"A-ano bang tanong iyan?" Namumula ang buong mukha ni Eli hanggang leeg nang mag-angat siya ng mukha.


"Ano nga? Magkakagusto ka ba sa akin? Saka kung magugustuhan mo ba ako, liligawan mo ba ako—"


Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil tinakpan niya na ng kanyang palad ang bibig ko.


"Mmmn... Mmnp...!"


"'Wag ka ng magsalita, utang na loob!" namumula pa ring sabi niya sa akin.


Tinabig ko naman ang kamay niya. "Naitanong ko lang naman!"


Hindi naman na kumibo si Eli. Para siyang na-empatso dahil hanggang pagbaba namin sa school ay pulado pa rin siya. Para siyang tanga.


Sabay kaming naglakad ni Eli papunta sa building ng Grade 10. Nasa room niya na siya pero namumula pa rin ang mukha niya. Hindi na tuloy ako nakapagpaalam sa kanya. Dumiretso na ako papunta sa room ko.


Kanina na kasama ko si Eli ay kalmado pa ako. Ngayong mag-isa na lang at papalapit na sa room ko ay nagsimula na akong kabahan. Habang humahakbang ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko.


Nang mga nakaraan ay simple lang naman ang buhay ko sa school. Madalas boring pa nga. Palagi kong hinihila ang mga oras para lang matapos na ang araw. Para akong patay na bata na nag-e-exist lang dahil kailangan.


Pasimple kong hinampas ang aking dibdib. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ako biglang nagkaganito?


Nang matanaw ko na ang tapat ng room namin ay napalunok ako. Kusang dumaloy ang tanong sa isip ko na kung nandoon na ba ang taong dahilan kaya ako nagkakaganito?


Nandoon na kaya siya? Nandoon na ba ngayon si Isaiah?


Makikita ko siya ngayon, 'di ba? Lalapitan niya kaya ulit ako? Ano ang gagawin niya ngayong araw na ito?


Natigilan ako sa paghakbang nang mula sa pinto ng room namin ay makita ko siyang lumabas. Naka-white plain t-shirt lang siya at walang suot na school polo. Magulo ang buhok niya na halatang basa pa. Nakapamulsa siya sa suot na school pants. Kahit malayo pa ako ay parang naaamoy ko na kung gaano siya kabango.


Muli akong natigilan dahil sa naisip. Bakit kabisado ko ang amoy ni Isaiah Gideon Del Valle? Bakit alam ko kung gaano siya kabango?


Ang naghahalong amoy ng Safeguard Eucalytpus Green, ang Head and Shoulders shampoo niya, ang CK na men's cologne, at ang natural na mabangong amoy na meron siya. Bakit kabisado ng utak ko ang lahat ng iyon?


Pinanood ko ang swabe na paglabas niya sa pinto at ang pagngiti niya sa naghihintay sa kanya. Sumunod ang aking paningin sa kung sinong kausap niya.


Kumunot ang aking noo nang makita ang isang babae na may maganda bagamat matapang na mukha. Kilala ko ito dahil naging kaklase rin namin noong Grade 8. Kung hindi ako nagkakamali ay Carlyn ang pangalan ng babae.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now