The Traveler

821 18 8
                                    

Wattpad Contest 2014
Round 1 Entry

Maraming mga bagay sa mundo ang hinihiling natin ngunit hindi natutupad. Maraming mga salita na ninanais nating masabi ngunit hindi natin magawa. Maraming mga pagkakataong gusto nating ibalik ang oras ngunit patuloy ito sa pagtakbo palayo sa atin. Bakit nga ba sa bawat hakbang na ginagawa natin ay mayroong nasa loob ng utak natin na nagsasabing hindi ito tama? Bakit nga ba mahirap gawin ang tama? Ang nararapat?

Ako si Israel, at isa ako sa mga naghahanap ng mga sagot sa katanungan iyan. Isa ako sa mga humihiling sa mga bagay na hindi natutupad at nagpipilit hilahin pabalik ang oras. Ngunit kahit anong pilit ko ay patuloy ito kumakawala mula sa aking mga kamay. Bakit nga ba?

Nandito ako ngayon sa aking kama, nakahiga at nakatulalang nakatitig sa kisame ng aking kwarto. Nalagay ang aking kamay sa likod ng aking ulo at sinasapo ito. Maraming bumabagabag sa aking isip, iba't-ibang problema. Pakiramdam ko ay pasan ko ang bigat ng buong mundo sa aking mga balikat. Ilang araw kong hinahanap ang mga solusyon sa aking problema ngunit ilang beses ring karagdagang problema ang aking natamo.

Tumayo ako mula sa aking pagkakahiga at dumiretso sa bintana. Inilapat ko ang aking mga kamay dito at pinagmasdan ang magulong mundo. Natunghayan ko ang mga nagsisibilisang lakad ng mga tao, ang mga naglalakasang busina ng mga kotse at ang paglipad ng mga ibon. Lahat nang ito ay nagpapadagdag lamang sa mga iniisip ko. Bakit nga ba tumatakbo ang mundo sa paraang ito? Bakit hindi na lamang ito maging perpekto tulad nang mga naisusulat sa libro at sa ibinabahagi sa mga pelikula at palabas? Bakit ang perpektong mundo ay hanggang sa isip lamang natin?

Ngunit hindi ako nag-iisa dito. Alam ko sa mundong ito ay may karamay ako sa problemang ito. Hindi ko alam kung ilan, ngunit isa ang kilala ko. - Si Camille. Siya ang aking nobya ng halos tatlong taon na at siya rin ang ugat ng lahat ng problema ko.. Siya ang dahilan kung bakit ako nag-iisip ng mga ganitong bagay.

Higit sa lahat, hindi lamang problema ang taglay ko, ipinanganak ako ng may isang kakayahan na maaaring hindi naisin ng ibang tao...

Hinarap ko ang aking kama at doon ko nakita ang sarili kong mahimbing na natutulog. Sinasapo ng dalawa kong kamay ang aking ulo habang nakatihaya. Nilapitan ko ang aking sarili at tinitigan ito habang hindi ito gumagalaw man lang. Suot nito ang sandong kulay asul at shorts na ginagamit sa basketball - katulad ng aking suot. Ako ngayon ang ispiritong nasa loob ng buhay kong katawan.

Mula pa lamang nang ako ay bata ay taglay ko na ang kakayahang ito. Isa akong astral traveller. Halos sampung taong gulang ako nang mahasa ako sa ganitong kakayahan. Hindi ko alam kung paano nangyari ang lahat o paano ako nagkaroon nito ngunit wala akong balak na alamin. Para sa akin, kung ano mang dala ng pagiging astral traveller ko, ay tinatanggap ko bilang biyaya. Dahil ito ang nagsilbing lugar para ako ay tuluyang makahinga at makakawala sa mahihigpit na kamay ng realidad.

Kaya ng aking kaluluwa na lumabas mula sa aking katawan habang ako ay mahimbing na natutulog. Kaya kong tingnan ang mundo gamit ang aking mga sariling mata na tila ba ako ay gising. Kaya kong gawin ang mga bagay-bagay na tulad ng mga ginagawa ko habang ako ay gising. Mga normal na bagay ngunit ang pagkakaiba lang ay walang nakakakita sa akin.

Naisipan kong maglakbay muli ngayon, dahil ito naman ang lagi kong ginagawa. Nais kong makita ang mga nangyayari ngayon sa aking paligid ng hindi nila ako nakikita.Tinitigan ko muli ang aking sarili at ipinangako na hindi maliligaw ang aking kaluluwa na muntik nang mangyari noon.

Tumagos ako sa pintuan ng aking kwarto at lumabas ako sa makitid na pasilyo ng ikalawang palapag ng apartment na tinitirahan ko. Tahimik ito at walang katao-tao. Tanghalian pa lamang kaya't wala pa ang mga kasama kong occupants dito. Karamihan kasi ay mga estudyante ng kolehiyo at ang iba naman ay empleyado. Mayroon ring mga pamilya at nagsasama dito ngunit kalimitan ko lamang silang makita dahil na rin siguro sa hindi kami nagpapansinan at nagkakausap.

DismantledWhere stories live. Discover now