Napatingin sa banda namin ang mga costumer sa cafe dahil sa tunog ng nabasag na baso, dahil sa pagkakataranta ay dali-dali akong lumuhod para pulutin ang mga bubog sa lapag ngunit bigla akong nasugatan habang isa-isang pinupulot ang mga ito. Hindi ko inalintana ang sakit at nagpatuloy sa pagpulot sa mga bubog, pinipigilan ako ni Hera pero hindi ko siya pinapansin.

"Ako na po ang maglilinis niyan ma'am," pigil sa akin ng kararating lang na waiter.

Agaran naman akong napatayo nang mapagtanto ko ang ginawa ko. Did l just kneel and pick up the broken glass in front of many people?!

Napatingin ako sa mga tao sa cafe na nakatingin na ngayon sa akin. Hindi nakatakas sa paningin ko ang mga mata no'ng lalaki na nakatingin din sa akin partikular sa suot ko, napailing-iling ito na para bang may nakita siyang hindi niya nagustuhan.

Kinuyom ko ang kamay kong may sugat at hinila si Hera palabas sa cafe. Mabilis ang mga hakbang ko palabas na halos madapa na si Hera dahil sa pagkakahila ko pero hindi ko siya binitawan, ang tanging gusto ko lang sa mga oras na ito ay ang tuluyan ng makalayo sa lugar na ito.

Saktong pagkalabas namin ay may paparating na trycicle. Hindi na ako nag-inarte at agaran itong pinara, hindi ko inalintana ang sugat sa kamay ko at dali-daling humawak sa metal kagaya ng ginawa ko kanina.

Walang imik si Hera habang pauwi kami sa bahay. Pinagpasalamat ko naman 'yon dahil ayaw ko munang sagutin ang mga katanungan niya ngayon. Hindi pa rin ako makapaniwala sa ginawa ko kanina. Bakit ko ba kasi ginawa 'yon?! May mga waiter naman para maglinis do'n sa mga bubog?! Dahil siguro sa sobrang taranta ko kanina hindi na ako nakapag-isip ng tama! Nakakahiya!

Mas nakakahiya dahil nakita niya ang ginawa ko at parang nanliliit ako sa klase ng tingin niya sa akin kanina. Kung pwede lang magpalamon sa lupa ay ginawa ko na para lang makatakas sa kahihiyang ito.

Pagdating namin sa bahay ay naabutan namin si lola sa sala na nagtatahi, lumapit kami ni Hera sa kanya at nagmano.

"O nandito na pala kayo, kumusta ang lakad niyo? Nag-enjoy ka ba, apo?" tanong nito sa akin, tumango naman ako at pinilit na ngumiti sa kanya.

"Opo lola, marami po pa lang magagandang pasyalan dito," sabi ko habang nakangiti pa rin. Ayaw kong mahalata ni lola ang kalooban ko ngayon.

"Marami talagang magagandang pasyalan dito. Mabuti naman at nag-enjoy ka," nakangiti nitong sabi. Gustong-gusto ko ng umakyat sa kwarto at magmukmok pero ayaw ko namang maging bastos.

"Dalawa lang po ang napasyalan namin lola dahil napagod po si ate. Sa susunod na lang po kami pupunta sa iba pang mga pasyalan dito," sabi ni Hera kay lola.

"Hindi niyo naman kayang puntahan lahat ng mga pasyalan dito ng isang araw lang. . . Kailangan niyo ng mahabang panahon para magawa 'yon," nakangiting ani lola habang nakatingin sa aming dalawa.

"Sige na at magpahinga na kayo, bumaba na lang kayo mamaya kapag hapunan na." Tumango naman kami sa sinabi ni lola, pagod din kasi si Hera dahil medyo mahaba-haba rin ang nilakad namin kanina habang nag-iikot.

Pumanhik kaagad ako sa kwarto ko at naupo sa kama, nakatulala lang ako sa sahig at inalala ang nangyari sa cafe kanina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang hiyang nararamdaman ko.

Binaba ko ang camera na dala ko sa study table, nang dahil sa camera na ito kaya nangyari ang kahiya-hiyang pangyayaring 'yon sa buhay ko.

Pumunta ako sa banyo para maligo, umaasang mahihimasmasan ako sa nangyari kapag nakaligo ako. Isa-isa kung hinubad ang suot ko bago sumalang sa shower.

Pagkalabas ko sa banyo ay dumeretso kaagad ako sa walk in closet. Kahit hindi naman masyadong malaki ang bahay na ito ay kumpleto pa rin naman ito sa mga rooms at gamit, tanging aircon lamang ang kulang dito dahil hindi pinalagyan ni lola. Malamig naman daw dito sa Batangas, pero ang mga kagaya kong sanay sa aircon ay naiinitan dito. Hindi ko na lang 'yon sinabi kay lola at mabuti na lang din at hindi rin 'yon sinabi ni Hera dahil ayaw kung isipin ni lola na maluho ako at hindi sanay sa hirap kahit 'yon naman talaga ang totoo.

Nagsuot lang ako ng pajama at loose t-shirt. Pagkatapos kong magbihis ay pinatuyo ko ang buhok ko gamit ang hair dryer, humiga ako sa kama nang tuluyan na itong matuyo para magpahinga.

"Ano kayang iniisip ng lalaking 'yon sa akin?" tanong ko sa sarili ko.

Nababaliw na yata ako dahil pati sarili ko kinakausap ko na! Ganito katindi ang epekto ng lalaking 'yon sa akin na kahit hindi ko siya nakikita ay siya pa rin ang laman ng isip ko, ni hindi ko pa nga siya kilala tapos ganito na ang epekto niya sa akin? Paano na lang kapag lubusan ko na siyang makilala?! Pigilan mo ang nararamdaman mo lrish dahil walang maidudulot na mabuti 'yan sa 'yo!

Hindi naman ako magtatagal dito dahil sigurado akong hindi ako matitiis ni daddy. Mawawala rin ang galit niya sa akin dahil ganoon naman palagi si daddy, nagagalit pero umaamo rin kalaunan. Kapag tuluyan na akong nakaalis sa lugar na ito ay mawawala rin itong nararamdaman ko.

Hindi ko hahayaan ang sarili kong mahulog sa lalaking 'yon, hangga't maari ay pipigilan ko itong nararamdaman ko. Panandalian lamang ito at lilipas din ito kalaunan.

Change Of HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon