Nilingon ko siya. Bakit ba hindi pa siya umaalis? May sasakyan naman siya at wala pang five minutes mababasa ng ulan kung tatakbuhin niya kung nasaan ang kotse niya. Unless super sensitive niya na kahit kaunting ulan ay ayaw niyang dumampi sa kaniya.

"Nalimutan kong ibalik," sabi ko at simpleng inabot sa kaniya ang cap pagkatapos ipagpag 'yon at ayusin ang kaunting crease galing sa pagkakatago sa bag.

Bumaba ang tingin niya roon. Mukhang nag-alangan pa siyang kuhanin 'yon. "Thanks."

Niyakap ko ang backpack kong nakasabit sa harap ko. Tsk, parang dumilim pa nga lalo ang langit. Nananadya? Parang kinukulong ako rito ng ulan sa building kasama ni Deion e.

"Umuulan. Sabay na kita."

Umiling ako.

"Parang hindi pa titigi—"

"Ayoko," pagve-verbalize ko sa iling ko kanina. Baka kasi hindi niya naintindihan na no 'yung iling ko kanina. "Umuwi ka na. 'Wag mo 'kong hintayin. Di ako sasabay sa 'yo."

Parang lahat ng angels at devils sa isip ko, sabay-sabay na nag-wow. Huh. Kaya ko naman palang tumanggi sa tukso. Ngayon ko lang na-discover 'yon.

Tinatagan ko ang loob at pinako ang tingin sa metal signage na naliligo sa ulan sa gitna ng daan. Kahit ina-attempt pa ni Deion na tunawin ako ng titig niya mula sa gilid ko, di ako nagpatinag. Alam kong 'pag sinalubong at nilabanan ko ang titig niya, ako ang talo. Lalambot ako e. Baka masayang 'yung pagtanggi ko sa kaniya kani-kanina lang.

Nasira lang ang pakikipagtitigan ko sa metal signage nang may kamay na dumaan sa line of vision ko. Akala ko nga kay Deion, pero nang ma-realize na sa kabilang gilid ko 'yon galing ay saka ako natauhan at napaisod sa tabi. Nakaharang ba ako sa daan?

"Billie?" Inangat ko ang tingin sa pamilyar na boses.

Kumunot ang noo ko kay Luke.  "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko.

Pinakita niya ang payong na hawak niya. "Pinabibigay ni Joseph kay Jerica, baka raw di pa nakakauwi," aniya at pinakita ang foldable umbrella sa kanang kamay niya. Sa kaliwa niya ay isang basang payong, gamit niya siguro papunta rito sa building namin.

Kinuha ko sa kaniya nang basta-basta ang foldable na payong. "Grabe, kay Je lang? Paano naman ako? Sabihin mo kay Jo na tinanong ko 'yon ha." Tinawanan lang niya ako. "Kanina pa nakauwi si Je, hindi pa umuulan."

Binuksan ko ang payong. Napangiti ako nang ma-realize na nag-pay off 'yung pagiging matatag ko kanina. See? Mahal pa rin ako ng kung sinomang nagwa-watch over me.

Bumaling ako sa hulog ng langit na si Luke. "Pero ako, wala akong payong. Kuhanin ko na 'to, a?"

Tumango siya at nginitian din ako. "Sige, ingat a? Balik pa ako ng lib."

Kinawayan ko siya bago sumuong sa ulan. Hindi ko na pinansin ang sneakers kong natitilamsikan ng tubig-ulan, gaya ng hindi ko pagpansin sa personified hangin na iniwan ko sa building.

Naligo agad ako pag-uwi at nilabhan ang sapatos. Pagkatapos, tumabi ako kay Je na nagkakape sa lapag ng kuwarto namin. "Ano 'yan?" tanong ko.

"Outline sa Arts," sagot niya, nasa laptop screen ang tingin. "Nagri-ring 'yung phone mo kanina, di ko sinagot."

"E?" Tumayo ako at kinuha ang phone kong nasa tabi ng unan ko, baka kasi si Daddy ang tumawag tungkol sa birthday ko. Nang makitang galing kay Deion ang tatlong missed calls ay hindi ko na lang 'yon pinansin.

Pumunta ang tingin ko sa upper part ng screen nang may lumabas ng message notification do'n.

Deion: Nakauwi ka na?

Hatemate Part Two (Lovestruck Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon