KABANATA 1: Kasunduan

36.5K 677 428
                                    

Ryannel Guevarra

Nakasaklob ang dalawa kong kamay sa aking mukha at pilit na nilalabanan ang pagkasuklam. Bahagya akong napaigtad nung makarinig nang sunod-sunod na katok sa labas ng aking silid. Humugot ako nang malalim na hininga bago tumayo at buksan ang pinto.





"Anak, maari ba kitang makausap?" sambit ng aking ina habang hawak ang bandeha na may baso ng gatas.






Pinihit ko ang hawakan ng pinto habang taimtim na nakatingin sa kanyang mga mata. Hindi naglaon ay binigyan ko siya nang matamis na ngiti bago tuluyang papasukin sa aking silid. Matapos niyang ilapag ang dala niyang inumin sa aking lamesa ay pinasadahan niya ng tingin ang mga papeles roon.






Tumikhim ako upang kuhanin ang kanyang atensyon. "Ano pong sadya niyo rito, ina?"






"Nais lang kitang kamustahin, anak. Balita ko'y abala ka sa katipunan dahil sa mga gawain sa pamahalaan," saad niya bago umupo sa gilid ng aking higaan.






Umupo naman ako sa tabi niya. "Maayos naman po ako, ina. Alam niyo naman pong wala akong ibang nais kung hindi ang protektahan ang ating mga kababayan."






Kaagad tumulo ang aking luha matapos niya akong ikulong sa kanyang braso at bigyan nang mahigpit na yakap. Lumaki akong sabik sa pagmamahal ng aking mga magulang. Ang aking ama na si Marcelo Guevarra ay pumanaw ng makipaglaban ito sa mga kastila, tatlong taon na ang nakalipas. Ang aking ina naman na si Florencia Guevarra na siyang yakap ko ngayon ay nananatiling matatag sa kabila ng sakit niya sa puso. Marahil ay mas lumala iyon nang sumakabilang buhay ang aking ama.






Simula nung pumanaw ang aking ama ay kinailangan kong akuin ang kanyang posisyon bilang heneral ng San Fernando, dahil iyon rin ang kahilingan ng aming mga kababayan. Lumaki akong pinaliligiran ng mabuting mga tao. Ang aking ama't ina ay tumutulong sa lahat nang walang hinihinging kapalit, at ang busilak nilang puso ang nag-udyok sa mga mamamayan na pamunuan sila ng aming pamilya.






"Nagkukulong pa rin ang iyong kapatid sa kanyang silid, at lalabas lamang kapag malalim na ang gabi para kumain," sagot ni ina nang tanungin ko ang kalagayan ni Stella- ang kaisa-isa kong kapatid.





Si Stella Guevarra ay mas bata sa akin ng apat na taon. Sa aming dalawa ay higit na mas matapang siya. Lahat ay kaya niyang kalabanin maliban sa aking ina kaya't hindi siya tumutol nang malaman niyang kailangan siyang ipakasal sa isang espanyol kapalit ng kapayapaan sa dalawang nasyon. Si Heneral Javier Vicencio ay ang punong heneral mula sa Espanya na siyang ipapakasal sa aking kapatid. Hindi nila kilala ang isa't-isa kaya't hindi ko mawari kung ano ang nag-udyok dito na hingin ang kamay ng aking nakababatang kapatid.





Nang tumutok ang maliit na kamay ng orasan sa pang-sampung numero ay agad akong lumakad papunta sa silid ni Stella. Labis akong nag-aalala sa kanya kaya't hindi ko palalagpasin ang gabi na ito nang hindi ko siya nasisilayan. Idinikit ko ang aking tenga sa pintuan ng kanyang silid at nang wala akong marinig na kahit ano, ay umupo na lamang ako sa harap ng kanyang silid.






"Kuya?" nagising ako sa pagkakahimbing nung marinig ang boses ni Stella kasabay ng pagtapik niya sa aking balikat.





Kinusot ko ang aking mga mata. "Mabuti naman at nakita kita, Stella. Hindi ako makatulog nang maayos sa kakaisip tungkol sa iyo. Kumusta ka?"





Bago niya pa isara ang kanyang pinto at umupo sa tabi ko ay hindi nakatakas sa aking mga mata ang magulo niyang silid. Labis akong nangamba nang mapansin ang lubid na nakatali sa itaas at ang upuan sa ilalim nito.





Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon