Chapter Five

12.3K 227 5
                                    

"IYAN talaga ang gusto mong panoorin? Pumili ka na lang ng iba, puwede?"

     Napahagikgik si Celine habang tinitingnan ang hindi maipintang mukha ni Ethan. Nasa mall sila nang araw na iyon at nagliliwaliw. Pinuntahan siya nito nang umagang iyon sa apartment niya at niyaya na mamasyal. Hindi naman na niya nagawang tumanggi dahil hindi man niya aminin, gusto rin naman niyang makasama ito. Mabuti na lang at wala na siyang gagawin o ipapasa kinabukasan kaya puwede na siyang magliwaliw.

     Dahil na-miss mo siya kaya sumama ka sa kanya.

     Yeah, right.

     Gusto nga niyang magpasalamat dito dahil sa ilang oras na magkasama sila, hindi man lang ito nagbanggit ng kahit na ano tungkol sa nangyari nang nagdaang gabi. Ayaw na rin niyang isipin ang mga ginawa niyang kahiya-hiya sa harap nito. Sigurado siyang tinutulungan lang siya nito dahil sa mga sinabi niya dito nang nagdaang gabi.

     "Wala naman kasing ibang magandang palabas eh. Iyan na lang." pamimilit niya dito. Nakapila silang dalawa sa bilihan ng ticket at kasalukuyang namimili ng panonoorin. Gusto niyang panoorin ang A Moment In Time na pinagbibidahan ni Julia Montes at Coco Martin. Napanood kasi niya ang trailer niyon sa internet at naiintriga siya sa istorya niyon.

     Nalukot ang mukha nito. "Si Coco Martin lang naman ang panonoorin mo diyan eh. Mas guwapo naman ako diyan kaya hindi mo dapat hinahangaan iyan. Warm Bodies na lang panoorin natin. Maganda din ang trailer niyon." suhestiyon nito.

     Natatawa siya sa inaakto nito. Para kasi itong bata kung magmaktol. Sandali siyang nag-isip. Maganda din ang palabas na sinasabi nito pero gusto talaga niyang panoorin ang naturang palabas. "Kung gusto mo, hiwalay na lang tayo. Manood ka ng Warm Bodies at manonood ako ng A Moment In Time. Okay na ba iyon?" suhestiyon naman niya. Ayos lang naman sa kanyang manood ng sine mag-isa. Sanay na siya doon lalo na kapag wala siyang magawa sa apartment niya.

     Agad na umiling ito at hinawakan ang kamay niya. Iniipit nito iyon sa braso nito. "Hindi. Hindi puwedeng hiwalay tayong manonood ng sine. Kung ano ang panonoorin mo, iyon din ang panonoorin ko, okay?" mariing sabi nito.

     "Eh hindi mo nga gusto iyong gusto kong panoorin eh kaya hiwalay na lang tayo." nag-uumpisa na siyang makaramdam ng inis dahil mas natatagalan sila sa pamimili ng panonoorin nila.

     "Kuya, pagbigyan mo na kasi ang gusto ng girlfriend mo. Hindi ka naman mamamatay kung manonood ka ng A Moment In Time eh. 'Tsaka romance movie din naman iyong Warm Bodies kaya walang pinagkaiba iyon."

     Sabay nilang nilingon ni Ethan ang dalawang estudyanteng nasa likod nila. Magkahawak ang kamay ng mga ito habang parehong nakatingin sa kanila. Siguradong naiinis na rin ang mga ito dahil natatagalan nga naman ang pila dahil sa kanila ng kasama niya. Nilingon niya si Ethan. Nakatingin ito ng masama sa dalawang estudyante kaya pinisil niya ang braso nito.

     "Ang sama mong makatingin sa kanila. Tantanan mo iyong mga bata." sermon niya dito.

     Marahas na bumuga ito ng hininga bago lalong hinigpitan ang pagkakaipit ng kamay niya sa braso nito. "Sige na nga. Iyong gusto mo na lang ang panoorin natin. Pero pagkatapos niyon, Warm Bodies naman panonoorin natin ha?" parang batang nakalabi pa ito habang nakatingin sa harap nila.

     "Sigurado ka?" nagpipigil ang ngiting paniniguro niya. Sa loob-loob niya, kinikilig na siya dahil pinagbigyan siya nito sa gusto niya kahit pa sabihing napipilitan lang ito. At gusto nitong manood pa sila ng isang palabas pagkatapos niyon. Pabor iyon sa kanya dahil mas matagal silang magkakasama.

     Binalingan siya nito. "Mas gusto ko nang manood niyan kaysa naman mawala ka sa paningin ko."

     Boom!  At nahulog na naman po ang puso niya.

Suddenly, It's Love [Unedited version, Published under Phr] (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon