"Ano ang nangyayari, lola?" inosente kong tanong. Hindi agad siya sumagot at matagal na ngumiti sa 'kin.

"Ang Chairman, Deib Lohr," dagdag niya. "Siya ang makasasagot sa lahat ng katanungan mo, apo ko. Hindi ka nababagay sa lugar na ito dahil marami ka pang dapat na gawin. Sundin mo ang puso mo, apo, may parating nakaalalay sa 'yo."

"Lola, hindi ko maintindihan."

"Darating ang panahong maiintindihan mo ang lahat ng bagay. Sundin mo lang ang puso mo. Ang lahat ay nakaayon sa plano."

"Lola..." Tawag ko nang unti-unti ay lumayo siya.

"Marami ang nagmamahal sa 'yo, apo ko. At isa na ako sa mga iyon," dagdag niya hanggang sa tuluyang nawala.

Doon ay bigla ko na lang nahugot ang aking hininga. Sa isang iglap ay nagmulat ako. Tumambad sa 'kin ang mas nakakasilaw na liwanag. Naipikit ko uli ang mga mata ko at noon ko naramdaman ang sakit sa iba't ibang parte ng katawan ko.

"The patient is revived!" tinig ng isang lalaki.

"Deib Lohr! Sesanghe! Hijo! Thank God!" nangibabaw ang boses ni Chairman. Umiiyak at parang nagkaroon nang matinding pag-asa.

Hindi ko magawang sumagot o kumilos man lang. Mata ko lang ang naigagalaw ko at tanging kisame lang ang aking nakikita. Nararamdaman ko ang pagkilos ng paligid ko maging ng mga taong nasa tabi ko. Ni isa sa kanila ay hindi ko magawang intindihin. Nanunuot ang sakit sa buong katawan ko at hindi ko magawang isigaw ang pakiramdam no'n. Sobrang sakit! Pakiramdam ko ay bugbog na bugbog ang katawan ko at ang dibdib ko, iyon ang pinakamasakit. Bumibilis at bumabagal ang tibok, gumuguhit ang sakit at napapapikit na lang ako dahil gustuhin ko man ang sumigaw ay masyado akong mahina para gawin 'yon.

Naramdaman ko ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha ko sa magkabilang mga mata. Ang mga kamay ko ay parehong nanginginig at halos hindi ko na maramdaman sa akin ang katawan ko. May parteng namamanhid at may parte namang matindi ang sakit. Hindi ko na alam kung ano ang gusto kong maramdaman sa mga iyon. Dahil sa oras na 'yon ay nagpapasalamat ako at buhay ako.

Lola...

Gusto kong tingnan si Chairman. Gusto ko nang sabihin sa kaniya ang nakita ko, sa panaginip man iyon o kung saan. At saka ko siya tatanungin kung ano ang kahulugan no'n. Pero masyado akong nanghihina. Pahina pa nang pahina hanggang sa sumuko ang katawan ko at muling makatulong na lang.

Namamanhid ang pakiramdam ko nang unti-unti ay imulat ko ang aking mga mata. Malamlam ang ilaw, hindi kasinliwanag nang huli akong magmulat. Agad ay naramdaman ko uli ang masasakit na parte ng kawatan ko. Gano'n pa rin katindi ang sakit sa dibdib ko. Bumibilis ang tibok no'n at biglang babagal, pinahihirapan akong huminga na animong hingal na hingal. Naigalaw ko ang kamay ko pero hindi ko 'yon magawang iangat. Gusto kong hawakan ang dibdib ko dahil sobrang sakit.

Taguro...

Gusto kong magsalita pero maging ang ibuka ang aking bibig ay hindi ko magawa. Hindi na maipinta ang mukha ko, tuyong-tuyo ang bibig ko at nanghihina ang buo kong katawan. Masakit sa labas at nanunuot hanggang sa loob.

Siya ang kauna-unahang tao na pumasok sa isip ko at gusto ko na agad na maluha. Ngayon pa lang ay naiisip ko na kung magagawa niya pa kaya akong tanggapin? At gaya ng mga naiisip ko sa t'wing mag-aaway kami, gusto kong malaman kung ano ang iniisip niya. Gusto kong alamin kung ano ang nararamdaman niya. Paniguradong hindi niya gusto ang kaniyang nakita. Hindi ko na aasahang mawawala agad ang galit niya. Pero gusto kong kami pa rin. Kung hindi ko kayang malayo sa kaniya ay mas hindi ko kayang tanggapin ang katotohanang hindi na kami magkakabalikan pa.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon