Hindi niya gustong mabasa ang laman nito subalit paghawak pa lamang niya ay bumungad sa kanya ang pangalan ng alkalde.

"Hindi ko nagustuhan ang ulat na inilabas ni Naveen, masyado niyang pinapakialaman ang mga proyekto na aking isinusulong at ang pagsiwalat niya sa mga sobrang buwis na nakolekta sa pamilihan.

Mas mainam na magawan natin ito kaagad ng solusyon. Naisip ko na makapalagayan niya ng loob si Alicia. Isa sa mga pamangkin ko na nàsa istasyon.

Pansamantala ay gawan mo ng paraan na malihis ang atensyon ng mga tao sa balitang iyan."

Sandaling hindi nakakilos si Luis sa kanyang kinatatayuan. Ito ang unang beses na nalaman niya ang ginagawa ng kanyang ama. Tahimik na ibinalik ni Luis ang liham sa lamesa at bago umalis ay napatingin siya sa kanyang ama na natutulog sa lamesa.

"Ama, anong dahilan bakit mo ito ginagawa." Aniya sa sarili bago tuluyang lumakad palabas ng silid.

Kinaumagahan matapos ang gabing natuklasan niya ang ginagawa ni Mang Celso ay nagtungo si Luis sa tahanan nina Naveen.

"Naveen?" Katok niya sa gate ng bahay nito. Narinig may papalapit upang buksan ito. Nakangiting lumabas mula sa pinto si Aling Karmen. Suot ang bistidang bulaklakin at nakapuyod ang buhok ng maliliit na pang kulot.

"Magandang umaga po."

"Magandang umaga, Luis, bakit narito ka?"

"Nariyan ho ba si Naveen?"

"Aba'y narito pa nag aasikaso lamang para pumasok na. Halika't mag agahan muna kayo sa loob." Anyaya nito. Sumunod si Luis kay Aling Karmen at pumasok sa loob ng bahay.

"Naveen! Narito si Luis at hinahanap ka!" Sigaw ni Aling Karmen na sa palagay niya ay umabot pa hanggang sa kalapit na bahay nina Luis ang boses nito. Napakamot nalamang siya sa kanyang ulo.

"Oh, ang aga mo naman Kuya Luis." Salubong ni Naveen habang pababa ng hagdanan. Bagong ligo ito at nagsusuot pa ng kanyang Polo na kulay puti.

"May nais lamang sana akong itanong sa'yo."

Napakurap ng ilang beses si Naveen sa pagtataka. Hindi sila gaano magkasundo ni Luis dahil mas matanda ito ng ilang taon at batid niyang palaging hindi magkasundo ito at si Tiana.

"Ganun ba, ano 'yon?"

Hindi kaagad sumagot si Luis dahil nakita niyang nakamasid si Aling Karmen mula sa kusina. "Maaari ba na habang naglalakad nalamang tayo patungo sa sakayan? Ako'y dadaan din sa eskuwelehan ngaun." Sinundan ng tingin ni Naveen si Luis at napagtanto niyang hindi nito gusto na may makarinig sa kanilang pag-uusapan.

"Osige. Kukuhanin ko lamang ang gamit ko sa itaas at tayo'y aalis na." Matapos makuha ni Naveen ang kanyang gamit at kaagad silang nagpaalam kay Aling Karmen.

"Ano ang iyong nais na sabihin Kuya Luis?" Ulit ni Naveen habang kasabay itong naglalakad. Binabaybay nila ang daan patungo sa sakayan ng jip. May iilan na naglalakad rin sa kabilang bahagi ng kalsada.

"Nabasa ko ang isa sa mga tala na iyong isinulat sa dyaryo. Nais ko malaman kung saan mo nakuha ang mga impormasyon na iyon?" Biglang napatigil sa paglalakad si Naveen dahil sa sinabi ni Luis.

"Hindi lingid sa iyong kaalaman na totoo ang bawat nakasaad sa ulat na aking ibinahagi. Tungkulin ko bilang mamamahayag na ipaalam sa mga mamamayan ang totoong nangyayari sa paligid. Nagsaliksik ako at sa ganung paraan ko nalaman ang bawat impormasyon na aking ibinahagi." Kalmadong sagot ni Naveen.

"Maaaring totoo nga lahat ng iyon. Subalit hindi ka ba nababahala sa maaaring maging dulot nito?"

"Huwag ka mangamba Kuya Luis. Walang kasinungalingan na hindi nabubunyag." Humawak sa balikat ni Luis si Naveen at saka muling lumakad. Sumunod naman si Luis. Hindi na ito muling nag usisa pa.

Hapon ng araw din na iyon ay nagtungo si Luis sa pagawaan ng dyaryo sa Plaza Miranda upang sunduin si Mang Celso. Habang naglalakad sa pamilihan ay narinig niya na nag-uusap ang dalawang may edad na lalaki habang bitbit ng isa ang isang plastik ng mga gulay.

"Nabasa niyo ba ang pahayagan na nailathala kahapon? Ayon sa isang taga pagbalita ay sobra ang buwis na sinisingil sa atin."

"Oo nabasa ko rin 'yon. Totoo nga kaya ang balitang 'yon?" Pagtataka ng kasama nito. "Aba'y sa palagay ko ay totoo iyon dahil hindi naman iyon ilalathala ng walang batayan. Tignan mo si Mang Tsino halos malapit na malugi sa pagbebenta ng mga alahas na mula pa sa tsina dahil sa taas ng buwis na kanyang ibinibigay sa naniningil dito sa palengke." Napakamot sa kanyang ulo ang kausap nito at umiling-iling.

Nagpatuloy sa paglalakad si Luis. Nakita niya na ang karatula ng pagawaan at pumasok sa loob. Naamoy kaagad niya ang mga amoy ng tinta at papel na nakasalansan upang patuyuin.

"Oh, Luis anong meron at naparito ka?" Salubong sa kanya ng guwardya. Nagbigay galang si Luis sa papamamagitan ng pagngiti. "Narito ho ba si Tatay?" Kilala ang pamilya Dela Vega sa pagawaan dahil paslit pa lamang sila ay nagagawi na silang pamilya dito.

"Sa palagay ko'y naroon pa ang iyong ama. Marahil kausap nito si Boss dahil kakapasok lamang nito sa silid." Pagkumpirma ng gwardya. "Maaari ba na intayin ko siya doon sa pahingahan ng mga manggagawa?" Sabay turo ni Luis sa parte ng pagawaan kung saan inilalabas ang mga tapos na mapatuyong dyaryo at ibinabalot upang ipamahagi sa susunod na araw.

"Osige po. Subalit hindi na kita maihahatid doon dahil baka lumabas si Boss at makitang wala ako dito."

"Ayos lang po, maraming salamat." Nakangiting pasasalamat ni Luis bago naglakad patungo sa Pahingahan ng mga manggagawa. Habang naglalakad ay natanaw niyang may babaeng nakaupo at nag iintay rin sa upuan kung saan siya patungo.

"Maaari ba akong maupo sa tabi mo?" Tanong ni Luis. Hindi nagsalita ang babae at umurong ito. "Maraming Salamat" Ani ni Luis. Ngayon lamang niya nakita ang babaeng ito sa pagawaan. Iniisip niya na kung ito ba ay bagong secretarya doon. Hindi siya makapagsalita dahil sa hiya kaya't pinagmasdan nalang niya ang paligid.

Abala ang lahat upang matapos ang mga kopya ng ilalathala bukas ng umaga. "Grasiya, paumanhin sa paghihintay. Ito ang ilan sa kopya na iyong binili." Wika ng lalaking halos kahawig nito. "Maraming salamat Kuya Basilyo. Ito naman ang ilan sa mga naisulat kahapon. Maaari pa ba itong maisama sa ilalabas bukas ng umaga?" Kinuha ng lalaking kausap nito ang bungkos ng mga papel at lumingin lingon.

Nagawi ang tingin nito kay Luis at bahagya na ngumiti. Lumapit ito ng kaunti sa babaeng kausap at bumulong. Hindi maunawaan ni Luis kung anong sinasabi nito kaya't binasa nalamang niya ang isang dyaryo na malapit sa kanya na mukhang katutuyo lamang. Upang ipaalam na hindi siya nakikinig.

Tumayo na ang babaeng nasa kanyang tabi at naunang maglakad ang kausap nito. Nang biglang hanginin ang hawak nitong papel. Kaagad na hinabol nito ang papel na agad naman na nakuha ni Luis. Napatigil sa paglapit si Grasiya ng makitang hawak na ng lalaking hindi niya kilala ang papel.

Napatayo si Luis upang ibigay ang papel sa babaeng kanyang kaharap ngayon. Nakita ni Luis na purong tinta ng panulat ang ginamit sa pagsulat. At nagawi ang kanyang tingin sa huling bahagi ng papel. Naroon ang pangalan at lagda ni Naveen. Senyales na ito ang orihinal na manuscripto.

Mabilis na kinuha ni Grasiya sa kamay ni Luis ang papel at kaagad na naglakad palabas ng pagawaan. Pinagmasdan niya ang paglayo ng babaeng ngayon lamang niya nakita.

-------
#InTheMiddleOfRevolution

In The Middle of Revolution (COMPLETED)Where stories live. Discover now