Marahang humarap si Dustine sa gawi ko. Nagtama ang mga mata namin. Dahil sa dilim ng paligid at tanging ang maliit na panel light lang ang bukas, mas lalong nagmukhang madilim ang mga mata niya habang nakatitig sa akin.

"Simulan mo na kung gano'n." kaswal na sagot niya.

Kumurap ako. "Ang a-alin po?"

"Ang masanay sa akin. Hindi ka tatagal kung iintindihin mo ang hiya mo."

Tumango ako at nagkamot ng ulo. "O-Opo! Sa una lang po ito, ser. Pasensya na po."

Tinitigan niya pa ako dahilan para lalo akong hindi mapakali. Hindi ko na lang ipinapahalata pero matindi ang epekto ng mga titig niya.

Ganito rin kaya siya kay Tiyoy? Pero ang sabi niya ay talagang seryoso ito.

Isang beses siyang tumango saka umayos ng tayo. Lumabas siya kusina at kaswal na naglakad. Nilampasan niya ako, hindi na tiningnan pa.

"See me outside after you grab your coffee." aniya.

"Opo, ser!" sumaludo pa ako kahit na hindi naman niya ako nakita.

Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makalabas na siya. Huminga ako nang malalim at pumikit na.

Ano kayang dahilan at kailangan ko lumabas? Aalis kaya kami? Baka may ipag-uutos siya. Sana ay may iutos na lang siya!

Kumalma ka nga, Elianna! Ikaw talaga mismo ang magpapahamak sa sarili mo. Masiyado kang apektado sa presensya niya.

Noon naman ay wala akong pakialam sa mga kalalakihan doon sa Alcantara kahit pa gwapo. Kaya nga siguro iniisip ng mga tao doon na tomboy ako ay dahil hindi nila ako nakikitaan ng interes. Sadyang kakaiba lang ang dating ni Dustine. Bukod sa napakagwapo niya, malakas rin ang dating.

Kahit ang tomboy, babalik sa pagkababae dahil sa kaniya.

Binilisan ko ang pagkakape. Nang makalabas ng entrada ay kaagad siyang hinanap ng mga mata ko. Nakita ko siya sa may palayan, kausap ang isang magsasaka. Bukang liwayway na at magsisimula pa lang ang araw ngunit heto at nasa trabaho na kaagad siya.

Dumapo ang mga mata niya sa akin kahit pa ilang metro ang layo namin sa isa't isa. Hindi nagtagal at iniwan niya na ang kausap at naglakad na palapit sa akin.

"Ser, tapos na po ako. May iuutos po ba kayo sa akin?"

Nagbaba ako ng tingin nang ilahad niya sa akin ang isang puting papel. Lito ko siyang tiningnan ngunit kaagad ko rin naman inabot 'yon. Binasa ko ang nakasulat doon. Hindi ako pamilyar pero nakasaad doon na mga sako ng fertilizer at pesticide ang naroon.

"Pumunta ka sa kabilang bayan at bilhin mo ang mga iyan. Hindi ako makakasama dahil kailangan ko bisitahin ang mga baka sa kamalig."

Trabaho ko rin pala ito? Akala ko ay ang mga magsasaka na ang nakatoka dito.

"S-Sige, ser. Limang sako po itong sa fertilizer?"

Tumango siya, blangko ang mukha.

"Sige po. Aalis na po ako kung gano'n."

Tumango siya. Bumunot siya ng kulay itim na leather wallet mula sa bulsa sa likod ng maong na pantalon niya. Kumuha siya roon ng ilang lilibuhin at iniabot sa akin.

Tinanggap ko 'yon. "Mauna na po ako."

"Tawagan mo ako kung may problema."

"Opo."

Tumalikod na ako, medyo problemado kung paano ko ikakarga ang ilang sako na 'yon sa kotse. Magpapatulong na lang siguro ako. Kaya lang ay baka isipin nilang kalalaki kong tao ay hindi ko 'yon kaya.

Monasterio Series 7: The Dare Not To FallWhere stories live. Discover now