“May pupuntahan ka ba, madam Rf? Nagmamadali ka.”

Nagtangka na sanang magsalita si Iza matapos na unahan siya ni Parshang.

“Kakain na kasi kuya. Alam mo naman na baka magutom ka. Nag-aalala lang sa ‘yo si Mam Iza. Ano ka ba?”

“Yuck! Anong nag-aalala? Tinatanong ko lang siya para makuha ko na ang phone ko. Kadiri naman sa mag-aalala ako para sa kaniya.”

Kahit na itago pa sa pandidiri ng mukha ang mga salita, halata sa mga mata ang tunay na nilalaman ng puso. Mukha rin namang ikinatuwa ng binata ang mga tingin sa kaniya ni Iza.

“Bitawan mo na muna ‘yan, Val. Kumain na tayo.”

Malambing ang pagkakahawak ng binata sa kamay ng kaibigan niya habang ibinababa nito ang hawak na mga shells, at may pasulyap na tingin kay Iza. Pansin niya ang pagsalubong ng kilay ng dalaga habang nakatingin sa kamay niya.

Pinagpatuloy ng binata ang ginagawa niya. Hindi bumitaw sa kamay ni Valen. “Tara na. Baka magutom ka.”

Tuluyang lumayo ang dalawa sa harapan nila.

“Ay oh, payag ka no’n? Hindi ka inaaya kumain? Kung ako talaga ‘yan babakuran ko na ‘yan.”

Kung anong ganda ng panahon, iyon naman ang kinapangit ng mood ng dalaga. Para bang ang atensyon na nakukuha niya noon kay Jegs ay naagaw na ni Valen. Kaya kahit na anong gawin niyang pagsusungit sa binata, hindi na siya pinapatulan nito.

SA hapag-kainan, magkakasama silang lima. Magkatapan sina Jegs at Iza, habang katabi naman ng binata ang kaibigan niya, at ang presidente ng mga Marisol, ay katabi ni Iza.

Payapa ang kapaligiran. Ang pagyakap ng alon sa pinong buhangin ang tila nagiging musika nila sa paligid. Ilang sandali lang din ay nagsalita si Mang Hernan.

“Sa makalawa na ang bukas ng isla. Panigurado akong marami na ang pupunta rito.”

“Sakto tay, matatapos naman na namin mamayang gabi ang mga souvenirs na ibebenta. Tutulong naman si Val at Parshang.”

Nang marinig ito, napataas ang isang kilay ni Iza. “Walang credits sa akin? Nangitim na nga ako sa paghahanap ng mga shells.”

“Hindi naman ‘yon tulong. Bayad-atraso mo sa akin ‘yon.”

“Parehas lang din ‘yon. Nagpakahirap din ako para d’yan.”

“Dapat lang. Kung hindi mo naman sinira ang gamit ko, sana hindi mo na kailangan mamulot ng shells.”

Tumaas-baba lamang ang kilay ni Iza at humalukipkip. Hindi siya papayag na hindi mabibigyan halaga ang mga paghihirap niya. Sa pagtatangka niyang magsalita ay si Mang Hernan na ang umawat sa kanilang dalawa.

“Tama naman si Mam Iza. Magpasalamat ka pa rin Jegs, dahil tumulong din naman siya. Maganda sana kung tuturuan mo rin siya kung paano ‘yan ginagawa para mapabilis kayong matapos.”

“Tingnan mo, boto rin talaga si tatay sa sisiw ko.” May pagpalakpak pa si Parshang.

“Boto?” Pagtataka ang mababakas sa boses ni Valen.

“Wala. Kumain na lang tayo. May nabili kami nakaraan na langka. Gusto mo ‘to, di ba? Pero sorry ka kasi kay Madam Rf ‘to.” Umaalog pa ang balikat ni Parshang habang inaabot nito ang isang hiwa ng langka na nasa tapat ni Jegs. Pero bago pa man niya ito maabot ay nauna nang agawin ito ng kuya niya.

“Ako bumili nito. Ang galing naman ng Madam Rf mo kung sa kaniya mapupunta ‘to.” Ibinaling ng binata ang tingin sa kaibigan niya. “At dahil andito ang pinakamabait, ang pinakamasunurin, at ang pinakamabuting babae na nakilala ko. Para sa kaniya ito. Para sa ‘yo talaga ‘to, Val. Hindi dapat binibigyan ang mga maldita.”

