideon. Hinablot nito ang manggas ng polo niya hanggang sa tuluyan nang mawasak.


"Itong girlfriend mo ay wala pa nga yatang beinte anyos, binuntis mo na agad! Nasaan doon ang sinasabi mong pagmamahal?! Ni hindi mo inisip ang kinabukasan ng taong mahal mo, 'tapos sasabihin mo na mahal mo?!"


Itinuro ako nito.


"Ni hindi pa nakakapagtapos ng pag-aaral niya 'yan, hindi pa nararanasan makapagtrabaho, hindi pa nakakatulong sa pamilya niya. Ni hindi niya pa kabisado ang kalakaran ng mundo, hindi pa niya nararanasang makapagsaya nang malaya, o kahit i-enjoy ang pagkadalaga niya. Pero anong ginawa mo? Ginawa mo na agad siyang nanay! Binigyan mo na agad siya ng responsibilidad sa buhay!"


Nakayuko lang si Isaiah habang pinapahiran ng likod ng palad niya ang dugo na tumutulo mula sa kanyang ilong.


Isinara na ni Tita Anya ang pinto nila at kinandado saka nilapitan ang asawa. "Tama na, Gideon. Nahihirapan ka nang huminga, tama na!"


"Nagkulang ba ako sa pamilyang ito, Anya?" Pagak na tumawa si Tito Gideon. "Nagkulang ba ako bilang tatay? Dahil ba lumaki ang anak natin na palagi akong nasa ibang bansa kaya siya nagkaganyan? Lumaking tarantado! Pero kaya lang naman ako nagtitiis sa abroad ay para mabigyan siya ng magandang buhay!"


Napahagulhol na sa palad nito si Tito Gideon. Niyakap naman ito ni Tita Anya.


Si Isaiah ay may luha sa mga mata. "Pa, Ma, sorry..." 


"Gusto ko lang ng magandang buhay para sa 'yo!" kandapiyok na ang boses ni Tito Gideon. "Hindi naman para sa amin ng mama mo ito, kundi para sa 'yo! Nagtitiis ako na mag-isa sa abroad at malayo sa inyo, para lang magkaroon ka ng magandang buhay!"


"Tama na, Gideon," paos na ang boses ni Tita Anya na inalalayan ang asawa papunta sa hagdan. "Hindi ka nagkulang!" Nilingon ako nito. "Vivi, dalhin mo na muna sa kuwarto niya si Isaiah!"


Nang nasa hagdan na ang mga magulang ni Isaiah ay doon lang parang binalikan ng lakas ang mga binti ko. Nilapitan ko si Isaiah. Dumausdos siya paupo sa sahig ng sala nila. Kuyom ang mga kamao niya at nagtatagis ang mga ngipin habang luhaan.


"Isaiah..." Nangangatal ang aking mga kamay nang hawakan ko siya sa mukha. Duguan ang ilong niya at mga labi. May sugat din sa gilid ng pisngi niya. "Isaiah, sorry..." luhaan kong sabi. "Sorry... sorry..."


Kinuha niya ang kamay ko at kahit duguan ang mga labi niya ay nagsikap siyang ngumiti. "'Wag kang umiyak. Baka makasama kay baby 'yan."


Nang maalala ang tungkol sa baby namin ay lalo lang naman akong napaiyak. "Sorry, Isaiah..." Wala akong ibang masabi kundi sorry. Kung kaya ko lang maglaho na sa mundo para maglaho na rin ang problema niya ay ginawa ko na. "Sorry, Isaiah... Sorry talaga..."

South Boys #3: Serial CharmerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon