Napatingin ako sa kanya. Ang inaantok niyang mga mata ay nakadilat. Gising pa pala siya o nagising lang dahil nagbalak akong umalis sa pagkakayakap niya.


"Dito ka lang, Vi. Saglit lang. Wala naman akong gagawin sa 'yo. Yayakapin lang kita." May hinarang siyang unan sa pagitan ng ibabang bahagi ng mga katawan namin.


Tumango ako. "S-sige, hindi ako aalis."


Ngumiti siya sa sagot ko at muling pumikit na. Sandali lang ay payapa na ulit ang kanyang paghinga. Hinayaan ko na magpahinga muna siya tutal naman ay umuulan pa. Gabing-gabi na rin para umuwi. Inaantok na rin ako kaya isinandig ko na lang ulit ang aking pisngi sa balikat niya.


Ngayon ang unang beses na matutulog ako na may katabing ibang tao. Maliban sa kuya ko ay wala naman na akong ibang nakatabi sa pagtulog. Ngayon din ang unang beses na may kayakap ako. Dapat ay hindi ako komportable, pero kabaliktaran ang nararamdaman ko, dahil ngayon lang yata ako nakatulog nang may ngiti sa mga labi.


Alarm ng phone ni Isaiah ang gumising sa akin. Tulog na tulog pa siya kaya ako na ang humanap kung nasaan ang phone niya. Kinapkapan ko siya at nakapa ko ang phone sa kaliwang bulsa ng suot niyang jersey shorts.


Ang alarm niya ay: 3:40 AM – Patayan ng WiFi si Arkanghel.


Si Arkanghel na pinsan niya at kapitbahay sa iisang compound. 


May pangalawa pang alarm ng 7:00 AM – Pakainin ang  mga aso at linisin ang kulungan 


Narinig niya nang nakaraan na kumahol sa gate namin ang aspin naming si General, kaya nabanggit niyang may aso rin sila. Marami silang alagang aso at pati pusa sa kanila. 


Pangatlong alarm ay 10:00 AM – Singilin si Mama sa utang na 50. Tubo 20.


Napangiti ako. Hindi ko na napansin na nalibang na ako kakabasa sa mga alarm at notes ni Isaiah sa phone niya.


1:00 PM – Remind Mama sunduin si Papa sa airport mamayang 5.


2:00 PM – Bahay general cleaning


8:00 PM – Brawl


Hindi ko na naintindihan ang huli, siguro may kinalaman sa games. Pag-back ko ay may pumasok na isang text message. Dahil kakaiba at hindi pamilyar ang themes ng phone ay na-tap ko tuloy ang message at nabuksan. Galing sa contact na naka-save sa pangalang: MADAM ANYA MABANGIS


Madam Anya Mabangis:

Nasaan ka na namang lintek ka?!


Nahulaan ko na agad na ito ang mama ni Isaiah. May photo ID kasi ang text message. Ang photo ay stolen shot ng nakasimangot na babae. Kamukha niya, maganda, nasa around 40s at matapang ang aura.


Dahil naka-open na ang message ay nahagip na rin ng mga mata ko ang last convo nila kahapon. Ayaw ko sanang basahin pero nakita ko na.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now