Bakas ang pang-aasar na tingin ni Jegs kay Iza. Na ngayon ay halos magliyab na sa inis. Mukhang kahit napapalibutan sila ng tubig, hindi mapapakalma ang nag-apoy na mga tingin ni Iza. Marahil ay binabalatan na niya ng buhay si Jegs at ibinibilad na ang balat nito sa arawan para gawing souvenirs sa mga turista.

Bago tanggapin ni Valen ang inaabot sa kaniya ni Jegs, inipit muna nito ang takas na buhok sa ilalim ng kaniyang tainga.

“Okay lang. Pakialam ko sa langka na ‘yan? Hampas ko pa sa mukha mo ‘yan.”

Walang naging kibo si Iza habang ang dalawang magkaibigan ay panay ang tawanan. Hindi mawari kung ano ba ang dapat niyang pakinggan. Ang usapan ba ng dalawa o ang bulong ng isang Marisol. Ilang beses siyang tinutulak ni Parshang kay Jegs para mas makuha niya ang atensyon ng binata, pero mas mataas pa sa sikat ng araw ang pride ni iza. Hindi siya ang unang makikipagbati o ang papansin sa isang lalaki. Simula pa noon, nasanay na siya na ang mga lalaki ang nagkakandarapa sa atensyon niya. Kaya bakit siya ang magmamakaawa sa atensyon ng isang lalaki?

NANG matapos ang tanghalian. Nakaupo lang si Iza habang si Parshang ay nililinisan ang lamesa. Silang dalawa na lang ang naiwan sa mga oras na 'to. 

“Sabi ko kasi sa ‘yo Mam Iza, bakuran mo na ‘yan si kuya. Kapag ikaw naunahan pa ni Valen, ewan ko na lang.”

“Ang kapal naman ng mukha ng tarsier na puyat na ‘yan kung ako pa ang mauuna.”

Sandaling natigilan si Parshang. “Ibig abihin may gusto ka talaga kay kuya?”

“Yuck! Mukha bang may magkakagusto sa ganyang lalaki?” Tumikhim ang dalaga. “Linisan mo na kaya ‘yan, ‘no? Mamaya sabihin na naman ng kuya mo ako na naman ang nag-impluwensya sa 'yo maging tamad.”

“Hintayin mo pala ako, ah? Lagay ko lang to sa likod tapos pag-usapan ulit natin si kuya.”

Hindi na kumibo pa ang dalaga. Pinagmasdan niya lang si Parshang na halos madapa na sa pagmamadali nito na magpunta sa likod ng IH Inn. Habang ang mga plato ay bitbit nito.

Kasabay nang pagtaboy ng hangin sa buhok ni Iza, ang pagsandal niya. Pero isang tila may tusok-tusok na bagay ang dumampi sa batok niya. Dahilan para mapaligon siya.

“What the bur!”

“Whet de ber!” Panggagaya ng binata.

“Kung sisirain mo lalo ang araw ko, pwede bang bumalik ka na sa kaibigan mo? Sa pinakamabait, pinakamabuti at pinakamasunuring babae sa buong mundo?”

Walang tunog ang naging tawa ng binata. “Ito naman ang seryoso mo masyado. Oh, para sa ‘yo.” Ibinaba ng binata sa upuan ang isang buong langka na tila ba kasing laki na ng pagmamahal niya para kay Iza.

“Ano naman ‘yan?”

“Hindi mo alam kung ano ‘yan? Langka ‘yan.”

Rumolyo ang mga mata ni Iza. “Alam kong langka ‘yan. Anong gagawin ko d’yan?”

Ilang segundo munang natahimik si Jegs. Ang dalawa niyang siko at tumungkol sa sandalan ng upuan at ang kaniyang mukha ay pilit na sinisilip ang mukha ni Iza.

“Para sa ‘yo.”

“Sa akin? Bakit sa akin? Hindi ba ang kalahati kanina binigay mo doon sa pinakamasunuring babae? Bakit mo ako bibigyan nyan?”

“Syempre kalahati lang ‘yon kanina.” Kasing hina na ng alon ang mga sumunod na salitang binitawan ng binata. “Gusto kong bigyan ka ng buo. Hindi kalahati at lalong walang kahati…”

No, But YesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon