FOUR

2.5K 129 100
                                    


Hindi pa umaangat ang araw kaya mas matindi ang lamig mula sa bumabalot na hamog. Nang papaliko ay nakasalubong ko si Liam, kagagaling lang sa panlilimos.

Natigilan siya. Luminaw ang puti sa namimilog niyang mga mata pagkakita sa duguan kong kamay.

"Anong nangyari?"

Ang palahaw sa bodega ang nagpabaling sa kanya bago ibinalik ang tingin sa kamay ko. Dinig ang lalim at bilis ng paghinga ko habang pinapanood siyang nag-iisip ng malalim.

Sinundan ko ang sama ng tingin niya sa tshirt ko. Ang linaw ng talsik ng mga dugo sa puting damit!

"Magpalit tayo."

"Huh?" Hinihingal pa ako. At bawat hingal, naglilikha pa rin ng usok mula sa hamog.

Tinalikuran niya ako at naglakad papunta sa likod ng bundok ng basura. Hindi ko alam bakit ko siya sinusundan. Natigilan na lamang nang hinubad niya ang malaking tshirt niyang butas butas. Inabot niya iyon sa akin. Kukunin ko na sana ngunit binagsak niya sa paanan ko.

"Anong..."

Hinarap niya ako para lang kunin ang aking kamay at pinagkiskis ang mga kamay namin sa isa't isa. Hawak ko pa ang balisong na siyang pinakanabalutan ng dugo pero hindi man lang niya pinansin iyon. Para bang... nililipat niya ang mantsa ng dugo sa kamay niya.

"Maghugas ka ng kamay at isuot mo 'to," sabay tadyak niya sa hinubad na tshirt. "Ako magsusuot ng damit mo."

"Liam, kailangan kong magpunta sa police station! O baka may tutulong na sa atin kapag makita 'to. Paniniwalaan na nila tayo!" Inangat ko ang duguang kamay.

Sa nangingitim na alikabok na bumabalot sa mukha niya, halata ang pagdidikit ng dalawang makakapal na kilay at rahas sa binatilyong mga mata.

"Marami nang nagtangka sa gusto mong gawin pero binabalik lang din sila rito na kulang kulang at may mga kapansanan na! Sa gagawin mo, hindi lang ikaw ang puputulan o ibebenta sa kung saan. Sabi mo si Daisy ang pinakabata? Baka siya pa mismo ang uunahin kaya huwag padalos dalos diyan sa plano mo!"

Ang rami niyang sinabi ngunit nahinto ang isip ko sa plano ko... na hindi naman talaga. Wala sa plano na si Daisy ang babalik sa tanggapan. Ako iyon at doon na dapat magsisimula ang plano ko!

"P-puwede naman akong tumakbo sa malayo at doon maghanap ng pagsusumbungan..." pag-aalangan ko.

"Sa hindi mo nalalaman, hawak sa leeg ng grupong iyan ang buong siyudad. Kaya kung nagtaka ka kung bakit wala niisang nag-atubuling sumilip, suminghot o nangisda sa bahaging 'to, ito na ang sagot sa tanong mo. Hindi man sila Sebio ang magbibigay ng parusa sa oras na malaman ang pagsusumbong mo, pero ang pinakapinuno nila, may mata sa bawat sulok, Zea."

"Sino?" buong loob kong tanong.

I was yet so young when I asked this. Still so young when I hoped to defeat him and everyone under him, whoever he was.

Sa halip na sagutin ako ay umalis si Liam. Bagsak ang mga balikat kong sinimulan ang pagtatanggal ng mantsa sa kamay gamit ang pahina ng isang lumang diyaryo.

Itatapon ko na sana iyon nang mahagip ang kapansin-pansin na makapal at naglalakihang letra sa pahina na tinatabunan ng nagkalat na dugo mula sa kamay ko.

La Nostra Vittoria. At sa ibaba ay litrato ng grupo ng mga kalalakihan. Dalawang hanay at wala niisa ang nakangiti. Hindi ko alam kung dahil nalukot na o sa kalumaan ba kaya ganito ang pagkahabi ng litrato sa diyaryo.

Nagtagal ang tingin ko sa pamilyar na mukha. O baka pamilyar lang dahil sa bigote. Gayunpaman, isa ang mukha niya sa mga natatakpan ng dugo ko.

Bumalik si Liam na may dala nang balde ng tubig. Hinugasan ko ang kamay ko, sinigurong walang maiiwang bakas at lalung-lalo na ang balisong na ginamit ko.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 17, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

OBSIDIAN ISSUES SERIES 3: MARKEDWhere stories live. Discover now