PATAPOS NA ANG BUWAN NG JANUARY.


Hindi pa rin ako makahanap ng tyempo na sabihin kay Isaiah ang tungkol sa pananatili ko sa bahay nina Eli. Madalang na lang kasi kaming magkausap ni Isaiah dahil palagi siyang busy sa pagbabantay sa lola niya na nasa ospital.


Ayaw ko na minsan na nga lang kami magkita at magkausap ni Isaiah ay hindi pa magiging maganda ang mood niya. Kapag kasi sinusubukan ko na banggitin si Eli sa kanya ay para siyang biglang nawawalan ng gana. 


Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari sa kanilang dalawa. Bakit pareho sila ni Eli na parang biglang tinubuan ng allergy sa isa't isa. 



SABADO. Katatapos ko lang tulungan si Eli na maglinis ng bahay nila. Wala kaming pansinan habang naglilinis.


Bandang hapon, matapos ang dalawang buwan ng hindi pagpapakita at pagpaparamdam, biglang sumulpot si Daddy. Madilim ang aura ng lalaki. Nag-abot lang ng isang libo at kaunting groceries, saka nagpaalam na pupuntahan daw si Mommy sa Laguna.


Bago umalis si Daddy ay binanggit ni Tita Hannah ang tungkol sa paparating na JS Prom sa school. Ang sabi ni Tita Hannah ay kung walang pera si Daddy ay ito na ang bahala na sumagot ng ambagan at sa aking gagamitin na gown. Para naman daw maranasan ko ang prom, dahil noong nakaraang taon ay hindi ako nakasali.


Umaasam ako sa isasagot ni Daddy kay Tita Hannah, sa kasamaang palad lamang ay nagalit ito. Nagbilin si Daddy kay Tita Hannah na 'wag na 'wag daw akong papa-attend-in. Inaasahan ko na ang desisyon ni Daddy pero inaamin ko na nalungkot pa rin ako. 


Huling taon ko na sa high school pero hindi ko pa rin mararanasan ang maka-attend sa JS Prom. Hindi rin ako pina-attend ni Daddy sa mga nagdaang Christmas party. Natatakot tuloy ako na baka pati sa mismong graduation ay hindi rin ako payagan.


Pag-alis ni Daddy ay nakikiramay na tingin ang ibinigay ni Tita Hannah sa akin. "Pasensiya ka na, Vivi. Ayaw ng daddy mo na pasalihin ka sa prom niyo."


Maliit akong ngumiti sa kanya. "Ayos lang po, Tita Hannah. Salamat po."


Matapos ang mga gawaing bahay ay nagpaalam ako kay Tita Hannah na lilipat muna sa kabila. Gusto kong bisitahin ang bahay namin, saka gusto ko ring maglinis sa aking kuwarto at kumuha ng ilang gamit na kailangan ko.


Hindi lang paglilinis sa bahay namin at pagkuha ng gamit ang talagang sadya ko. Gusto ko rin na mapag-isa. Ang aking pakiramdam kasi ay punong-puno na ng pait ang dibdib ko.


Nadaanan ko si Eli sa pinto ng kusina. Nakita niya ang malungkot kong anyo. Sa unang pagkakataon mula nang hindi niya ako pansinin ay tinawag niya ako. "Vi..."


Kahit halata sa kanya ang pag-aalala ay hindi niya ako kinulit pa. Alam niya na gusto kong mapag-isa. Lumipat na ako sa kabilang bakod.


Sinalubong ako ng nakakadurog na lungkot pagpasok ko sa madilim naming bahay. Pinagsawa ko ang aking paningin sa bawat kanto ng tahanan na dati ay buhay na buhay.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now