Ang kaseryosohan niya at tila naramdaman ng mga tao sa paligid. Nawala na ang mga tumatawa. Ang mga nagdadaan at mga nakatambay ay nag-iwas na sa akin ng tingin. Para akong invisible na hindi nakikita ng mga ito. 


Maski ang tropahan ni Isaiah na kanina'y nang-aasar ay tahimik na rin. Patay-malisya na sina Asher at Miko na ni hindi na tumitingin sa amin.


Seryoso ang mukha ni Isaiah, hindi siya nakasimangot, hindi rin nakangiti. Hindi niya pa rin binibitiwan ang bewang ko hanggang sa makatayo na ako nang diretso.


"Nasaan ang masakit?" tanong niya sa mababang tono.


Umiling ako bilang sagot sa kanya.


Binitiwan niya na ako sa bewang pero lumipat ang pagkakahawak ng mainit na kamay niya sa aking pulso. Nagtataka ang aking mga mata sa kanya pero hindi niya iyon pinansin.


Inalalayan niya ako na maglakad. Nanliliit ako sa hiya kaya yumuko na lang ako. Kahit gusto kong sabihin sa kanya na iwan niya na ako dahil kaya ko na, wala namang salita na lumalabas sa bibig ko. Tila ba nalulon ko na sa hiya ang aking dila.


Nang humakbang si Isaiah ay humakbang na rin ako. Marahan ang mga hakbang niya na para bang kaunting pagkakamali lang ay mangungudngod ako sa lapag. Akala mo ay isa akong pilay na inaalalayan niyang maglakad.


Ang isang kamay ni Isaiah ay naramdaman ko na magaang humawak sa aking balikat. Napapitlag ako sa gulat, bagaman kataka-taka na hindi ako nagtangka na umiwas at manulak.


Narinig ko siyang nagsalita. Dahil halos akbay-akbay niya na ako ay nakadikit na aking mukha sa kanyang makinis na leeg. Naramdaman ko ang mainit at mabango niyang hininga ng naghahalong amoy Coke na softdrinks at candy na ang flavor ay mint.


"Masakit pa?"


Hindi ko makuhang sagutin ang tanong niya dahil ang mag nadadaanan naming estudyante ay grabe makatingin.


"Sila na?"


Nadaanan din namin ang dati kong kaklase at kaibigan na si Rosethel. Nagkorteng bilog ang bibig nito sa pagkakanganga at tumalim sa akin ang mga mata.


Dadaan sa room nina Isaiah bago makarating sa room ko. Ang mga kaklase niya ay napasipol nang makita kami.


Akala ko ay bibitiwan na ako ni Isaiah pagdating sa room ko pero hindi niya ako binitiwan. Hanggang sa loob ay inihatid niya ako. Hanggang sa makaupo ako sa aking upuan ay hindi niya pa rin ako iniwan.


Nakiusyoso ang karamihan kung bakit pumasok dito si Isaiah samantalang hindi naman niya ito room. Nagsimula na rin kaming tuksuhin ng mga kaklase ko. 


May bumabati sa kanya ng 'Hi, Isaiah!' Kilalang-kilala talaga siya kahit sa ibang room. 

Nakaupo ako at nakayuko habang si Isaiah ay nasa harapan ko. "Vi, 'wag ka nang lalabas, ha?"

South Boys #3: Serial CharmerWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu