✟ CHAPTER 3 ✟

99 20 17
                                    

Isang lumang carousel ang umikot-ikot. Wala ritong nakasakay nang matanaw ko sa di-kalayuan. Nakita ko na itong carousel na ito. Ito ang carousel kung saan may naalala ako noong pumunta kami ni Xander sa EK kaya nawalan ako ng malay.

Iginala ko ang aking mga mata sa magkabilang sulok pero itim lang ang paligid at ang carousel lamang ang nandirito.

Matitingkad ang mga ilaw nito na may kulay asul, berde, pula, at dilaw habang ito ay kumukutitap. Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa carousel para hanapin ang batang kamukha ko noong bata pa ako.

Oo, ang batang kamukha ko na may dalang maliit na kahon. Ang batang nasa Baguio rin . . . tama! Ganoon pala ang mukha ko noong bata pa ako. Pero bakit ako nito ginagambala? Sino ba siya? Bakit hindi ko maalalang may kakambal ako?

Habang abala ako sa paghahanap ng tao sa lugar ay naisip kong dito sa lugar na ito masasagot ang lahat ng aking mga katanungan. Nilingon ko ang paligid kaliwa’t kanan dahil wala akong makitang tao maliban sa akin.

Habang umiikot ang carousel ay nabigla ako nang magputukan ang maliliit na bombilya galing sa carousel, dahilan para mapayuko ako upang hindi matamaan sa mukha galing sa nababasag na bombilya.

Narinig kong dahan-dahang huminto ang tunog ng pag-usad ng carousel habang nakapikit ang aking mga mata.

Hindi ko pa man din nabubuksan ang aking mga mata ay may nararamdaman ako na kung anong maliit na bagay sa aking mga kamay. Nakatayo na ako ngayon.

Marahan kong ibinuka ang aking mga mata para siyasatin ang mga pangyayari. Biglang nag-iba ang lokasyon. Para akong nilulunod sa dilim ng lugar na ito.

Isang maliit na puting bilog lamang ang aking nakikita sa di-kalayuan at ang paligid ay nababalot ng kadiliman. Kinapa ko ang aking hawak habang nakatuon pa rin ang aking mga tingin sa maliit na liwanag na iyon.

Ano itong nasa kamay ko?

Nang kapain ko ito ay parang isang maliit na kahon ito.

“Saan nanggaling ito?”

Hindi ko mapigilang magtanong na para bang may sasagot sa akin.

Iginalaw ko ang aking mga daliri para hanapin ang puwedeng pagbuksan nito. Nang maramdaman ng aking hintuturo ang latch ay kaagad ko itong binuksan. Ipinasok ko ang aking kamay at kinuha ang laman nito. Madulas at buhol-buhol ang laman nito. Ramdam ko ang pagkunot ng aking noo ko nang magkaroon ako ng ideya kung ano ang nasa loob.

Buhok. Inilabas ko ito sa kahon at kinapa ko uli ito. Nakasisigurado akong buhok ito na nakatali at nasa dalawang pumpon.

Ano ito? Ano ang ibig sabihin ng buhok na ito?

Hindi pa man nasasagot ang katanungan sa aking nasaksihan ay biglang lumago ang liwanag sa harapan ko—liwanag na may dalang usok na dahilan para kilabutan ako nang husto.

Hindi ko alam kung ipipikit ko ba ang aking mga mata o hihintayin ko kung sino man ang multong gumagambala sa akin.

Pero sa kagustuhan na malaman ang katotohanan ay pilit kong nilalabanan ang aking takot para masagot ang mga nakakalitong ipinakikita sa akin.

Nabigla ako nang may nakadikit na sa aking noo. Hindi ko alam kung saan ito galing dahil ang liwanag lamang ang nakikita ko kanina. Malamig ito na parang yelo.

𝕮𝖔𝖚𝖍 𝕸𝖔𝖈𝖍 (Self-Publish) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon