Sinundan na lang niya ito ng tingin. Hindi niya alam kung ano pa ang problema nito at nagmamaktol pa din ito. Wala pa naman siyang pasensya kapag ganoon ang ipinapakita sa kanya ng kahit na sinong kaibigan niyang babae. Mahirap talagang i-handle ang mga ito kapag tina-tantrums.

     Bahagya siyang naalarma nang makitang yumuyugyog ang mga balikat nito. Sumunod ay nakarinig na siya ng mga hikbi na nanggagaling dito. Napamura siya at nagmamadali niyang nilapitan ito. "Hey, why are you crying?" natatarantang tanong niya dito nang makaupo siya sa tabi nito. Hinawakan niya ang magkabilang balikat nito bago pilit na pinaharap sa kanya.

     Basa na ng luha ang mukha nito pero kakatwang maganda pa rin ito sa paningin niya. She looked cute while crying, actually. Pero hindi ibig sabihin na gusto niyang nakikita itong umiiyak dahil kahit noon pa man, nasasaktan na siya kapag nakikita niyang umiiyak si Celine.

     Nag-angat ito ng tingin at kagat ang ibabang labing tumingin sa kanya. "N-naiinis k-ka na kasi s-sa'kin eh." humihikbing sabi nito.

     Natigilan siya. Iyon ang dahilan kung bakit ito umiiyak? Bigla siyang natawa bago niya ito kinabig at niyakap ng mahigpit. "Sweets, tahan na. Huwag ka nang umiyak. Hindi na ko naiinis sa'yo, okay? Nainis lang ako dahil hindi ko na alam kung anong isasagot sa'yo." malumanay nang aniya dito.

     Isinandal nito ang baba sa balikat niya. "A-ayoko lang naman na guluhin ka ng pamilya ko. W-wala pa silang nababalitaang naging boyfriend ko at siguradong gagawin nilang malaking issue 'to. You know their capacity in making up stories. Siguradong dagdag-bawas ang mga iyon."

     Hinagod niya ang likod nito. "It's fine with me kung iyan lang ang pino-problema mo. I can handle them. Naumpisahan ko na 'to kaya paninindigan ko na."

     Kumawala ito sa pagkakayakap niya at hinarap siya. Tinitigan siya nito ng deretso sa mga mata. Paghihirap, sakit at lungkot ang nababasa niya sa mga mata nito. "Hindi mo pa rin dapat ginawa iyon. Hindi lang ang pamilya ko ang problema ko kundi ang sarili ko. Alam mo kung gaano ako kadaling ma-in love. Paano kung sa pagpapanggap natin, ma-in love na naman ako sa'yo katulad noon? Ano na naman ang gagawin ko? Natatakot na akong masaktan, Ethan."

     Nagulat siya sa sinabi nito. Simula nang magkita sila, ngayon lang nito binuksan ang tungkol sa nangyari sa kanila noon. At base sa sinabi nito, hindi pa rin nito nakakalimutan ang nangyari sa kanila limang taon na ang nakaraan.

 

NAABUTAN ni Ethan si Celine na naghihintay sa park ng village nila. Hindi na mainit nang mga oras na iyon kaya okay lang na tumambay doon.

     "Hey!" tawag niya sa pansin nito. Mukhang malalim ang iniisip nito dahil hindi man lang nito napansin ang paglapit niya.

     Nanlalaki ang mga matang bumaling ito sa kanya. Humugot muna ito ng malalim na hininga bago nagawang ngumiti pero may pag-aalinlangan pa rin siyang nababasa sa mga mata nito sa hindi niya malamang kadahilanan.

     "May problema ba? Ang sabi nila Ghenny, may sasabihin ka daw sa'kin." umupo siya sa tabi nito at hinintay na magsalita ito.

     Yumuko ito at nilaro ang mga daliri nito na nakapatong sa mga hita nito. Hindi niya alam ngunit bahagya siyang kinabahan sa inaakto nito. Ano ang gusto nitong sabihin sa kanya? May matinding problema kaya ito at hindi nito alam kung paano sasabihin sa kanya?

     "Ang sabi ni Mae, aalis na daw kayo?" halos pabulong lang iyon na lumabas sa bibig nito ngunit malinaw naman niyang narinig ang sinabi nito.

     Nagulat man na alam na nito iyon, pinili na lang niyang sagutin ang tanong nito. Wala na rin naman siyang magagawa kundi sabihin dito ang pag-alis nilang magkakaibigan patungo sa Netherlands upang doon mag-trabaho.

Suddenly, It's Love [Unedited version, Published under Phr] (Complete)Where stories live. Discover now