1

155 12 5
                                    

TAGAKTAK ng ulan, tunog ng mga sasakyang dumaraan, at mahihinang pag-uusap ng mga katabi ko ang tanging pumapailanlang sa paligid. Sinabayan pa iyon ng panaka-nakang pagkulog at pagkidlat bunsod ng hindi magandang panahon.

Kinse minutos na lang bago mag-alas sais ng gabi. Ibig sabihin noo’y lampas kuwarenta minuto na akong nakatayo rito sa entrance ng company building. Ganoon na ako katagal na naghihintay na tumila ang ulan.

Napalabi ako. Alas sais ang huling biyahe ng jeep papunta sa amin. Kung hindi ako makaaabot ay wala akong choice kundi ang sumakay ng dalawang bus. Ang katumbas na presyo noo’y makahigit na tatlong sakay sa jeep.

Mayroon naman akong pera. Siguro ay lampas isandaan pa ito. Dangan lamang na may pinaglalaanan ako ng pera kaya hangga’t makatipid ako sa lahat ng bagay ay gagawin ko.

Bumuntong-hininga ako nang makailang beses. Ilang saglit pa ay nakapagdesisyon na ako. Susuungin ko ang malakas na ulan. May payong naman ako.

Hinubad ko muna ang suot kong sapatos na may dalawang pulgadang takong. Pinalitan ko iyon ng dala kong jelly shoes.

Tinahak ko na ang daang basang-basa ng ulan. Ilang minuto lang naman ang gugugulin ko sa paglalakad papunta sa sakayan.

Tulad ko ay marami rin ang naglalakad na nakapayong. Ang iba ay nakakapote. May ilan namang tumatakbo habang may nakapandong sa kanilang ulo.

Sa aking pagbagtas sa daan ay may isang lalaking pumukaw sa aking atensiyon. Mabagal siyang naglalakad habang nakayuko ang ulo. Nakasuot siya ng kulay asul na turtle neck na may mahabang manggas, denim pants, at branded shoes na kulay puti na nabahiran na ng putik.

"Magpapakamatay ba ito?" bulong ko sa aking sarili. Kung matatagalan kasi siya sa pagbababad sa ulan ay hindi malayong magkaroon siya ng pulmonya.

Lakad-takbo kong tinungo ang kaniyang kinaroroonan.

"Sir, sir. Basang-basa na po kayo ng ulan."

Tumigil sa paglalakad ang lalaki at unti-unti niya akong nilingon.

Halos mabitiwan ko ang hawak kong payong nang tuluyan kong mapagmasdan ang kaniyang mukha.

Sunod-sunod na paglunok ang ginawa ko. Paanong hindi e kilalang-kilala ko kung sino siya.

Si Vladimir Grand na isang Tiktoker!

Pinilit ko ang sarili kong bumalik sa huwisyo.

"Sir, baka magkasakit po kayo." Gamit ang isang kamay ay hinalungkat ko ang tote bag na aking dala. Kinuha ko mula roon ang isang white t-shirt na sa tingin ko ay kasya naman sa kaniya. "Sa inyo na po ito."

Pinukulan niya ako ng walang emosyong tingin. Medyo nakaramdam ako ng pagkapahiya sa sarili.

Akma kong ibabalik ang t-shirt sa aking tote bag nang maramdaman ko ang pagpigil ng kaniyang kamay sa aking palapulsuhan dahilan para mapatingin ako roon.

"Come with me," aniya sa malamig na tinig.

NATAGPUAN ko na lang ang aking sarili sa pinakamalapit na McDonald's branch. Pasado alas sais na. Wala na talaga akong choice kundi ang mag-bus pauwi pero ayos lang. Kasama ko naman dito si Vlad.

Nakilala ko siya noong sinubukan kong mag-download ng Tiktok app. Kasisimula palang ng pandemic noon at sakto na nawalan ako noon ng trabaho kaya wala akong mapaglibangan. Isang video ni Vlad ang dumaan sa FYP ko na agad kumuha ng aking atensiyon.

Sa aking pagkakatanda ay labinlimang segundo ang itinagal ng clip na iyon kung saan idina-dub niya ang isang linya ni John Lloyd Cruz sa pelikulang One More Chance. Aaminin kong agad akong humanga sa kaniya sa video na iyon. Natagpuan ko na lang ang sarili kong nag-i-scroll down sa profile niya at isa-isang pinanood ang mga ini-upload niyang videos sa app na 'yon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 31, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Never Forget YouWhere stories live. Discover now