"Peste! Nape-pendejo ako sa mga babosong iyon!" patungkol ko kina Randall at Maxwell 'tsaka ako galit na tumitig sa kung saan.

"Ano na ang iyong plano? Ano na ang mangyayari ngayon?"

"Mananahimik na muna tayo."

"Ano?" nagugulat niyang tanong.

"Makinig ka sa 'kin kahit ngayon lang, Christian."

"Paano si Taylor"

"Kieta el! Mierda!" pinatahimik ko siya, pinipigilan pa rin ang pagtataas ng tinig. "Diyan na mismo tayo napahamak, Christian. Sa kahahanap sa kaniya. Sinabihan na kita noong una pero dahil hindi ka nakikinig sa akin ay nagpatuloy tayo. Ngayong ganito na ang inabot kongayong ganoon na ang galit ng Chairman,"itinuro ko pa kung nasa'n ito, kausap pa rin ang doktor. "Gusto mong magpatuloy pa rin tayo?"

"Oo, dahil iyon ang usapan."

"Hindi naman natin siya kalilimutan. Ang sa akin lang ay mananahimik muna tayo ng ilang araw." Hindi ko na mapigilan ang namumuo kong galit, napakahina ng kaniyang pang-intindi. "Sinabi ko na sa iyo na may tamang oras para diyan, Christian. Ano ang mahirap intindihin doon? Sumubok na tayo, hindi ba? Hindi nga natin siya makita. Hindi naman natin siya pababayaan, ilang beses ko nang sinabi sa iyo."

"Ngunit ang pananatili niya nang matagal sa ibang lugar ang ipinag-aaalala ko."

"Hindi nga natin alam kung saan siya hahanapin ngayon. Kung sa Maxpein pa lang na iyon ay hindi na natin magawang lumusot, paano pa kapag lahat na sila ang nakaharap natin? Dadala-dalawa tayo, Christian. Hindi natin maaasahan si Eerah sa ganito! Kapag nagkahulihan ay bale-wala na ang lahat ng plano! Lalong hindi natin maaasahan ang Chairman. Hindi matalinong pagkilos para sa kaniya itong mga ginagawa natin. Ipapahamak lamang nating pareho ang ating mga sarili. Napahamak na ako at gano'n na rin si Taylor, hindi ko hahayaang pati ikaw at ang iba pa ay mapahamak dito. Hindi mahinang klase ang kalaban natin, Christian, tatlong pamilya sila at iisa tayo. At hindi basta-bastang tao ang mga Moon. Nasisiguro kong may inililihim ang mga iyon at iyon ang una kong gustong alamin ngayon."

"Sino ba ang nagsabing idamay natin ang ibang pamilya? Ang mga Enrile lang naman ang nasa plano, kayo itong nagdamay ng iba."

"Dahil humaharang nga sila! Ano ba ang nangyayari diyan sa utak mo? Baka kailangan mo na ring magpaopera, pumupurol ka nang masyado."

"Mierda!" singhal niya 'tsaka nasabunutan ang sariling buhok. "Pinupuno lamang nila ng galit ang dibdib ko, Cargosin! Huwag nila akong sisisihin kapag may nagawa akong hindi maganda. Handa akong ipaglaban ang pamilyang ito, lalo na kayong mga kapatid ko!"

"Babaan mo iyang boses mo, paparating na ang Chairman,"mahinang asik ko.

"Uuwi na tayo," ani Chairman.

Inalalayan nila ako papalabas ng magarang bahay na iyon ng doktor na nahanap ni Christian. Inabot kami ng halos anim na oras sa pananatili ro'n. Kaya hindi na kataka-takang madilim na nang bumiyahe kami. Hindi pa rin mawala ang sakit sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay bumubuka pa rin iyon at may kung anong nakatusok.

Sa daan ay naalala ko ang pangyayaring iyon sa pagitan namin ng babaeng Moon, si Maxpein. Nanlisik ang mga mata ko at mayamaya ay napangisi. Hindi ko talaga maiwasang hangaan ang mga kilos niya ngunit iyon din ang dahilan ng galit ko.

May kakaibang kakayahan siyang hindi ko magawang tumbasan. Iyong planong ilang buwan naming binuo at pinaghandaan ay para bang ilang minuto niya lang pinag-aaralan. Sa paraan niya ng pananalita ay nagagawa niyang pagmukhaing tanga ang kausap. At talagang nagagalit ako dahil sa mga katangian niyang iyon. Pero ang mas ikinagagalit ko pa ay hindi ko maiwasang humanga sa kaniya.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon