Nahulog ang panga ko.

Sabay halakhak niya at palakpak ng kamay, "nasa Wow Mali ka, Princess!"

Natulala ako. Tinulak-tulak pa niya ako habang humahalakhak at tuwang-tuwa siya sa joke niya. Muntik pa akong mahulog sa upuan ko.

"P'wede bang ipaampon ang mga Nanay?" malakas kong sinabi at pagod na natawa rin.

Mama ko nga siya...walang pagkakaila.

Nanuod kami ng T.V. pagkatapos no'n, medyo boring at balita pa kaya naupo ako sa lapag at nag-drawing ng kung ano-ano sa notebook ko.

Pansin kong habang mas tumatagal ay mas gumaganda ang paraan ng pag-guhit ko at 'di naman iyon sa nagmamayabang. Pansin ko lang ang development at mas realistic na ang approach ko sa style.

May buildings. May tao. May mga halaman. Miski nga ang bahay namin at ang CSU ay naiguhit ko na.

"Mas gumagaling ang future Architect ko, ah?" ani Mama pagkadungaw sa ginagawa ko. Tumawa 'ko.

"Salamat, Ma,"

"Proud ako sa 'yo," aniya. "Pero mas magiging proud ako kung marunong ka nang magsuklay ng buhok at naputol na ang isang ngipin ng suklay sa buhol."

Dumaing ako nang tanggalin niya ang buhol at 'di pinansin ang sunod-sunod niyang paalala sa 'kin.

"Nakakahiya sa mga kasama ko. Sa parlor ako nagtatrabaho, nag-aayos ng mukha, kuko ta's buhok pero 'yong sarili kong anak mukhang bruha?"

"Grabe ka naman sa 'kin, Ma!" nilingon ko siya. "'Di naman ako bruha, 'yang buhok na 'yan natural! Wavy! Hindi pang-bruha."

"Ire-rebond nga kasi kita, ayaw mo," aniya. "O kaya relax? Pero may point si Junard na bakit ire-relax eh, mukha kang pagod?"

Muntik ko na lang iuntog ang ulo ko sa pader para 'di marinig si Mama na tuwang-tuwa akong alaskahin ngayong araw.

"Ayos lang ba ang eskwela, 'nak? Musta ang first day sa first section?" ikinwento ko sa kanya ang nangyari kanina pero s'yempre 'di ko sinama ang dramahan namin ni Damon at habang nagsasalita ko'y kita ko ang tuwa sa mga mata niya.

Ikinwento niya rin sa 'kin ang mga ginawa niya no'ng high school siya habang nagda-drawing ako nang maisip na magtanong.

"Ma, nagkagusto ka ba sa kahit kanino no'ng high school ka?"

Tumitig siya sa akin at ngumisi.

"Hindi!" umiling ako at nag-init ang mukha, "curious lang! Si...Si Eunice kasi nagtatanong kasi madami siyang crush, alam mo na. Gusto ko mag-advise pero 'di ko alam paano kasi...wala pa akong nagugustuhang kahit sino."

Hindi siya kaagad umimik. Tumitig siya sa 'kin na tila may hinahanap na ekspresyon kaya nanatili akong seryoso para 'di halata. Mukhang nakumbinse ko naman kalaunan nang sumagot siya.

"Marami," aniya. "Parang siyam ata crush ko noon, 'nak. Pero maganda ako kaya hinahabol nila 'ko."

Bumusangot ako. Tumawa siya.

"Totoo!" aniya, "kung may gusto ka—I mean si Eunice, para sa akin magandang i-enjoy ang teenage life. Isang beses ka lang magiging teenager, isang beses ka lang daraan sa pagkabata at magkaka-crush ng ganyan. Once na nakalagpas ka na r'yan, 'di mo na mababalikan. Mas maganda ang mag-enjoy ka at maging bata at kasama na ro'n ay ang magkagusto at magmahal."

'Di ako nakapagsalita at pinanuod siyang nangingiti.

"Ako, hindi ako strict na magulang. Petiks din kasi 'ko no'ng kabataan," nagkibit-balikat siya.

"Tignan mo! Tama nga si Lolo, deny ka nang deny!" akusa ko. "Sabi niya naglalagi ka sa bilyaran, namumuti ang buhok niya sa 'yo!"

Humalakhak siya, "at least nag-enjoy! Atsaka marami 'kong kalalakihan noon, anak. Sa ganda ba naman ng Mama mo? Sayang nga lang at 'di ka nagmana."

Rebel HeartsWhere stories live. Discover now