Kunot noo na tiningnan ni Kelly ang kanyang magulang. Ano ba ang sinasabi nila? Wala ni isa ang tumama! Sa tingin ba nila kung nakipagtanan siya, ganitong oras siya aalis? Iyon ba na gising pa sila, at panigurado na mahuhuli siya?

"Bakit kayo magkasamang dalawa?!" Nanunuya ang tingin ni Mr. Tolentino, hindi talaga niya nagustuhan ang nadatnan.

"Sumagot ka Kelly!" Sigaw pa ni Mr. Tolentino nang wala agad nakuha na sagot mula kay Kelly, halatang nagtitimpi lang sa galit.

Napaigtad si Kelly dahil doon, kahit si Alex na tahimik lang sa gilid nabigla rin sa pagsigaw ni Mr. Tolentino.

"Papa, ano po bang sinasabi ninyo?" Nagtataka na tanong ni Kelly. Doon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na sumagot kay Mr. Tolentino. Sa isip-isip niya, wala naman siyang ginagawang masama. Pinilit niyang maging kalmado. Pero, sa loob niya sobrang kabado na siya.

"Bakit kayo magkasama ni Alexander at bakit ka nag-aayos ng gamit mo?" Matigas na sabi ni Mr. Tolentino, hindi pa rin napapawi ang galit nito. Panay lang ang pagpapakalma ni Mrs. Tolentino sa asawa.

Minsan nang inatake si Mr. Tolentino ng highblood, at hindi iyon gugustuhin pa ni Mrs. Tolentino na mangyari ulit. Lalo na't noong nakaraan, aminado siyang may kasalanan siya sa nangyari.

"Papa, mama magpapaalam po ako..." Nakailang lunok pa si Kelly, bago niya nasabi iyon. Ang lala kasi ng tingin ni Mr. Tolentino, nakakatakot talaga. Para kang kakainin, na isang maling salita mo lang at kapag hindi niya nagustuhan. Posibleng lunukin ka niya.

"Walang nagpapaalam na lalayas Kirsten, at lalong ang mga lumalayas at magtatanan hindi nagpapahuli!"

Nasapo na lang ni Kelly ang kanyang noo, at binaling ang tingin kay Alex. Nanghihingi ng tulong, pero si Alex naman ay prente lang na nakaupo. Nanonood sa kanilang tatlo.

Pinaningkitan niya ito nang magtama ang mata nila, ngunit iniwasan lang iyon ni Alex na siyang ikinainis niya.

Para saan pa at sumunod siya sa akin? Kung hindi naman niya ako tutulungan dito!

"Bakit mo 'to nagawa sa amin Kelly? Mag-isa ka lang na anak namin, saan kami nagkulang?" Histerikal na sambit ni Mrs. Tolentino.

Nadale na! Ano ba naman 'to?

"Papa," Nanghihina na sambit ni Kelly. Parang mas lalo siyang nawalan ng lakas, dahil sa mga narinig niyang sinabi ni Mrs. Tolentino. Wala namang katotohanan ang mga iyon.

Ayaw man niyang sabihin na ang OA nila, pero parang ganoon na nga!

"Ano na naman ang idadagdag mo Kelly? Hinayaan ka na ngang mag nobyo, bakit dalawa pa? Akala ko ba mahal mo si Pareng Adam, iba pala ang mahal mo! Si Alex pala!" Puno ng panghuhusga ang boses ni Mr. Tolentino, hindi makapaniwala sa kanya. Litaw pa ang pagkadismaya.

Bigla na lang napaubo si Alex, dahilan para sumama ang tingin ni Mr. Tolentino sa kanya.

"Bakit ninyo hinayaan na ganito? Niloloko ninyo si Pareng Adam!" Dagdag pa ni Mr. Tolentino, parang sa kanyang dating siya ang nasasaktan na pinagtaksilan si Adam.

"Uncle..." Hindi na napigilan ni Alex na sumabat, masyado ng wala sa katotohanan ang paratang sa kanila ni Mr. Tolentino. Pero mukhang maling ideya na nagsalita pa siya.

Nako naman! Ano ba 'tong pinasok ko? Quota na nga ako sa anak nila, pati pala sa magulang.

