CHAPTER 208 : THE SUFFERING

Start from the beginning
                                    

Kung paano nitong tahimik na nagawa iyon sa 'taas ay hindi ko alam. Kasalukuyan silang nasa 'taas, sa may hagdanan.

"What did you do!" halos patili ko iyong sinabi, mabilis na rumagasa ang mga luha paibaba sa aking mukha.

Agad na nangibabaw ang galit sa aking dibdib nang makita ko nang husto ang taong iyon. Na nasisiguro kong siya ring nanloob sa aming mansyon. Ang taong iyon na nababalutan ng itim at may tabing ang mukha at tanging mga mata lang ang makikita.

"E-Eerah..." Muling sambit ni Almeyra.

Ang akma akong lalapit ay siyang pagsigaw ni Almeyra nang hilahin siya nito sa buhok. Halos mapapikit siya sa sakit at agad na napaatras.

"Let her go!" sigaw ko.

Ngunit ang taong iyon na nasa harapan ko ay nanatiling tuwid na tuwid at walang sinasabi. Bahagyang nakatabingi ang ulo na animong pinag-aaralan ang mga tindig namin.

"Please, I am begging you," umiiyak na ani Almeyra sa katabing hawak siya. "May pamilya ako. 'Wag mo akong sasaktan, please!" pakiusap niya.

Ganoon na lang kadali para sa taong iyon na bitiwan siya! Ngunit bago pa man makatakbo pababa si Almeyra ay dinagukan siya nang malakas nito sa likuran. Sumubsob si Almeyra at nagpaikot-ikot pababa sa hagdan! Humampas pa ito sa likuran ng silya nang tuluyan niyang marating ang 'baba! Lalong dumugo ang kaniyang labi, maging ang kilay niya ay mas pumutok.

"Hayop ka!" sigaw ko at saka tinulungan si Almeyra na makatayo.

Pero ang taong iyon sa likod ng itim na damit ay naglakad pababa ng hagdan na para bang walang nararamdaman maski na kaunting kaba. Batid kong nasa akin ang paningin niya habang marahang inihahakbang ang kaniyang mga paa. Pero ang bigat ng paghakbang niya ay hindi kapani-paniwalang naging maugong sa aking tainga. Lalo ako niyong pinakakaba, at tinutuliro ako nang paglapit niya.

"Mark!" nangibabaw ang tinig ng aking ama, hindi ko sila nagawang lingunin. Namalayan ko na lang ay biglang sumugod si Mark sa taong iyon na nasa harapan na namin!

Nagawa agad nitong saluhin ang pag-atake ni Mark—nang hindi inaalis ang paningin sa akin! Gano'n na lang ang takot na idinulot niyon sa akin. Kung paano nito iyong nagagawa ay hindi ko alam. Pero hindi ko mapigilang mawalan ng pag-asa dahil totoo palang gano'n na lang ang galing at bilis nito.

Sinalo nito ang sipa ni Mark at basta na lang iyong ibinato. Bago pa man magawang sumugod uli ni Mark ay humampas na sa kaniya ang silyang hindi ko man lamang nakitang pinulot nito!

Nanggigigil ako. Maging ako ay gusto nang sumugod para pagtulungan namin ni Mark na madakip siya! Pero imposible iyon ngayon dahil wala akong makuhang tyempo. Masyadong mabilis ang mga kilos niya na maging si Mark ay hindi magawang sabayan.

Sipa dito, tadyak doon! Suntok dito, dagok doon! Halos sumuka ng dugo si Mark nang sunod-sunod siyang sipain nito sa ulo paibaba sa dibdib! At ang huli niyang ginawa ay umikot at biglang sumipa na sa sobrang lakas ay magagawang marinig sa kabila ng distansya namin!

Sabay-sabay kaming napaatras nang bigla siyang humakbang papalapit sa amin. Nananatiling nasa akin ang nakakatakot niyang tingin. Para bang handa niyang itumba ang lahat ng kaharap at ako ang huling ititira. At kapag nangyari iyon ay natatakot akong baka pahirapan niya ako hanggang sa malagutan ng hininga.

Kakatwang wala siyang sinasambit na maski isang salita. Ang mga kilos niya ay swabe na para bang nagagawa niyang basahin ang isip ng kalaban, kaya nagagawa niya iyong ilagan o gantihan. Wala siyang takot, hindi siya kinakabahan. At makikitang handang-handa niya kaming saktan.

Hindi ro'n natapos iyon. Muling bumangon si Mark at sinugod siya sa kaniyang likuran. At tulad nang una kong naisip, para nitong nabasa ang kilos ni Mark nang paatras niya itong sipain! Bago pa man matumba si Mark ay tumalon na patalikod ang taong iyon at eksaktong lumapag sa likuran ng tauhan. At walang-alinlangan nitong binali patalikod ang braso ni Mark.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Where stories live. Discover now