Peke na tumawa si Lyn. "Pasensya na, sir... Nadala lang po ako kanina. Akala ko kasi continuation na." Nag peace-sign pa ito.

Tumango lang si Alex. "Naiintindihan ko, pero pakiusap ko... na seryoso ang bagay na gusto kong sabihin sa iyo." Mahahalata ang kaseryosohan sa boses ni Alex, walang panahon sa biruan na ginagawa ni Lyn. "Kung ayos lamang iyon sa iyo, medyo maggagabi na rin kasi." Saglit pa na tumingin sa paligid si Alex, hindi pa naman ganoong madilim.

Nakangiti naman na umiling si Lyn. "Hindi naman po, sir. Ayos lang sa akin." Tunog kinukumbinsi ni Lyn si Alex, medyo halata kasi ang pag-aalangan pa ni Alex na makaabala kay Lyn. Intensyon lamang naman niyang makausap iyon. Pero kung hindi man maaari ngayon, pwede naman iyon ilipat sa ibang araw.

Ngunit napapayag iyon ni Lyn kaya naman muling inimbitahan ni Alex si Lyn sa loob at pinili niyang sa sala na lang sila mag-usap na dalawa.

"Ano po ba iyon, sir?" Panimula ni Lyn, nakaupo ang ito sa pang-isahan na sofa. Si Alex naman ay sa tapat niyang sofa na pangmaramihan.

"Uhm... tungkol sa nabanggit mo kanina," Nag-aalangan naman na tugon ni Alex, tinatantya pa ang makukuha niyang reaksyon mula kay Lyn. Pero nang makita niya ang reaksyon ni Lyn, na parang wala naman ito kay Lyn. Parang pinaparating na hindi na siya nagulat na posibleng iyon ang sabihin ni Alex sa kanya.

Tumango lamang si Lyn, senyales na ipagpatuloy lang ni Alex ang sinasabi. "Iyon ang isang bagay na pinagtatalunan namin ni Kelly, kaya ganoon na lang iyong nangyari sa kanya." Pag-amin ni Alex. "Hindi ko naman kasi alam na may takot pala siyang ipaalaga iyong anak niya, pinaliwanag din niya sa akin na kaya siya pumayag kahit may puwang sa puso niya ang pagpayag, ginawa pa rin niya dahil gusto niyang makapagtrabaho..." Tahimik lamang na nakikinig si Lyn, hinahayaan na ipaliwanag sa kanya iyon ni Alex. "Matagal na kami rito, eh. Hindi talaga kami rito lumaki, pero dahil sa pagsubok ng pagkakataon... kaya kami nanditong dalawa, sinamahan ko siya." Tila naalala ni Alex, iyong tunay na dahilan kung bakit nga ba sila napunta sa ganitong sitwasyon. "Isa pang dahilan ni Kelly, na alam ko sa sarili kong hindi ko tanggap... iyong sobrang laki na raw ng utang na loob niya sa akin at ayaw na niyang madagdagan iyon."

Hindi lubos matanggap ni Alex sa sarili na sa kabila ng mga ginagawa niya para kay Kelly, ganoon na pala kung paano isipin ni Kelly ang tungkol sa bagay na iyon. Kung gaano na kalaki ang utang na loob niya. Para naman kasi kay Alex, hindi naman kailangan na ganoon ang maging mindset ni Kelly dahil lahat naman iyon kusang loob niyang ginagawa, hindi pinilit o pinagbantaan para lang gawin niya.

Tipid naman na ngumiti si Lyn. "Naiintindihan ko naman po sir ang gustong iparating ni Ma'am Kelly. Kung ayaw niyo naman na po, maaari na akong umalis."

Huminga ng malalim si Alex. "Ganito kasi ang gusto kong mangyari... sabihin na natin na ako nga ang kumuha sa iyo, pero hindi ibig sabihin noon na ako lang ang may karapatan na alisin ka. Sa pagdedesisyon tungkol diyan, kailangan ko pa rin ang opinyon ni Kelly." Paliwanag ni Alex, nakatanggap naman siya ng pagtango mula kay Lyn. "Kaya naiisip ko na standby ka muna, kung ano man ang magiging desisyon niya, iyon ang gagawin natin. Dibale, tatawagan na lamang kita."

Tumango-tango naman si Lyn, litaw ang kanyang pagsang-ayon sa ideya na iyon. "Sige, sir. Wala naman pong problema sa akin."

"Pasensya ka na talaga. Simula kasi nang maipanganak niya si Riri, hindi na mapaghihiwalay ang dalawa. Sadyang sinubok lang ng pagkakataon, tulad ng sinabi ko kanina kaya kailangan namin na kumuha ng mag-aalaga at ikaw lang ang pinakauna. Siguro, hindi lang talaga siya sanay. Idagdag mo pang bago lang sa kanya ang ideya, isang linggo pa lang din naman, eh." Dagdag pa ni Alex.

"Ay nako po, sir!" Natatawa pang wika ni Lyn, pinapagaan ang pag-uusap nila. "Hindi ko naman po masisisi si Ma'am Kelly, siya ang nanay ng bata. Kung ako rin ang nasa sitwasyon niya, baka ganoon din po ang maging reaksyon ko, sadyang kailangang lang isakripisyo dahil sa sitwasyon at pangangailangan talaga."

Hindi maiwasan na mapangiti ni Alex. "Salamat Lyn, kasi naiintindihan mo..."