"Pinagkatiwalaan kita, Alexander!" Puno ng hinanakit ang boses ni Mr. Tolentino. "Pero hindi ko naisip na kaya mong lokohin ang isang tao, para lang sa pansariling kasiyahan mo! Sinasamantala ninyo kahit wala rito si Pareng Adam." Halos ikabagsak ng balikat iyon ni Alex at Kelly. Gusto nilang matawa na dalawa sa sinasabi ni Mr. Tolentino, pero hindi nila magawa pareho dahil talagang seryoso ang ama ni Kelly.

Akala mo talaga totoo ang lahat ng sinasabi ni Mr. Tolentino. Eh, kung dalhin sa korte panigurado na walang siyang maipapakita na ebidensya!

Mas ikinagulat nila ang sumunod na sinabi ni Mr. Tolentino. "Maghiwalay na kayong dalawa. Bago ako tumawag sa kanya, at isusumbong ko kayo!" Buo ang loob ni Mr. Tolentino nang sinabi niya iyon, seryoso siya sa kanyang salitang binitawan. Animo'y hindi niya talaga palalampasin ang araw, hangga't hindi nila iyon nagagawa.

"Papa, mama..."

"Ano?! Sasabihin mong mahal mo sila pareho, at nahihirapan kang pumili. Hay Nako! Sinasabi ko sa iyo anak, huwag ganyan. Isa lang dapat!" Mas ginulo ni Mr. Tolentino, ang kanyang isipan sa mga sinabi nito. Nag suhestyon pa ng dapat gawin, eh.

Hindi rin siya bigyan ng pagkakataon na magsalita. Paano siya makakasagot kung panay ang pagbabara ng kanyang ama? Mukhang may pinaghuhugutan, eh!

"Isa lang naman talaga papa, eh." Pagsang-ayon niya sa huling sinabi ng ama. Ano ba ang iniisip nila sa kanya? Timer? Nangongolekta ng lalaki?

"Kasi hindi naman po kami ni Alex," Pagtuloy ni Kelly. Akma na naman kasing magsasalita si Mr. Tolentino, kaya inunahan na niya! "Wala pong namamagitan sa aming dalawa papa. Magkaibigan lang po kami, iyon po ang totoo!" Puno iyon ng sinseridad, walang bahid ng kasinungalingan.

Nagtataka naman silang tiningnan ni Mr. Tolentino, duda pa rin. "Kung ganoon, bakit kayo magkasama?"

"Sinamahan niya po akong magluto," Tugon ni Kelly. Bigla na naman niyang naalala ang nangyari. Dahilan para mawalan siya ng gana.

"Dito kayo nagluto?" Gulat na sambit ni Mr. Tolentino, sa pilosopo na tono.

Nakatanggap naman ng hampas si Mr. Tolentino, nakanguso siyang binalingan ang asawa. "Mukha bang may lutuan dito?" Sarkastiko na tanong ni Mrs. Tolentino sa asawa, panay pa rin ang himas ng kanyang braso na nahampas. Mukhang napalakas yata.

"Kasi nandito sila mahal. Ano ang gusto mong isipin ko?" Depensa naman ni Mr. Tolentino, sa mahinahon na paraan.

"Para saan ba kasi 'yang gamit mo Kelly, at bakit kayo magkasama ni Alex sa kwarto mo?" Naiinip na tanong ni Mr. Tolentino, na napaupo na lang sa sahig. "Masakit na ang paa ko, tsaka ang dami kong nasayang na laway. Mali pala ang hinala ko. Huwag mo ng patagalin pa, ano iyon?"

Huminga ng malalim si Kelly, bago binalingan si Alex na tumango lang sa kanya. Dahilan para mangunot naman ang noo ni Mr. Tolentino sa naging tinginan ng dalawa.

Bakit may ganoon na tinginan?

"Magpapaalam po akong pupunta kaming dalawa ni Alex sa Manila."

Itutuloy...

ACCIDENTALLY GLANCES THE CITY BOY (PUBLISHED UNDER IMMAC PPH)Kde žijí příběhy. Začni objevovat