Chapter 7: Ceejay & Maica

Bắt đầu từ đầu
                                    

Nakaupo siya sa tiles na sahig at nakasandal sa pader. Tumingala siya mula sa pagsusulat sa papel niya. “Upo ka na, JM.”

JM… na naman. 

Hinilot ko ang dibdib kong ayaw yatang kumalma. “Paano ka?”

“Dito lang ako.” Yumuko siya at kalmadong bumalik sa ginagawa. “Mas kailangan mo ’yan maayos kang makapakinig.”

“Okay…”

Pinaglapat ko ang mga labi ko at maingat na umupo. Ipinatong ko ang bag ko sa kandungan. Naiilang ako. Nasa tabi ko pa naman siya. Isang tagilid ko lang ng paningin sa kaniya at yuko, kita ko na siya. Nababasa ko na nga ang sinusulat niya pero iniwas ko na lang ang tingin ko.

Ilang sandali pa, pumasok na ang mentor namin. “So, good afternoon sa lahat. Ang pangalan ng school paper natin ay “Ang Spektrum para sa Filipino at “The Spectrum” naman para sa English.

“Huwag kayong mag-alala kung wala pa kayong background sa gagawin natin. Nandito kami para gabayan kayo,” dagdag pa ni ma'am. “Sino sa inyo ang mahilig manood o magbasa ng balita?”

Patay. 

Wala akong alam na balita. Sa dami ng problema ko sa bahay, ang panonood ng telebisyon at pag-alam sa mga nangyayari sa paligid ko ang pinkahuling gagawin ko. Bukod doon, wala naman kaming telebisyon dahil ibinenta ni Mama nang mawalan kami ng budget sa pagkain namin.

Kung ’yon ang sandata ko rito, paano pa ako lalaban? Wala pa man ang DSPC, pinanghihinaan na ako ng loob. Dala ko ang pangalan ng school kaya ayaw kong magkalat hanggang maaari. Alam kong hindi sapat ang tatlong buwan para mahasa ako sa pagsusulat ng editoryal.

Pagkatapos maturo sa amin ang mga panimula naming dapat gawin, binigyan kami ng isang coverage na balita na gagawan namin ng editorial at feature.

Kinuha ko ang ballpen ko sa bag. Kukunin ko na sana ang papel ko kaso napapunta pa sa pinakailalim kaya nahirapan akong kunin. Kapipilit ko, nabitiwan ko ang ballpen at nahulog sa paa ko. 

Mabilis akong yumuko para kunin ’yon pero napapikit ako nang nauntog ako sa ulo ni Ceejay. “Aray!”

Nang imulat ko ang mga mata ko, kita ko rin ang pagsapo niya sa ulo niya. “Tigas ng ulo mo.”

“Bakit ka kasi sumalubong?”

“Kukunin ko lang naman ang ballpen mo.”

Para na kaming tangang nagbubulungan. Hindi na ako nakapakinig nang maayos dahil sa kaniya. “Bakit kukunin mo pa? Akin naman ’yon, e. May kamay ako.”

“May kamay din ako at mas malapit ako.” Mabilis niyang kinuha ang ballpen ko at inabot sa akin. “Magtatalo pa ba tayo? Magsulat ka na nga.”

Napairap ako kaya natawa siya. Umayos na lang ulit ako ng upo. Binasa ko muna ang inabot sa aking news. Nakagat ko ang dulo ng ballpen ko kaiisip kung paanong atake ang gagawin ko roon.

“Ah, writers, puwede bang sa sahig muna kayo magsulat? ’Yong iba dito sa loob ’tapos sa labas naman ang iba,” anunsiyo ni ma'am.

Kinagat ko ang labi ko. Halos nasa labas na lahat. Isa pa, labasan na rin ng students sa building kaya talagang maraming tao at mainit.

Nang lumingon ako kay Ceejay. Bahagya akong napangiti nang umusog siya. Para bang inaasahan niyang doon ako uupo. Kahit naman kasi nakaaasar siya, habang tumatagal, nagiging komportable ako.

Tikom ang bibig na tumabi ako sa kaniya. Parehong nakataas ang mga tuhod namin habang nakapatong ang mga papel namin sa bag na nasa kandungan namin.

Ilang sandali pa, pumasok naman ang ibang student. Medyo malaki ang umupo sa upuang malapit sa amin ni Ceejay kaya walang choice si Ceejay kundi umusog pa palapit sa akin. Napapikit ako at biglang napayuko nang tumapat sa akin ang dibdib niya nang inayos niya ang upo niya. Hindi na yata ako humimihinga.

Buwisit.

“Okay ka lang, JM?” tanong sa akin ni Ceejay.

Bakit ba siya JM nang JM? Ako si Jessa Mae. Tawagin niya ako nang ganoon o better na tawagin niya akong Bunsay katulad ng iba naming kaklase. Bakit JM pa? 

Iminulat ko ang mga mata ko. Humigpit ang hawak ko sa ballpen. Ramdam ko ang titig niya sa gilid ko kahit hindi pa ako nakatingin. “Oo…”

“Ceejay, si Maica oh!”

Sabay kaming napatunghay ni Ceejay nang pumasok si Maica—ang long time crush ni Ceejay mula pa noong Grade 7. Hindi lang talaga siya pinapansin ng babae.

Maganda si Maica. Maputi, matangos ang ilong, may salamin sa mga mata pero hindi hadlang iyon para hindi makita ang angking ganda, mahaba ang buhok, matangkad at higit sa lahat, sporty—isang bagay na may interes si Ceejay.

Inulan ng tukso ang katabi ko habang ako, natahimik na lang at nagpatuloy sa pagsusulat. Hindi ko alam kung bakit may naramdaman akong kakaiba sa asarang naririnig ko patungkol kina Ceejay at Maica. Hindi ko mapangalanan pero… parang may parte sa akin ang gumuho.

My Happy CrushNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