*End of Flashback*

NAALIMPUNGATAN si Kelly dahil sa ingay na naririnig niya mula sa ibaba. Nang mapagtanto niyang boses ng kanyang anak ang naririnig na sumisigaw, at kasabay pa noon ang pag-iyak ni Riri. Hindi na nagdalawang-isip pa si Kelly at lumabas na agad ng kanyang kwarto.

Sa hagdan pa lang tanaw na niya ang anak na umiiyak. Nakatayo lang sa dulo ng hagdan, nagpipigil na pilitin ang sarili na umakyat dahil alam niyang mapapagalitan siya kung mag-isa lamang niyang gawin iyon.

Nataranta si Kelly nang makita na ganoon ang sitwasyon ng kanyang anak, mabilis siyang bumaba ng hagdan para makausap iyon kung ano ang nangyayari.

"A-Anak, ano iyon? A-Anong nangyari?" Nag-aalala niyang tanong nang makalapit na sa anak. Nakaupo siya sa hagdan para matapatan ang tingin ng anak. Maingat niya iyon na hinila papalapit sa kanya, at pinunasan ang luha nito gamit ang likod ng kanyang palad.

Yumakap naman ang anak, at sinubsob ang kanyang sarili sa katawan ng kanyang nanay. "Y-Yaya ko, nanay... Wala na po." Muling napahagulgol si Riri nang sabihin niya iyon.

Hindi kaagad nag sink in kay Kelly ang sinabi ng kanyang anak, hindi malinaw sa kanya ang gustong iparating ni Riri. Dinungaw niya si Riri para matanong iyon nang maayos. "Anong ibig mong sabihin, anak?"

"Tanggal trabaho ni tata po." Sumbong ng kanyang anak. Dumako naman ang tingin niya kay Alex na napailing na lang sa narinig.

Ako pa ang masama ngayon? Bakit parang kasalanan ko pa?

Naguguluhan na tumingin si Kelly kay Alex, nagtatanong kung ano ang nangyari. Kung paanong ganoon ang nangyari. Pero wala siyang natanggap na sagot o kahit reaksyon man lang mula kay Alex, nanatiling blangko ang tingin nito.

Maingat na hiniwalay ni Kelly ang anak na nakasandal sa kanyang bisig, at tiningnan iyon sa mata. "Kakausapin ko lang si tata mo, ha. Dito ka lang muna," Bilin niya. Masunurin naman na tumango ang anak at naupo na lang sa may dulo ng hagdan.

Sinenyasan ni Kelly si Alex na sa kusina silang dalawa mag-usap, nakuha naman agad iyon ni Alex at nauna nang tinungo ang kusina.

"Tinanggal mo?" Nakakunot noo na bungad ni Kelly, halata pa rin sa reaksyon niya ang pagtataka.

Napahilamos na lang sa mukha si Alex. Napailing pa, hindi makapaniwala na tiningnan si Kelly. Para bang pinaparating na kasalanan pa niya? "Hindi ko siya tinanggal, sinabihan ko lang sa maayos na paraan. Sinabi ko rin na tatawagan ko na lang siya, depende sa magiging desisyon mo." Depensa ni Alex.

"Kung ganoon naman pala ang sinabi mo, bakit hindi iyon ang sinabi mo sa anak ko? Bakit kailangan na sabihin mong tinanggal mo na?!" Balik naman na sagot ni Kelly, medyo napataas pa ang kanyang boses.

"Kasi alam kong darating tayo sa puntong iyon, Kelly." May kumpyansa na tugon ni Alex. "At huwag mo akong kausapin na parang ako pa ang mali sa ating dalawa! Huwag mong sabihin na hindi iyon ang gusto mong mangyari?" Sumbat pa ni Alex, tinaasan pa niya ng kilay si Kelly. Nanunubok ang kanyang tingin.

Napaiwas ng tingin si Kelly. Sa pagkakataon na iyon hindi niya maharap si Alex. Kahit saang anggulo tingnan, hindi niya maitatanggi na may punto si Alex sa sinusumbat sa kanya. Litaw ang kagustuhan niyang paalisin ang yaya ng kanyang anak. Ngunit, sadyang nagtatalo ang kanyang isipan dahil sa sitwasyon na mayroon sila.

Kung tutuusin kasi kahit anong pilit niyang gawin ang gusto niyang mangyari na dalhin na lang ang anak sa trabaho, malabo pa rin iyon dahil alam niyang hindi lang siya ang mahihirapan. Ang anak din lamang niya, dahil ang bata ang mag-aadjust sa sitwasyon nilang dalawa kung iyon man ang ipagpipilitan niya.

Nagawa muling magsalita ni Alex nang wala siyang marinig kay Kelly na sagot man lang. "Ginagawa ko lang naman ang mga bagay na pabor sa iyo. Dahil sa una pa lang naman ayaw kong nakikita kang nahihirapan. Wala lang din naman kasi kung dinala kita rito para hindi ka mahirapan pero ganoon lang din pala, edi sana hindi ka na lang lumayo!" Sigaw ni Alex, marahas siyang napabuga sa hangin.

Umagang-umaga, pagtatalo agad ang kanilang almusal na dalawa.

Ngunit, halos matigilan sila sa narinig mula sa likuran nilang dalawa. Hindi man lang nila pareho namalayan na sumulpot na pala siya.

"I-Ikaw nagpatanggal po, nanay?"

Itutuloy...

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOYWhere stories live. Discover now