"Vi, pati leeg mo namumula na!" gulat na sambit ni Eli.


"Ha?" Napahawak ako sa aking leeg. "Uh, a-ano ito... nangangati... a-ano expired kasi iyong ginamit kong powder kanina..."


"Gumamit ka ng expired? Bakit naman kasi hindi ka tumitingin sa expiration? 'Di ba ilang beses ko nang sinabi sa 'yo na lahat ng gagamitin mong cosmetics ay ich-check mo muna ang manufacturing date at—"


"E oo na! Tara na!" Hindi ko na siya pinatapos. Mabilis ang mga hakbang ko nang magpatuloy sa paglalakad.


Sa pangatlong hakbang ko ay nakaapak ako ng bato, matatapilok na ako pero mabuti na lang at nahawakan ni Eli ang bag ko.


"Dahan-dahan ka nga 'sabi maglakad! Ang bilis-bilis mo, mabuti sana kung 'di ka lampa e!" sermon niya sa akin.


Iginilid niya ako sa daan at pinakatitigan. Napalunok naman ako. Kapag ganito si Eli ay kabado na ako dahil sa tingin pa lang niya ay parang nalalaman niya na agad ang tumatakbo sa isip ko.


"Ikaw nga, magtapat ka sa akin. Bakit ka ba nagmamadali, ha?"


Lumikot ang mga mata ko dahil ayaw kong aminin ang dahilan. Ayaw ko talaga. Ilang beses pa muna akong lumunok bago siya sinagot. "Uhm, g-gusto ko na kasing umuwi."


Kumunot ang noo niya na halatang hindi kuntento sa sagot ko. Kilala niya na kasi ako kaya ang hirap magsinungaling sa kanya.


Hinawi ko ang aking buhok at pasimpleng ibinalik sa ibang direksyon ang aking mga mata. "Uhm kasi, excited akong umuwi kasi ngayon magkakabayaran sa lupa na ipinapabenta ng kaibigan ni daddy. Magpapa-salon kami ni mommy."


Doon lang napatango si Eli. Kapag tungkol sa vanity ay hindi siya naghihinala. Alam niya kasi na bisyo namin iyon ni mommy. "Ah, ganoon ba? Pero di ba kakapa-salon mo lang last month? Hindi ba masusunog ang buhok mo kung magpapa-salon ka agad?"


Napanguso ako. "Hindi naman ako magpapa-straight at magpapakulay ng buhok. Treatment lang."


Napakamot siya sa kanyang makinis na pisngi. "Ah, iba pa ba iyon?"


"Oo iba pa iyon. Ano ba 'yan, Eli? Akala ko ba matalino ka pero wala kang alam sa hair treatment?!" Inirapan ko siya at nauna na akong sumakay sa tricycle bago pa siya magtanong na naman.


Sumunod naman siya agad sa akin. Magkatabi kami sa back ride ng tricycle. Mabuti na lang at hindi niya na ako tinanong ulit.


Tahimik na si Eli sa buong biyahe pa-Buenavista. Malayo ang tanaw niya at para siyang may iniisip.


Pagbaba sa amin ay hindi na ako nakapagpaalam sa kanya. Dire-diretso na ako sa bahay namin na katabi ng bahay nila. Nasa pinto pa lang ako ay maririnig na naman ang malakas na sounds sa loob. Nagpapatugtog si mommy. Gawain niya ito tuwing hapon.


♫♪♪ 

Like a virginnn!

Touched for the very first time!

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now