Kasalukuyan silang nag-uumagahan nang marinig nila ang sigaw na iyon, mula sa labas ng bahay. Natigil silang dalawa sa pagkain, kahit ang anak nila ay napatigil at napatingin din sa kanilang dalawa.

Sumenyas si Alex kay Kelly na siya na ang lalabas, tumango lang si Kelly bilang pagsang-ayon. At sinenyasan ang anak na ituloy na ang pagkain.

Nang makalabas si Alex, naibsan ang kaba sa kanyang loob nang makita kung sino ang tumatawag.

"Aling Ada, kayo po pala. Bakit naman po kailangan na sumigaw pa?" Hindi niya maiwasan na punahin, talagang pinakaba siya nang ginawa ng ale.

Sa nakalipas na taon nila na pamamalagi, parang iyong tuwing may kakatok o maghahanap sa kanila ang tanging nagbibigay ng takot sa kanila sa bawat araw na hinaharap nila. Alam naman nilang hindi maiiwasan iyon, pero sadyang iba ang pakiramdam nila kapag ganoon ang nangyayari. Ibang kaba ang binibigay.

"Ay pasensya ka na, hijo... Talagang tinakbo ko papunta rito. Nandoon kasi ako sa may kanto, at narinig kong hinahanap ka. 'Di ba sabi mo pa naman, hindi pwedeng may makaalam na nandito kayo." Halos habol ang hininga na paliwanag ni Aling Ada.

Sa narinig ni Alex na sinabi ni Aling Ada, ilang beses siyang napalunok. Parang tumaas lahat ng balahibo niya dahil sa biglang kaba na nararamdaman niya.

"K-Kaya niyo po bang ibahagi sa akin kung anong itsura niya?"

"Lalaki ba ang iniiwasan niyong makahanap sa inyo?" Pag-iba naman ng tanong ni Aling Ada.

Tumango naman si Alex. "Opo, lalaki nga."

Bigla namang nagbago ang ekspresyon ng ale, parang sa puntong iyon napawi lahat ng kabang naramdaman niya dahil sa pag-aakalang ang tinutukoy niyang naghahanap ay iyong mismong tinataguan na nila Alex at Kelly. "Babae iyon, eh. May edad na rin. Mas bata lang siguro sa akin ng kaunti, maputi ang kutis, ang buhok niya ganito na rin sa akin maiksi."

Nangunot naman ang noo ni Alex, napaisip kung sino ang posibleng tinutukoy ni Aling Ada. "Saglit lang po ha, kuha lang ako ng litrato."

Mabilis na tinungo ni Alex ang kusina, nang makita niya si Kelly napatayo ang dalaga. "Sino iyon? Anong mayroon?" Mahinahon na tanong ni Kelly, pero hindi maitatago ang kaba na nararamdaman niya. Ayaw lang niya na ipakita sa anak ang nararamdaman, dahil mabilis niya iyon na mapansin. Mabilis din na maapektuhan.

"May naghahanap daw sa akin sabi ni Aling Ada."

"Huh?" Napasigaw na wika ni Kelly, mabilis naman niyang tinakpan ang kanyang bibig nang makita na napatingin ang anak sa kanyang gawi. "Sino naman?" Halos ibulong niya iyon.

"Huwag mo nang isipin masyado, babae naman daw at may edad na. Hindi naman lalaki."

Natigilan naman si Kelly, napaisip kung sino ang posibleng sinasabi ni Alex. Imposibleng dalawin sila ng magulang ni Alex? At mas lalo naman na imposibleng dalawin siya ng kanyang magulang?

"Balikan ko muna si Aling Ada, ipapakita ko lang ang litrato... kung sino ang tinutukoy niya," Paalam ni Alex, tumango lang si Kelly at napatingin naman sa anak na nakatingin pa rin sa kanya. Nagtatanong ang mga mata nito, napakainosente.

Nilapitan ni Kelly ang anak, at ang tanging nagawa na lang niya ay yakapin ito. Hindi naman siya nabigo dahil naramdaman niya ang maliliit na kamay ng anak na kumapit sa kanyang leeg.

"ITO po ba ang nakita niyo?" Unang pinakita ni Alex ang litrato ng kanyang ina, umiling naman ang ale sa kanya. Sumunod niyang pinakita ang litrato ng magulang ni Kelly. "Maputi nga, pero masungit naman ang awra niyan." Hindi maiwasang komento ni Aling Ada. Gusto pa sanang sabihin ni Alex na nanay iyon ni Kelly, pero hindi na niya nagawa pa dahil mas litaw ang kagustuhan na malaman kung sino ang tinutukoy ni Aling Ada. "Wala na bang iba?" Dagdag pa ni Aling Ada.

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOYWhere stories live. Discover now