Mataas ang araw at nakakapaso ang init. Unti-unti nang natutuyo ang aking damit. Mas masaklap, hindi nakatulong ang ihip ng hangin na nagtulak sa buhangin ng lubak na daan na parang pinapaliguan ako ng dagdag alikabok. Napuwing ako.

"Hoy! Ano pang tinatayo tayo mo diyan! Malilintikan ka talaga!" 

Hinihingal ako sa kaba habang kinukusot ang mga mata. Gusto kong tumakbo at humingi ng saklolo. Ito na ang pagkakataon ko. Ngunit noong huli kong subok na tumakas, nahuli ako, sinako at dinala rito. Kung uulitin ko ang tangka ngyaon, hindi ko na alam saan ako ilalagay o ang mas malala, baka ipatapon pa ako!

Mas mabuti pa nga siguro iyon kaysa babuyin ako dito.

Nilingon ko ulit ang pinanggalingang bodega, sunod ang buong paligid. Parang nasa gitna ng disyerto o isang lupang tuluyan nang inabanduna at tapunan na lamang ng mga walang halaga. Ang umaalingawngaw na ingay, kung hindi mula sa busina ng mga sasakyan ay puro namang pinupukpok na bakal at bagsak ng yero. 

"Psst!"

Nanliit ang mga mata't medyo napupuwing pa, tinalunton ko ang pinagmulan ng sitsit. Hindi mahirap hagilapin dahil halata ang pagsenyas sa akin ng dalawang bata sa likod ng plywood na ginawang panakip sa sunog na dingding. Lumapit ako.

Naaninag ko na ang kabuuan ng dalawang bata habang papalapit. Ang lalake ay tantiya kong dalawa o tatlong taon ang tanda sa batang babae na hanggang balikat lang niya. Kita ko ang agad paggaya ng batang babae sa lalake na isandal ang likod sa plywood na parang bang takot silang mahuli na nakikipag-usap sa akin.

Kaya naman nang tuluyan nang nakapasok sa pinagtataguan nila, sinikap ko ring sumiksik sa pinakadulo para hindi kami mahagip.

"Ang tagal mo! Kung hindi ka pa naggising doon, siguro pinilayan ka na," ani ng batang lalake.

Naguguluhan pa rin ako. "S-sino ba kayo? Nasaan ako? Taga doon din ba kayo sa bodega?"

"Oo, matagal na. Ikaw yung pinakabagong salta. Anong pangalan mo? Ako si Dino, ito si Daisy."

Nagtagal ang tingin ko sa batang babae. Namimilog ang inosente niyang mga mata at pinasidahan ako mula ulo hanggang paa. Para bang nakahanap siya ng pag-asa sa akin kahit wala naman akong ginagawa. 

Kung madungis na ako sa kalagayan kong ito at nakaligo pa ng hindi humigit sa isang linggo, hindi ko na alam paano ilalarawan ang dungis ng dalawa. May amoy na sinegundahan ng butas butas nilang suot. Malaking t-shirt at shorts. Nangingitim na rin ang alikabok sa kanilang mga mukha at magrasa ang buhok na tatlong ligo yata ang kailangan bago mabuhaghag. Kaya ang dali ring paniwalaan na ang tagal na nga siguro nila rito.

"Zea..." Hindi ko alam kung bakit ibang pangalan ang sinabi ko. 

Tumango si Dino. "Tara, Zea. Doon tayo sa nahanap namin. Maraming tao roon."

"Ano ba ang gagawin? At ba't tayo nandito? Binenta rin ba kayo?"

"Mamamalimos tayo. Dinig ko 'yong banta sa 'yo ni Sebio kanina. Malilintikan ka talaga at damay rin kami kung hindi ka aabot sa quota kaya tara na!"

Marahan ko silang hinarangan nang akmang aalis. "Ba't tayo 'yong mamamalimos? Para saan?"

Nagkamot ng ulo si Dino. "Alam mo mamaya na 'yang tanong mo at gawin muna 'yung pinagawa sa 'tin bago pa tayo mahuli! Apat na oras lang ang binigay sa atin bago tayo papalit sa mga nagtatrabaho sa likod. Ilaan mo na lang 'yang mga tanong mo para mamaya kay Liam. Maraming alam 'yon!"

"Bakit marami siyang alam?"

"Tsk," padabog siyang nagkamot sa ulo. "Siya ang pinakamatagal na dito. Bago pa kami dumating, nandito na siya kaya alam na niya mga pasikot-sikot."

OBSIDIAN ISSUES SERIES 3: MARKEDWhere stories live. Discover now