Sa Bakuran ni Tadhana

58 1 0
                                    

Sa Bakuran ni Tadhana

Sa bakuran ni Tadhana doon ko nakilala si Pag-ibig.
Tinuruan niya ako kung paano ang magmahal.
Pinaramdam niya sa akin kung paano ang mahalin.

Sa bakuran ni Tadhana ay naging magkalaro kami ni Pag-ibig.
Madalas naming laruin ang habol-habulan.
Kung minsan siya ang taya pero madalas ay ako.
Palagi ko siyang hinahabol ngunit palagi rin akong bigo na siya'y maabutan.

Tila ba langit at lupa ang distansya sa pagitan naming dalawa.
Kaya't napagod ako.
Sabi ko ibahin namin ang laro.

At pumayag naman siya.
Sabi niya tago-taguan na lang na siyang aking sinangayunan.
Tago-taguan maliwanag ang buwan wala sa harap at wala sa likod pagbilang ko ng sampo nakatago na kayo.
Isa,dalawa,tatlo ramdam mo ba ang pintig nitong puso?

Apat,lima,anim aaminin na ba ang pagtingin?
Pito,walo,siyam pareho na ba tayo ng nararamdam?
Sampo.
Sampong hakbang na lang at matatagpuan na rin kita pero teka,
Teka,bakit may iba kang kasama?

Sa bakuran ni tadhana naranasan ko ang sumaya.
Pero binalot rin ako ng lumbay.
Napagtanto ko na ang buhay ay hindi palaging maaraw.

Kung minsan magugulat ka na lang sa malakas na buhos ng ulan.
Kaya kahit gusto ko pang maglaro kami ay hindi maaari.
Madulas na ang bakuran at puno na ng putik ang damuhan.

Gusto ko ulit sumaya at makapaglaro sa bakuran ni tadhana.
Pero mailap si haring Araw.
Kaya't palagi na lang akong giniginaw sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.

Nilukob ako ng lumbay,hindi ko na muli pang nasilayan si Ligaya.
Si Lungkot na lang ang palagi kong kasama.
Palagi akong nakatingin sa labas ng bintana.

Napapaisip kung kailan kaya titila ang ulan?
Kailan kaya magiging maaliwalas ang buong kapaligiran?
Nangungulila na ako kay pag-ibig.

Gusto ko na siyang masilayan.
Hanggang sa nagising ako.
Tumila na ang ulan,tuyo na ang bakuran
Berde na ulit ang damuhan.

Namumukadkad na ulit ang mga bulaklak.
At marahang sumasayaw ang mga puno dahil sa hinehele sila sa banayad na haplos ni hangin.
Bahaghari ay malinaw ko ng natatanaw.

Sa wakas makikita ko na ulit si pag-ibig!
Sa wakas makakapaglaro na rin kami.
Handa na ako na muling masugatan.

Handa na ako na habang buhay na maging taya.
Handa na ako na muling madapa.
Handa na ako na muli siyang habulin at hanapin.

Kahit madaya si tadhana pipilitin ko pa rin na madaig siya at manalo kay pag-ibig.
Handa na ako!
Handa na ako sa panibagong laro.

LagaslasWhere stories live. Discover now