02: Bagong Pangarap

2 0 0
                                    

Dahil natuon na ang panahon at atensiyon ni Bea sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay at sa mga kapatid ay hindi na niya namalayan ang mabilis na paglipas ng mga araw. At kasabay niyon ay paglamlam ng nadaramang inggit sa mga kapatid noon.

Kaya parang hindi pa siya makapaniwalang magpapasukan na naman dahil parang ilang tulog lang ang ginawa niya ay nagkakagulo na naman ang mga kapatid niya isang madaling-araw sa pagsusuot ng kanilang mga uniporme.

At dahil mayroon nang isang nasa first year highschool at dalawang elementary na ga-graduate sa magkasunod na taon ay napilitan nang huminto sa paglalako ng pagkain ang kanilang nanay dahil hindi na sumasapat ang kinikita nito sa pagtitinda upang humanap ng ibang pagkakakitaan.

Hanggang sa mapagpasyahan na lang nito na maglabada sa ilang mga nakilala noong naglalako pa ito.  At isinasama siya nito para may makatulong at mabilis na makatapos at makarami. At kung walang labada ay suma-side line ng pagluluto sa ilang may maliliit na handaan na isinasama rin siya para may makatulong. Dahil nagkakataong sa ibang napapasukan nila y bukod ang ibinibigay na bayad at kung minsan may pauwi pang mga ulam kaya mas gusto niya kapag handaan ang pinupuntahan nila.

Pero ang pagkalibang niya sa pagtatrabaho ay nalambungan ng pagkayamot dahil kapatid niyang si Cristina, ang nag-iisang highschool. Dahil nagdadalaga na ay umiiral na ang kaartehan at dinapuan na ng hiya sa katawan, na kapag hindi pera ang ibinibigay na baon ay nagmamaldita na may kasama pang padabog-dabog. At walang ibang magawa ang nanay niya kundi pagbigyan ito, na ang katwiran ay sa umpisa lang daw iyon dahil wala pang gaanong kakilala. Kaya hindi niya napigilan ang palihim na pag-ismid dahil alam na niya ang mga ganyang ugali.

Hindi niya maintindihan ang kapatid niyang iyon sa pag-iinarte dahil noong siya ang nasa highschool ay kung ano'ng ibigay wala siyang reklamo makapasok lang sa eskwela. Na kung hindi lang malayo ang lakarin at maghapon ang klase ay tityagain niyang pumasok kahit walang baon. Lalo pa ngayon na mukhang nagkakaproblema ang may-ari ng sinasakang lupa ng kanilang tatay na pataas nang pataas ang interes sa mga pinapautang na mga binhi ng palay at pataba. Kaya halos wala ng natitira sa kinikita nito. Mabuti na lang at kahit papaano ay may nakukuha silang pangdagdag ulam sa sarili nilang tanim.

Idagdag pa na mayroon din silang kimikita ng kanilang nanay kahit papaano dahil marami-rami ang kumukuha sa nanay niya bilang tagaluto. Gaya ng araw na iyon ng martes, matapos maihatid sa eskwela ang kanyang mga kapatid ay mayroon itong bagong papasukan kaya isinama na siya para doon na sila tutuloy bago umuwi.

Suki raw nito sa meryenda ang pupuntahan nila na nasalubong nang minsang mamalengke ito ilang araw matapos huminto sa paglalako. Gusto raw ng babae na ang nanay niya ang magluto para sa magiging handa sa birthday ng anak.

Habang naglalakad ay hindi maipaliwanag ni Bea ang kabang nararamdaman. Na tila ba nae-excite siya na 'di niya mawari kaya ilang beses siyang nasaway ng kanyang nanay dahil para daw siyang kiti-kiti. Kaya pinilit niyang kalmahin ang sarili at bahagyang nagpahuli sa paglalakad para maigala ang paningin sa mga nadadaanan nila hindi niya alintana ang pagod o ang layo dahil bago sa paningin niya ang lahat ng nakikita.

Hanggang sa mapansin niyang isang mataas pader na lang nakikita sa bandang kaliwa niya na tila kasing haba na yata ng nilalakaran nilang side-walk. Nang matanaw niyang huminto ang kanyang nanay sa tapat ng isang security guard at tila nakipag-usap doon kaya halos patakbo na siyang lumapit sa nanay niyang naiwang mag-isa dahil umalis ang gwardya.

Nang makalapit siya sa kanyang nanay ay isang matalim na tingin ang isinalubong nito sa kanya na may kasama pang kurot sa tagiliran na mabilis niyang nailagan kaya lalong nagdilim ang mukha nito. Napansin niyang bumuka ang bibig nito tanda na sesermonan na siya pero naudlot iyon dahil sa muling paglabas ng gwardya na pinapapasok na sila. Pero may piapirmahan pa sa kanilang malaking notebook bago sila tuluyang makapasok sa maliit na rehas na gate sa bandang gitna malapit sa lugar kung saan pumasok ang lalaki.

Affair Of The Heart ( Love Series #1 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon