Second Letter: Of Assurance and Doubts

10 1 2
                                    


Dear M,

Sa ganitong sitwasyon saan ba tayo pwedeng maghanap ng assurance? 

Actually, hindi ko rin alam ang sagot. Sa mga panahon na hindi kita mahanap, hindi kita makita at hindi kita makausap lagi akong kinakain ng pangamba at takot. Paano kung nakahanap na siya ng iba? Paano kung napagod na siya? Paano kung naglalaro lang pala siya? Iilan lang 'yan sa mga katanungan na nasa isip ko. Pero sa tuwing nag-uusap tayo, sa gitna ng lalim ng gabi, kung saan tanging boses mo lang ang nag-iisang musika na naririnig ko, hindi ko alam at hindi ko mawari pero bakit nagkakaroon ako ng assurance sa walang katiyakang sitwasyon na meron tayo.

Siguro dahil sa tawa mo, o sa lamig ng boses mo o siguro dahil matalino kang kausap. Lagi mo akong napapahanga sa pananaw mo sa buhay. At kung paano mo iparamdam sa akin na minsan may halaga at silbi rin ako, na 'ni minsan hindi ko naranasan sa mga naunang nagdaan. Hindi ko pwedeng kalimutan ang sinabi mong kahit na hindi tayo madalas na mag-usap tahimik mo akong pinipili. Hindi mo alam kung ano ang epekto 'nun sa akin. Sa tulad kong sa mga salita lagi nakahawak, laging nakakapit. 

Sa ganitong sitwasyon, na malabo at malayo, ang mumunting salita na mula sa'yo ang tanging kakapitan ko.

Pero hindi pala ganoon kadali ang lahat. 

Sa bawat araw na lumalalim ang nararamdaman, mas naghanap ng mga solidong bagay na pwedeng kapitan. Katulad ng paliwanag bakit matagal nawala, bakit 'nung sinabing babalik hindi na nakabalik, 'nung sinabing saglit lang inabot na ng ilang na hindi na ulit nagpaalam. Ang kasiguraduhan na binuo sa mga iilang salita bigla naglaho at napalitan ng duda.

Gayunpaman hindi ko magawang humingi ng paliwanag at magdemand, dahil saan nga ba ako lulugar sa buhay mo? Ano nga ba ako sa buhay mo? Nakakatakot magtanong dahil baka hindi ako handa sa mga sagot mo kaya nakontento nalang ako sa iilan at piling oras na kaya mong ibigay. Dahil siguro kung hindi ako mahalaga sa'yo hindi ka naman maglalaan ng oras para kausapin ako. Hindi naman ako siguro pampalipas-oras, dahil kapag kausap kita mabilis man lumipas ang oras pilit naman natin hinahabol at pinapaabot pa nga minsan ng hanggang bukas.

Sa ikalawang araw na hindi ka na kausap. Marami akong bagay na napagtanto. Masyado nga yata tayong malabo. Dahil hindi natin alam kung ano tayo sa isa't isa. Pero mas na-realize ko na dahil naging komportable lang tayo sa kung ano ang meron sa sitwasyon natin. Mas nanaig ang takot na magtiwala sa isa't isa, at doon nagsimula ang komplikasyon na na umusbong ng mas maaga.

Ikaw na nanatiling nakakulong sa dilim at tanging tinig lang ang kayang iparinig. Ako na pinakita at binigay ang lahat na umaasang masilip ko lang ng konti kung ano ang meron sa kadiliman na iyan. Doon palang hindi na nagkatagpo. Kaya naisip ko saan kaya ito patungo?

Pero hindi ibig sabihin 'nun na ikaw ay aking susukuan. Nagkamali man pilit ko namang iwawasto para sa ikawalang pagkakataon tayo ay makapagsimula ng tuluyan. Aayusin ang daraanan, lilinawin ang lahat para hindi mauwi sa isang masakit na paalam.

Assurance?

Mahirap oo, pero kapag gusto tatawirin naman siguro kahit na kabilang mundo.

Assurance?

Pagtatrabahuhan kapag nakuha na ang second chance.

Doubts?

Patunay na talagang may nararamdaman.

Doubts?

Marami tayo 'niyan, hindi tayo mauubusan.

Katulad ng sulat na'to magulo pa tayo.

 Katulad ng sulat na 'to hindi ako sigurado kung may babalikan pa ako pagkatapos ng distansiya na hiningi ko. Kung nandiyan ka pa sa araw na sinabi kong magkikita tayo.

Pero hindi man sigurado kung pagkatapos ng isang linggo na magkalayo tayo ay maririnig ko pa rin ang tinig mo. Iisa naman ang nasigurado ko. 

Malaki na ang espasyo mo sa puso ko.

Kaya sana nandiyan ka pa sa pagbabalik ko.

Sana naghihintay ka rin katulad ko.

Nagmamahal,

J.

Seven Letters to MWhere stories live. Discover now