Napaka-imposible ang bagay na iyon.

Binuhat ni Kelly ang kanyang anak. "May kausap po, nanay," Tugon sa kanya ni Riri. Nangunot naman ang noo ni Kelly. Sino naman ang kakausapin ni Alex? "Likod po nanay, nagpaalam po si tata... saglit lang daw po siya." Dagdag pa ng kanyang anak, mukhang napansin siguro ang kanyang pagtataka.

Tumango naman siya bago dumiretso sa sala. Binuksan niya ang telebisyon at nilagay sa pangbata na palabas. "Pasalubong ko po, nanay?" Tanong ng kanyang anak, nakalahad pa ang kanang kamay nito.

Napangiti naman si Kelly, hindi talaga kailanman nakakalimutan ng anak ang pasalubong nito. Iyon kasi lagi ang sinasabi niya kapag aalis, dahil hirap nga niyang maiwan si Riri. Para lang makaalis siya, kailangan niyang pangakuan iyon ng pasalubong para hindi na umiyak. "Upo ka muna, kunin ni nanay, ha." Bilin niya sa anak, ngumiti naman ang bata at tinutok na ang paningin sa telebisyon.

Nang magtungo si Kelly sa kusina, bumungad naman sa kanya si Alex at ang kasama nitong babae. Sa isip niya, siya ba ang tinutukoy ni Riri na sinasabing kausap ni Alex? Sa kanyang tansya, higit pang matanda ang babae sa kanya.

"Nakauwi ka na pala," Sambit ni Alex nang makita siya. Ang babae naman na kasama ni Alex ay ngumiti lang sa kanya, ngunit hindi niya magawang tugunan iyon. Nanatiling blangko ang kanyang reaksyon.

"Hindi, anino lang ako ni Kelly." Hindi niya maiwasan na maging sarkastiko sa puntong iyon, hindi niya mawari sa sarili kung bakit.

Dahil ba may ibang kasama si Alex na iba? Na hindi man lang sinabi sa kanya?

"Kelly!" May diin na sambit ni Alex, pinaparating nitong hindi niya nagustuhan ang inasal nito.

Hindi pinansin iyon ni Kelly at tinalikuran niya ang dalawa. Kinuha niya ang Jollibee spaghetti na siyang paborito ng kanyang anak. Tuwing lalabas sila at magkakaroon ng pagkakataon na kumain sa labas, iyon lagi ang request ng anak sa kanya.

Nang maihanda niya iyon sa plato ng anak, handa na siyang bumalik ngunit saktong pagkatalikod niya. Mukha naman ni Alex ang sumalubong sa kanya, halos mapaigtagad siya sa gulat.

Umatras si Kelly at nilibot ang kanyang tingin, hinanap ng mata niya kung nasaan iyong babaeng kanina lang na kasama ni Alex.

"Pinauwi ko na, tatawagan ko na lang depende kung anong magiging desisyon mo," Paliwanag ni Alex, mukhang nakuha niya kung ano ang hinahanap ni Kelly.

Nangunot naman ang noo ni Kelly. "Desisyon saan?"

Naglakad na si Kelly, dahil panigurado na hinahanap na ni Riri ang pasalubong nito. "Anak," Pagtawag ni Kelly sa anak.

"Bakit po, nanay?" Tugon naman ng anak, na hindi man lang siya binalingan ng tingin. Ang tingin ay nakatutok lang sa telebisyon.

"Anak," Pag-uulit niya, sa mahinahon pa rin na paraan. Ayaw niya sa lahat iyong kapag tinawag niya ang anak hindi siya binibigyan ng atensyon. Lalo na kasi nanunuod siya ng palabas sa telebisyon, mahihirapan talaga na makuha ang kanyang atensyon.

Nang humarap iyon sa kanya, nakasimangot na. "Nanay, bakit po?" Mas lalong humaba ang nguso nito.

Kinuha naman ni Alex ang pagkain na hinanda ni Kelly, at nilapitan ang bata. Pinatong niya sa lamesa ang pagkain, at pinaharap sa kanya ang bata.

"Kumain ka na lang, hindi galit si nanay... Pwede ka na manood, mag-uusap lang kami ni nanay." Tumango naman si Riri. "Salamat po, tata..." Saglit nitong binalingan ng tingin ang ina. "N-Nanay..." At tinuon na muli ang atensyon sa telebisyon habang kumakain.

Sa edad niyang tatlong taon, hindi na kailangan pang subuan siya ni Kelly tuwing kakain siya mag-isa o kapag sabay man silang tatlo. Maaga siyang natuto na kumain mag-isa, dahil hindi maitatanggi na ganado ang bata lalo na kung paborito niya ang kanyang kinakain.

Napailing na lang si Kelly, kinukunsinti na naman ni Alex ang bata. Minsan, hindi naman na nagugulat si Kelly, kung may ganoong klase ng ugali si Riri.

Mata pa nga lang, halata na. Iyong mga possible pa kayang ugali, 'di ba?

"Hindi dapat ganoon lagi!" Sabi agad ni Kelly nang medyo makalayo silang dalawa sa anak.

Pinaupo naman siya ni Alex, magkaharap na silang dalawa. "Bata pa lang naman, Kelly. Hayaan mo na," Pagsasawalang bahala ni Alex.

"Kaya nga dapat bata pa lang, hindi na sinasanay." Napairap na lang talaga si Kelly, na agad din siyang nagbawi dahil sa naalala na sinasabi ni Alex sa kanya.

"Ano nga palang desisyon ang sinasabi mo?"

Hindi naman na nagdalawang-isip pa si Alex na sabihin iyon kay Kelly.

"Ang kumuha ng yaya para magbantay kay Riri."

Itutuloy...

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOYWhere stories live. Discover now