SA loob ng bukas at may walong sulok na pasilidad na nakatayo sa gitna ng luntiang lupain; gawa sa kahoy ng sedar at may dalawang bubong na yari sa tisang luad, tuwid na nakaupo sa gitnang bahagi ng sahig ang isang nilalang na may pigura ng sa tao subalit may mga paikot na sungay tulad ng sa lalaking tupa. Mariing nagninilay gaya ng karaniwan niyang ginagawa sa araw-araw.
"Lumanghap ng sariwang hangin..."
"Isa, dalawa, tatlo, apat, lima..."
"Huminga nang palabas..."
"Blangkuhin ang isipan... blangkuhin ang isipan..."
Pagmumutawi niya sa isip habang itinutuon ang pandinig sa hanging nilalanghap at inilalabas.
Samantala, may limang naglalakihang kawal ng palasyo ang naatasang guwardiyahan ang nilalang; upang protektahan siya sa nakaambang panganib o sa kalabang gusto siyang atakihin kung mayro'n man.
Kasalukuyan nilang pinalibutan ang kinaroroonan niyang gazebo habang tuwid na nakatayo sa pusturang hawak-hawak ang metal na parihabang kalasag at sandatang sa puwitan ay sibat habang maliit na espada naman sa itaas.
Nang hindi nila namamalayang sabay-sabay silang ginagapang ng mga itim na anino.
Ilang segundo ang lumipas nang sabay-sabay silang nawala sa sarili.
"Magaling!" Patagong ngumisi ang itim na babaeng nilalang na nagtatago sa masukal na kagubatan at sinimulan nito ang pag-uutos sa mga kawal, "Ngayon, hulihin n'yo siya."
Sabay-sabay humarap sa gazebo ang mga kawal, sabay-sabay humakbang, at sinimulan ang puwersahang paggamit sa hawak-hawak na mga sibat upang maging sandata laban sa nilalang na may mga sungay ng sa lalaking tupa.
Subalit dahil sa binasbasan ng mga Elder sa Council ng palasyo ang pasilidad, walang sinuman ang makapapasok doon maliban sa nilalang na ngayo'y nasa loob, sa kadahilanang iyon ay ginawa para sa kanyang pagninilay.
Kung kaya bago pa man siya masugatan ay naharangan na sila ng pananggalang na hindi napaglalagusan ng paningin. Lumantad ito matapos subukang pumasok ng mga kawal.
Nanlaki naman bigla ang mga duguang mata ng babaeng anino at inis na sumigaw. "Hindi ito maaari! Wasakin ang pananggalang!!"
At nilakasan nga ng mga kawal ang puwersa sa pagwasak ng pananggalang gamit ang kani-kanilang sibat.
Sa kabilang banda, datapuwa't nanganganib na ang buhay ng nilalang na may mga sungay ng sa lalaking tupa ay hindi pa rin siya nagagambala sa pagninilay-nilay sapagkat nasa malalim na estado na siya ng pagninilay.
At walang makagigising sa kanya liban na lang kung natapos na siya o 'di kaya'y may Habereng tulad niya ang gigising sa kanya. Kaya naman wala siyang muwang sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran.
Hanggang sa may utusang babae—hindi rin pangkaraniwan ang itsura—ang pumasok sa Pook Bulay-Bulay.
May dala-dala itong basket na ang laman ay pagkain niya. Subalit dahil sa pangyayaring tumambad rito, agad nitong nabitawan ang hawak-hawak.
Dahil doon, sumigaw ito nang napakamalakas at animo isang lawin ang may gawa. Isang senyales para ipabatid sa mga nasa palasyo, partikular sa Tandang Nostra, na may nangyayaring hindi maganda sa Pook Bulay-Bulay.
Dinig na dinig ang pumailanlang na tinig sa buong kaharian kaya agad ipinag-utos ng hari sa kapitan ng mga mandirigma na magpunta ngayon sa Pook Bulay-Bulay upang alamin ang nagaganap doon.
Dahil sa naging kutob ng pinuno ng Council, pinangunahan nito ang pagpunta roon sa pamamagitan ng teleportasyon. Laking taranta nito nang makitang nakapasok ang mga kalaban sa kanilang kaharian.
YOU ARE READING
The Sacred
FantasyMayroong nag-iisang bagay na siyang banal at nagkokontrol sa pag-iral ng iba't ibang nilalang sa mundo ng Gertraia, ang Doudeka. Ang Doudeka na siyang puno't dulo ng lahat. Ang Doudeka na siyang gagawin kang Supram. Paano kung mapasa'yo ito? Paan...
