HINAING

215 0 0
                                    

Noong unang panahon, may inang planeta ang umusbong at ito ay walang kalaman-laman. Dahil sa kaniyang kalungkutan at pag iisa, siya ay niregaluhan ng isang anak upang mapawi ang kanyang kalungkutan. Hindi nagtagal siya ay nagsilang sa isang kambal ngunit ang mga ito ay hindi mag kawangis. Ang isa sa mga kambal ay kulay kayumanggi at ito ay pinangalanan niyang "Kagubatan" at ang isa naman ay kulay asul at pinalanganan niya itong "Dagat. Simula noon ang inang planeta ay unti-unting sumigla at dito nagsimulang lumaki at lumago ang kanyang mga anak. Si Kagubatan ay lumago at maraming halaman at mga hayop ang naninirahan dito, habang ang kanyang kambal na si Dagat ay lumawak at samut-saring uri rin ng halaman at hayop ang naninirahan dito. Laking pasasalamat ng kanilang ina dahil ang kanyang mga anak ay mabubuti at sila ay napagkukuhanan ng mga pangangailangan at ito ay hindi nanghihingi ng kahit anong kapalit.

Hindi nagtagal, nadiskubre ng mga tao ang inang planeta at ang mga ito ay nanirahan sa kanyang anak na si Kagubatan. Ang mga tao ay nagsimulang mag tayo ng kani-kanilang tirahan sa pamamagitan ng pagputol sa mga puno upang kuhanin ang kahoy mula rito, at dahil sa kanyang busilak na puso hinayaan lamang ni Kagubatan ang mga ito. Sa kabilang banda, si Dagat ay walang kaide-ideya sa kung anong nangyayari sa kanyang kambal dahil magkalayo sila sa isa't isa. Hindi nagtagal si Dagat ay unti-unti na ring naramdaman ang presensya ng mga tao, dahil ang mga ito ay nagsimula nang manghuli ng kanilang makakain sa kanya, si Dagat ay hindi rin nagsalita gaya ng kanyang kambal at hinayaan niya ang mga tao na gawin kung ano man ang gusto nila. Hindi alam ng kambal na isang problema ang uusbong dahil sa desisyon nilang hayaan ang mga taong gawin kung ano man ang gusto nila

Kuha rito, kuha roon, walang ginawa ang mga tao kung hindi kumuha ng kanilang pangangailangan sa dalawang magkapatid. Pagputol ng mga puno ang laging ginagawa ng mga tao kay Kagubatan, paggawa para sa kanilang tahanan. Paghuli ng sobrang isda at pagtapon ng basura naman ang ginagawa nila kay Dagat. Tuwang tuwa ang mga tao dahil sila ay libreng nakakakuha ng kanilang pangangailangan sa dalawang magkapatid. May isang tao ang biglang nagsalita pagkatapos nitong kumuha kay Kagubatan ng mga kahoy, "Araw araw mayroon na tayong mapagkukunan ng ating pangangailangan, hindi na tayo mahihirapan. Sigurado ako hindi na tayo mawawalan ng pinagkukunan ng mga kailangan natin." Hindi nila iniisip na sila ay umaabuso na at wala ng disiplina sa pagkuha ng kanilang pangangailangan kina Kagubatan at Dagat.

Narinig ni kagubatan ang sinabi ng isang tao kaya nakaramdam siya ng kaba dahil nakikita niya na konti na lamang ang mga puno nito. Nababahala siya na baka maubos at maglaho na lang ito sa mundo. "Inang Planeta, narinig ko ang mga tao na ako ay kanilang pupuntahan araw-araw upang kumuha ng puno. Ngunit halos nakalbo na ang mga ito" dagdag pa na "hindi naman nila ito pinapalitan," hinaing ni Kagubatan sa kanyang ina. "Ako naman ay tinatapunan nila ng basura at kung minsan ay pati ang mga sangay ni Kagubatan na hindi nila pinakikinabangan ay sa akin ibinibigay. Napapansin ko rin na ang mga isda ko ay unti-unting nalalason at namamatay," iyak naman ni Dagat. Bakas sa mukha ng dalawa ang lungkot sa nangyayari sa kanila ngunit hindi nila alam na mas nasasaktan ang Inang Planeta sa kanyang naririnig. "Hindi ko napapansin na ganiyan na ang mga nangyari sa inyo. Alam ko na natatakot kayo sa mga ginagawa ng tao ngunit patawarin niyo sana ako dahil hindi ko mapipigilan ang mga pag-iisip ng mga tao," sagot ni Inang Planeta sa kanyang mga anak.  

Mareresolba lamang ang suliraning ito kung mababago ang pag-iisip ng mga tao. Walang magawa ang inang planeta para tulungan ang kanyang mga anak sa suliranin na kanilang hinaharap. Nangangamba din ang inang planeta dahil maaaring malagay sa panganib ang kanyang mga anak. Habang tumatagal lumalago ang mga tao habang si Kagubatan ay pakonti ng pakonti ang kanyang mga puno. Si Dagat naman ay parami ng parami ang basurang natatanggap. Laging nakamasid si Inang Planeta sa kanyang mga anak at ninanais na akuin na lamang ang paghihirap ng mga ito.

Isang araw sa kanyang pagmamasid nakita niya na tila naghihingalo na si Kagubatan sapagkat halos wala ng mga puno na nakatanim at puro bahay na lamang ng tao ang kanyang nakikita. Halos di na din niya makilala si Dagat sa sobrang dami ng basurang naipon at nakatambak sa kanya. Ang dating mga magaganda at malalagong mga anak niya ay tila sinira ng mga taong naglagi sa kanila. Labis na kapighatian at galit ang naramdaman ni Inang Planeta. Dahil sa kanyang mga nakita nais niyang mawala ang mga tao na sumira sa kanyang mga anak. Hinaplos niya ang buhok ni Dagat upang maalis ang mga basurang itinapon sa kaniya at nagdulot ito ng napakalaking alon na sumira sa tahanang binuo ng mga tao. Ganun din ang ginawa niya kay Kagubatan at nagdulot ito ng malakas na hangin na may kasamang tubig galing kay Dagat. Nagdulot ito ng sakuna sa mga tao. Lahat ng mga bagay na binubuo ng mga tao ay sinira ni Inang Planeta. Dahil sa pangyayaring ito labis na nalungkot at nanghinayang ang mga tao.

Nang dahil sa mga nangyari, hindi lubusan maisip ng mga tao kung bakit ito nangyayari sa kanila at kung ano nga ba ang kanilang nagawa hanggang sa may isang bata na pinuntahan ang mga tao at sinabihan sila na "Dahil po ito sa atin kaya natin ito nararanasan, nang dahil sa pang aabuso natin sa kagubatan at sa dagat kaya po ito nangyari". Nang dahil sa sinabi ng bata napag isip-isip nila na mali ang kanilang mga ginawa na abusuhin ang kagubatan at ang dagat. Dahil sa nangyari ay nawalan sila ng mapagkukunan ng yaman at kanilang mga pangangailangan, naisip lamang nila ito kung kailan huli na ang lahat. Nang dahil sa mga nangyari napag isipan ng mga tao na bumawi sa lahat ng pagkakamali na nagawa nila sa kagubatan at sa dagat.

"Kailangan natin bumawi sa lahat ng mga ginawa nating kasalanan, kung hindi sa ating pang-aabuso ay mayroon pa sana tayong pinagkukunan ng yaman ngayon, hindi natin naisip na may mga buhay din ang kagubatan at dagat na dapat pangalagaan. Tara at samahan ninyo akong ibalik ang ating mga nakuha sa kanila katulad na lamang ng pagtatanim ng mga puno at paglilinis sa dagat". Narinig ito nila Kagubatan at Dagat at sila ay masayang pumunta kay Inang Planeta upang sabihin ang kanilang narinig. Labis na ikinatuwa ito ni Inang Planeta at ng kambal.

Pinagmasdan nilang tatlo ang mga ginagawa ng mga tao para sa kanila. Pagtatanim ng mga puno kay Kagubatan at paglilinis sa mga basura na nakakalat kay Dagat. Simula noon ay patuloy na ang mga tao sa pag aalaga kay Kagubatan at kay Dagat. Kapag sila ay mga kinuha sa mga ito ay binibalik nila ng panibago upang hindi ito maubusan at mas lalo itong lumago. Nang dahil sa mga ginagawa ng mga tao ngayon ay labis na ang saya nila Kagubatan at Dagat pati narin ang kanilang Inang Planeta ay nakangiting pinagmasdan ang kambal niyang anak na masaya at wala ng pangamba.


                                                                                         THE END

HinaingWhere stories live. Discover now