Para sa Ilan sa Aking mga Mambabasa

435 68 4
                                    

2010.
Kakuwentuhan ko ang dalawang kaibigan habang kumakain sa McDo, kampanteng ipinapaliwanag kung bakit hindi si Noynoy ang iboboto ko. Nakatulala lang sila sa akin, hindi ngumunguya. Si Noynoy pala ang kandidato nila, at para lang akong alien na may lenggwaheng hindi nila nauunawaan. Nanalo si Noynoy. Ilang linggo akong nagluksa at nilangaw ng mga tanong na "bakit?" Parang alien na may ibang utak ang mga Pilipino na hindi ko maunawaan. Natutuhan ko rin itong tanggapin kalaunan, pero saksi ang social media sa mga piyok ko tuwing may kakulangan ang bagong administrasyon, tulad ng karaniwang netizen. Ganoon naman ako kahit noong panahon pa ni Arroyo, ni Erap, at maging ni Ramos kung kailan dyaryo ang hingahan ng opinyon ng mga mamamayan dahil wala pang internet. At bakit hindi? Saklaw ito ng freedom of expression, sabi nga ni Duterte. At alam ito ng lahat ng Pilipino noon na malaya ring nakakapagpahayag ng saloobin sa paano mang paraan nila gustuhin.

2016.
Tinimbang ko ang mga presidentiable: Mayroong 5 ang merits, 5 ang demerits. Mayroong 4 ang advantages, 4 ang disadvantages. Mayroong 3 ang strengths, 3 ang weaknesses. Mayroong 2 ang assets, 2 ang liabilities. Mayroong isang katangian lang ang positibo, pero isa lang din ang katangiang negatibo. More or less. Halos pantay-pantay lang lahat para sakin, walang pulling away. Bahala na sino man ang manalo. Toss coin. Pero bakit hindi ako nagdesisyon na iboto ang ibinoto mo?

Siguro dahil hindi ko gusto ang "us vs. them" na pagtrato nya sa Metro Manila sa mga kampanya. Dinimonize (demonize) nya ang mga taga-Maynila dahil tayo lang daw lagi ang inaalagaan ng gobyerno. Sabihin mang totoo, paano mo pamumunuan ang bayan sa bungad na kaaway mo ang ilang bahagi nito? Anong klaseng kampanya 'yon? Pag-iisahin mo ang bayan, hindi mo gagatungan ang tampuhan. "Good morning, class. I am your new teacher. Yari sakin ang mga nasa row 1 dahil sila na lang lagi ang bida. Yes, I am taking it against you, mga buang na laging paborito sa klase!"

Siguro hindi ko sya ibinoto dahil masyadong weird para sakin yung pagpunas muna ng bimpo sa sarili bago ihagis sa mga tao noong panahon ng kampanya. Babaw ko, 'no? Siguro. Pero ida-drop ko rin kasi ang subject kung ganito ang prof ko. Lilipat ako ng ibang misa kung ganito ang pari. Pagdududahan ko ang katinuan ng boss ko sa trabaho. Mababahala ako kung ganito ang tatay ng nililigawan ko. Mababatukan ko kung kabarkada ko ang gumawa nito sakin. At masisipa ko kung hindi ko katropa. Hindi ko makitaan ng pagkakataon kung kailan katanggap-tanggap o normal ang ganitong gawi. Malakas ang alarma na nagsasabing "Sandali, sandali . . . parang may mali!"

Siguro hindi ko sya ibinoto dahil sa supporters na nang-harass sa isang rockstar matapos bawiin ni rockstar ang suporta sa kandidato para pag-isipan daw munang mabuti ang iboboto. Bawal mag-isip?! Sa home TV shopping may 30 day money back guarantee bilang katibayan ng kompiyansa ng tindero sa produkto: "Subukan mo at pag-isipan mo hanggang gusto mo." Dahil ano nga ba ang tawag sa negosyador o negosyante na umaasa sa mabilisang transaksiyon at limitadong pagkilatis sa produkto? Anong klaseng sibilisasyon ang humahadlang sa edukasyon, tamang impormasyon, wastong pag-iisip, at sapat na pagsusuri?

Mababaw pa rin? Mababaw lang yata talaga akong botante. Kaya nga ayos lang din sakin nang nanalo ang ibinoto mo. Sabi ko nga, may kanya-kanya naman silang lakas. Tapang at political will? Mataas ang punto nito sakin. Ito lagi ang hinahanap ko sa mga kandidatong ibinoboto ko sa pagkapangulo. Kailangan ito ng Pilipinas. Kailangan natin ng matapang na susugpo sa problema natin sa droga at haharap sa China; magpapatupad ng kaayusan sa mga tao, tindero, at sasakyan sa kalye; sisipa sa mga inutil at magkukulong sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno; puputol sa sungay ng mga abusado at didisiplina sa mga pasaway na mamamayan; at buong-loob na makikipagbungguan sa lahat ng mga makapangyarihan na iniwasan ng mga nagdaang administrasyon. Political will. Amen. "Fine" city tulad ng Singapore na may multa para sa bawat kawalan ng disiplina ng mga tao? Yes, please! Aprub. Hindi na ko makikipagtalo kung alin sa mga ito na resulta dapat ng political will ang nakamit natin ngayon.

Para sa ilan sa aking mga mambabasaWhere stories live. Discover now