"Ano madam, hatid na kita sa kwarto mo?"

"Tumawag ka nga ng bangka."

"Aba, saan ako tatawag ng bangka?"

"Ako ba 'yong taga-rito?"

"Wala kang makukuhang bangka ngayon. Kung gusto mo talagaa, bukas ng madaling-araw baka may dumaang mga mangingisda. Kukuha sila ng bato pampabigat, d'yan sa kabilang isla. Doon ka makisabay."

"Service na bangka. Si manong na sinakyan namin kanina. Gawan mo ng paraan. Gusto ko nang umuwi."

Bago kumibo si Parshang, sinuri muna niya ang dalaga. Mula sa pananamit nito hanggng sa kung paano ito mag-ayos.
Kung sa usapang balat, halatang nagmula sa mayamang pamilya si Iza. Sa porselana nilang balat na mas nangingibabaw sa abuhin nitong kasuotan. Bilugan ang mukha, buhok na hanggang balikat at may manipis na bilang ng bangs. Nahahati sa dalawang kulay ang buhok nito; asul at lila.

"Ano pang tinutunga-nga mo? Hanapan mo ako ng bangka ngayon na!"

"Oo na."

"Ang bagal."
Hinawi ni Iza ang buhok na dumikit sa labi niya. Inip na iginala ng dalaga ang mga mata niya sa paligid. Makulay ang mga dekorasyong gulong. May mga kubo na iba't iba ng sukat.

"Naiihi pa ako. Saan ba ang banyo rito?" Tumingkayad siya para lang hanapin ang banyo. Dahil hindi niya makita, naglakad pa siya palapit sa mga kubo. Isang backpack na hindi kalakihan ang dala niya, pinaiwan kasi ng nanay niya ang maleta sa sasakyan nila kanina.

Nang matanaw ng dalaga ang banyo, nagmadali siyang magtungo roon pero sa hindi inaasahan, kasabay niyang lumiko ang isang matangkad na lalaki. Sa pagkakabangga nilang dalawa, bumuhos kay Iza ang bitbit na tubig ng lalaki.

"What the bur!"

Nag-aapoy ang mga matang tumingala ang dalaga. Kung susumahin hanggang sa dibdib lang siya ng matangkad na binata.
Basa ng tubig ang buong katawan ni Iza, maging ang bitbit nitong bag ay damay na rin. Kung ang mga mata ng dalaga ay puno nang galit, kabaligtaran nito ang tingin ng lalaki. Yakap nito ang timba habang parang may mahikang namamagitan sa kanila ng magandang babae. Ang labi nito ay unti-unting kumurba sa tuwa. Nahuhumaling sa kagandahang taglay ng babaeng kaharap niya.

"Lahat ba ng tao rito tititigan na lang ako? Tingnan mo nga 'yong ginawa mo. Pati gamit ko nabasa na. Nakakainis!"
Bumalik lang sa katinuan ang binata matapos na itulak ni Iza ang timba na nasa dibdib niya, isang hakbang din siyang napaatras.

"Sorry, hindi ko naman alam na dadaan ka."

"Sorry mo mukha mo!" bulyaw nito sabay
alis.

Naiwan ang binata na nakasunod ang tingin kay Iza. Bumalik na naman ang kurba sa labi nitong may pamamangha.

"Ang ganda naman no'n. Artista ba 'yon?" tanong nito sa sarili.

Hindi pa nagsisimula ang pagpapantasya ng binata nang may sumiko sa tagiliran niya.

"Kita ko 'yon kuya, a. Type mo? Gan'on mga gusto mo, 'di ba? Mga chicks na chicks?"

Nagsalubong ang dalawang kilay ng binata.
"Ano ba, Parshang. Pumunta ka na nga do'n baka dumating pa sina Mam Sandra."

"Luh, dumating na nga sila." Marahan pa itong lumapit sa kapatid. "Tapos 'yong masungit na maarteng magandang babae na type mo, siya 'yong anak ni mam. Ang layo ng ugali sa nanay, 'no? Pero maganda naman, 'no Kuya Jegs?"

"Alam mo kakaltukan na kita. Tulak ka nang tulak."

"Kung gano'n magiging girlfriend mo okay lang sa akin. Kahit masama ugali no'n maganda naman. Kahit red flag, 'no? Color blind ka naman basta maganda."

Umamba nang pagsipa ang binata. "Isa pa, Parshang, sisipain na kita."

"Kuya Jegs mahilig sa red flag!" Paulit-ulit 'tong sinasabi ni Parshang habang tumatakbo ito palayo sa kapatid.

Ang ngisi sa labi ni Jegs ay hindi talaga maalis. Muli siyang lumingon kung saan nagtungo ang dalaga, napansin niyang naglalakad na ito pabalik at mukhang mainit pa rin ang ulo. Basang-basa ang katawan nito, kaya para hindi lalong mainis pinilit ng binata na huwag ngumiti.

"Sorry mam," paghingi nito ng dispensa matapos na dumaan si Iza sa harapan niya. Sa paglagpas nga ng dalaga ay naiwan pa ang mabango nitong amoy.

Muntikan pang matapos ang araw na walang ibang ginawa si Jegs, kundi ang titigan ang magandang dalaga. Sa wakas ay nagpasya na rin siyang ipagpatuloy ang pag-iigib. Kailangan niyang matapos ang trabaho na 'to bago sumapit ang takip-silim. Kung hindi, yari na naman siya sa sermon na aabutin mula sa tatay niya.
Habang nagpapatuloy sa paiipon ng tubig ang binata, naamoy niya ang isang pamilyar na pabango, kasabay nito ang isang babae na huminto sa harapan niya. Umangat pa ang tingin ng binata at nakita ang hindi maipintang mukha ni Iza. Para walang maging aberya, ibinaba ni Jegs ang balde na bubuhatin pa lang niya para harapin ang dalaga.

"May kailangan ka?"

"Bigyan mo ako ng signal."

"Bigyan kita ng ano?"

"Bingi ka ba? Sabi ko signal. Bigyan mo 'ko ng signal."

Marahan na ngumisi si Jegs at napakamot sa kilay. "Bigyan kita ng signal? Sorry hindi ako tore ng internet."

"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin. Ituro mo sa 'kin kung saan ako makakakuha ng signal."

"Ah, linawin mo kasi."

"Saan nga?"

"Sa bayan. Limang oras na byahe."
Nanahimik si Iza at saglit na binasa ang labi.

"Sige ganito, babayaran kita, basta samahan mo 'ko sa bayan."

"Ayaw."

"What? Anong ayaw?"

"Hapon na, anong oras na tayo makakarating tapos anong oras na rin tayo babalik dito. Ayaw ko nga."

"Babayaran naman kita."

Nagbalak na magsalita ang binata, pero may tumawag sa kaniya.

"Kuya tawag ka ni tatay!"

Sabay silang napalingon kay Parshang.

"Ay sorry, andyan pala si RF," halata ang pang-aaar nito sa kuya.

"RF?"

"Excuse me lang muna madam." Itinaas ni Jegs ang dalawang palad na para bang sumusuko siya at iwinasto ito sa daang pupuntahan niya. May pagmamadali sa paglakad nito at agad inakbayan ang kapatid, kasabay ang pagbatok.

Ang tingin ni Iza ay nakatuon lang sa dalawa habang patuloy na hinahanap ang kasagutan sa tanong niyang;

"RF? Anong RF?"

No, But YesWhere stories live. Discover now