Hindi na ako umimik pa. Wala na akong enerhiya kahit magbuka pa ng aking bibig. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata.

💀💀💀

“Yca? Yca?” Narinig ko nang mahina ang aking pangalan.

Marahan kong ibinuka ko ang aking mga mata. Medyo malabo pa ang nakikita ko at napansin kong si Xander ang pumukaw sa akin. Umupo ako nang maayos at iginala ko ang aking mga mata sa labas ng kotse. Nakita kong nasa harap pala kami ng ospital. Ramdam ko ang pagkunot ng noo ko dahil doon.

“Ano’ng ginagawa natin dito, Xander?” tanong ko sa kaniya.

“Kailangan mong magpatingin sa doktor. Nakalimutan mo bang nakita kita sa banyo na nakahandusay? At kanina? Nanghihina ka, Yca. Siguro nabinat ka. Kalalabas mo lang kahapon, mahal.”

Alam kong nanghihina ako pero dahil iyon sa stress. Anxiety lang siguro ito kaya ayoko nang magpatingin sa doktor.

Nginitian ko siya. “Huwag na, mahal. I’m definitely fine.”

“No, ’wag matigas ang ulo, Yca,” asik niya.

I rolled my eyes. Kapag ganito kasi ang eksena namin ay palaging siya ang nananalo.

Lumabas siya ng kotse at pinagbuksan niya ako ng pinto. Wala akong nagawa kundi sundin na lamang ang kagustuhan ng aking asawa. Nakahalukipkip akong lumabas at naka-ismid sa asawa kong pinagbuksan ako ng pinto. Kaagad niyang hinawakan ang aking kanang kamay at sabay na kaming pumasok sa loob.

Nagtungo agad kami sa information desk at narinig kong nagtanong na si Alexander kung saang floor puwedeng ipa-check ako. Pinabayaan ko lamang siya at sumunod lang sa kaniya. Maya-maya ay biglang sumakit ang ulo ko at naduduwal na ako.

Hindi ako nakapagpaalam kay Xander at dumeretso agad ako sa banyo.

****

Tahimik kaming nakaupo sa kotse habang umaandar ang sasakyan. Hindi ko kung alam ano ang magiging reaksiyon ko sa sinabi ng doktor kanina. Sa gilid ng bintanang sarado lang ako nakatanaw. Ang mga patak ng ulan ang nagpapalabo sa salamin ng kotse sabay sa panlulumo ko.

“Mahal, okay ka lang?” biglang pagputol ni Alexander sa katahimikan.

Hindi ko magawang sagutin ang tanong niya. Hindi pa rin mawala sa isipan ko si Mochel at may dumagdag pa.

Ang sabi ng doktor ay bawal daw akong ma-stress. Ngunit paano ko gagawin iyon kung may multong gumagambala sa akin? At nalaman ko pang kapatid ko pala. Naghahanap yata siya ng hustisya at ako lang ang makakatulong sa kaniya. Pero paano ko gagawin iyon kung may dinadala ako ngayon?

“Pagkauwi natin, magpahinga ka kaagad, ha? Iyan ang sabi ng doktor. Hindi ka puwedeng ma-stress dahil sa kalagayan mo.”

Dahil sa narinig ay nagpakawala ako ng buntonghininga. I was out of words. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin o isasagot sa asawa ko.

“Hindi ka ba natutuwang buntis ka, Jessica?” maawtoridad niyang tanong sa akin. Nag-iiba talaga palagi ang mood niya. Naiintindihan ko naman pero ayaw ko siyang patulan. Paano ko naman sasabihin sa kaniya ang tungkol sa kakambal ko, hindi ba?

Nakita niya siguro sa passenger mirror ang aking mukha na malungkot. Inayos ko uli ang aking sarili at marahang ngumiti upang makita niya sa salamin na masaya ako. “Ano ba iyang pinagsasasabi mo riyan? Siyempre, natutuwa akong mabuntis,” sagot ko sa kaniya.

Dahil sa sagot ko ay hindi na muling nagsalita si Alexander. Siguro ay galit na talaga siya sa akin. Pero wala akong pakialam. Isa lang ang gusto ko ngayon: ang matahimik ang kapatid ko.

𝕮𝖔𝖚𝖍 𝕸𝖔𝖈𝖍 (PUBLISHED) Место, где живут истории. Откройте их для себя